POPULARITY
Categories
Sermon: Ang Pakikinig Sa Message Ni Christ At Ang Kingdom That Is No Longer Hidden Series: God's Perfect Servant Speaker: Rev. Michael Cariño Scripture: Mark 4: 21-25 Dating nakatago ngunit ngayo'y ganap nang inihayag at bukas para sa lahat ang Mabuting Balita ni Hesus. Ngayong Linggo, hinihikayat tayo ni Rev. Michael Cariño na ituon at payabungin ang ating mga puso sa Salita ng Diyos—upang mas lalo nating maunawaan si Hesus, mas maisabuhay ang Kanyang liwanag, at makapagdulot ng tunay na paglago at pagbunga para sa Kanyang Kaharian. The Good News of Jesus that was previously hidden is now fully revealed and available to all. This Sunday, Rev. Michael Cariño urges us to focus and enrich our hearts with the Word of God. May we deepen our understanding of Jesus, live out His light more fully, and bring about true growth and fruitfulness for His Kingdom. Sermon Notes: https://drive.google.com/file/d/1qwWQ808CodLKFfobqJtjq8SYQ6vo0yZ3/view?usp=drive_link On our website: https://cbcp.org/blog/2025/05/18/ang-pakikinig-sa-message-ni-christ-at-ang-kingdom-that-is-no-longer-hidden/ Join a Life Group: https://cbcp.org/lifegroups Find an event: https://cbcp.org/events Learn how to give: https://cbcp.org/giving Website: https://cbcp.org Facebook: https://facebook.com/cbcponline YouTube: https://youtube.com/cbcponline Soundcloud: https://soundcloud.com/cbcponline Instagram: https://instagram.com/cbcponline
Sermon: Ang Pagtawag Ni Christ Sa Mga Sinners At Ang Kanyang Grace Series: God's Perfect Servant Speaker: Rev. Michael Cariño Scripture: Mark 2:13-17 Hatid ng Mabuting Balita ni Hesus ang mensahe ng biyaya't awa para sa lahat ng makasalanan. Bukas ito para sa lahat at walang itinatangi. Sa linggong ito, ibinabahagi ni Rev. Mike Cariño na inaanyayahan ni Kristo ang lahat na sumunod sa Kanya. Tinatawag Niya tayong lahat—bagamat makasalanan—upang maging Kanyang kaibigan at makamtan ang kaligtasang tanging sa Kanya matatagpuan. The Good News of Jesus is a message of grace and mercy for all sinners, without exceptions. This week, Rev. Mike Cariño shares that Christ's invitation to follow Him is extended to everyone, calling all sinners to become His friends and find salvation only in Him. Sermon Notes: https://drive.google.com/file/d/1BAhafsjLoZ2JA8WSg9Yg2sG6wXberUqu/view?usp=drive_link On our website: https://cbcp.org/blog/2025/03/02/ang-pagtawag-ni-christ-sa-mga-sinners-at-ang-kanyang-grace/ Join a Life Group: https://cbcp.org/lifegroups Find an event: https://cbcp.org/events Learn how to give: https://cbcp.org/giving Website: https://cbcp.org Facebook: https://facebook.com/cbcponline YouTube: https://youtube.com/cbcponline Soundcloud: https://soundcloud.com/cbcponline Instagram: https://instagram.com/cbcponline
Sermon: Ang Pasimulang Pagsabak Ni Christ Sa Ministry Series: God's Perfect Servant Speaker: Rev. Michael Cariño Scripture: Mark 1:9-15 Ang ministeryo o "ministry" ni Hesus ay nagsimula sa Kanyang bautismo. Sa linggong ito, binibigyang-diin ni Rev. Mike Cariño na ang Mabuting Balita ay tungkol sa katuparan ng pangako ng Diyos at ang pagdating ni Kristo, na nagtagumpay laban sa lahat ng tukso. The ministry of Jesus Christ began at His baptism. This week, Rev. Mike Cariño emphasizes that the Good News is about the fulfillment of God's promise and the arrival of the Anointed One, who triumphed over all temptations. Sermon Notes: https://drive.google.com/file/d/1a22tTGJgTKyxkYwr8S-ptIt6rmSdp4Qx/view?usp=drive_link On our website: https://cbcp.org/blog/2025/01/19/ang-pasimulang-pagsabak-ni-christ-sa-ministry/ Join a Life Group: https://cbcp.org/lifegroups Find an event: https://cbcp.org/events Learn how to give: https://cbcp.org/giving Website: https://cbcp.org Facebook: https://facebook.com/cbcponline YouTube: https://youtube.com/cbcponline Soundcloud: https://soundcloud.com/cbcponline Instagram: https://instagram.com/cbcponline
Sermon: Pagsuko sa ating Karapatan for the Sake of the Gospel Series: Jesus is the Answer Speaker: Ptr. Joseph Ouano Scripture: Pagsuko sa ating Karapatan for the Sake of the Gospel Bakit handa si Pablo na isuko ang kanyang mga karapatan para sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita? Sa linggong ito, ipapaliwanag ni Pastor Joseph Ouano kung paano mas malayo ang ating mararating kapag handa tayong isuko ang ating mga karapatan para sa kapakanan ng Gospel. What logical reason did Paul have for willingly giving up his rights to make the Gospel accessible to all? This week, Pastor Joseph Ouano explains how we have much more to gain when we're willing to surrender our rights for the sake of the Gospel. Sermon Notes: https://drive.google.com/file/d/1jbdhvTlBdPJGIm6_64TmZdY8QV942nqi/view?usp=drive_link On our website: https://cbcp.org/blog/2024/06/30/pagsuko-sa-ating-karapatan-for-the-sake-of-the-gospel/ Join a Life Group: https://cbcp.org/lifegroups Find an event: https://cbcp.org/events Learn how to give: https://cbcp.org/giving Website: https://cbcp.org Facebook: https://facebook.com/cbcponline YouTube: https://youtube.com/cbcponline Soundcloud: https://soundcloud.com/cbcponline Instagram: https://instagram.com/cbcponline
Mabuting Balita l Mayo 31, 2024 – Biyernes Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 1,39-56 Nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako't naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan! Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinasabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali't-salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. “Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy naming walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay. Pagninilay: Sa pagmamadali kong umuwi, nakalimutan ko ang pangako ko sa aking pamangkin. Pagdating sa bahay ng aking kapatid, patakbong yumakap ang pamangkin ko at tuwang-tuwang nagtanong – “Uncle, where is my donut?” Naku, halos matunaw ako sa hiya dahil wala akong dalang donut. Sabi ko na lang sorry at bukas ko na lang bibilhin kasi nalimutan ni uncle. Laking gulat ko nang ngumiti ang aking pamangkin at niyakap akong muli, sabay sabing, “It's OK uncle. But tomorrow it's already 2 boxes”. Mga kapanalig, sa Mabuting balita ngayon, nagmamadali si Maria upang dalawin si Elisabet na kanyang pinsan. Nagmamadali sapagkat dala-dala niya ang Mabuting Balita sa kanyang sinapupunan. Hindi niya ito makakalimutan sapagkat napakalaki at kagila-gilalas ito, na tiyak na ikamamangha ni Elisabet, na nakaranas din ng himala sa kanyang pagdadalang-tao. Pareho ang dumalaw at dinadalaw na may pasalubong sa bawat isa. Pareho nilang tangan sa kanilang puso at sinapupunan ang Mabuting Balita, at ang tinig na maghahanda ng daan para sa Mabuting Balita. Parehong nanalig sa kapangyarihan ng Diyos at naging bahagi sa plano ng kaligtasan ng sanlibutan, ang magpinsan. Sa kanilang pakiki-isa at pagtugon sa Diyos nasimulan ang daan sa pangakong kaligtasan. Kapanalig, Paanyaya ito sa atin na makiisa at magmadali rin sa pagbabahagi ng Mabuting balita sa ating kapwa, na naghihintay marinig ang tinig at plano ng Diyos sa buhay nila. Nawa'y huwag nating malimutan ang tunay at nakasasabik na pasalubong para sa kanyang bayan – ang wagas na pagmamahal at walang hanggang awa at biyaya ng Diyos. Amen.
Mabuting Balita l Mayo 30, 2024 – Huwebes Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Santa Juana ng Arco Ebanghelyo: MARCOS 10:46-52 Dumating si Hesus sa Jerico, at pag-alis n'ya roon kasama ng kanyang mga alagad at ng marami pang tao, may isang bulag na pulubi na nakaupo sa tabing-daan-- si Bartimeo, na anak ni Timeo. Nang marinig niya na si Hesus na taga-Nazaret ang dumaraan, nagsimula siyang sumigaw: “Kaawaan mo ako, Jesus, anak ni David.” Pinagsabihan siyang tumahimik ng mga tao pero lalo lamang niyang nilakasan ang kanyang sigaw: “Panginoon, anak ni David, maawa ka sa akin!” Huminto naman si Hesus at sinabi: “Tawagin n'yo siya.” “Lakasan mo ang iyong loob at tumindig ka. Tinatawag ka nga niya.” Inihagis nito ang kanyang balabal at paluksong lumapit kay Hesus. Kinausap ito ni Hesus at sinabi: “Ano ang gusto mong gawin ko?” “Ginoo, makakita sana ako.” “Sige, ang iyong pananalig ang nagligtas sa iyo.” Agad s'yang nakakita at sumunod s'ya kay Hesus sa daan. Pagninilay: Itinalaga ni Papa Francisco ang taong ito na Taon ng Panalangin bilang paghahanda sa dakilang Jubileo sa 2025. Paano ba dapat manalangin? Isang napakagandang halimbawa ng panalangin ang ebanghelyo ngayon. Hindi lamang sumigaw si Bartimeo upang humingi ng tulong kay Kristo nang may matibay na pananampalataya. Aktibo rin niya siyang hinanap sa pamamagitan ng pagbangon at paglapit sa kanya. Matiyaga at patuloy siyang tumawag kay Hesus na kinilala niya bilang Mesiyas, kahit na pinigilan siya ng iba. Buong tiwala niyang sinabi kay Kristo na gusto niyang makakita, at dininig ng Panginoon ang kanyang hiling. Nagsimulang makakita si Bartimeo, at natanggap rin niya ang dakilang biyayang makita ang mukha ni Kristo. Kay Bartimeo, matututunan natin ang mga katangian ng panalangin: Una, ito ay simple at mapagkumbaba – kinikilala ang kahinaan at kakulangan, at idinudulog ito sa Panginoon nang walang maraming palabok na salita. Ikalawa, may matibay itong pananampalataya. Ikatlo, punumpuno ito ng pag-asa na nag-udyok kay Bartimeo upang bumangon at lumapit kay Jesus. Ika-apat, paulit-ulit at matiyaga niyang sinambit ang kanyang pagsusumamo, kahit na pinigilan siya ng iba. Para kay Santa Teresita ng Lisieux: “Ang panalangin ay silakbo ng puso; ito'y isang simpleng tingin sa langit, isang sigaw ng pagkilala at ng pag-ibig, na yumayakap ng pagsubok man o kagalakan.” Kapanalig dasal tayo Ha.
Mabuting Balita l Mayo 29, 2024 – Miyerkules Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10:32-45 Sa paglakad ng mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna si Hesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga Punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila siya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.” Lumapit noon kay Hesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” “Ano ang gusto n'yong gawin ko?” “Ipagkaloob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman sa kaliwa mo.” “Talagang hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Maiinom ba ninyo ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” “Kaya namin.” “Totoong iinom din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kaya tinawag sila ni Hesus, at sinabi sa kanila: “Nalalaman ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo, ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.” Pagninilay: Sa ating Ebanghelyo ngayon, hiniling nina apostol Santiago at Juan na maupo sa kanan at kaliwa ni Hesus kung sakaling maghahari na siya sa mundo. Tanda ito na hindi pa nila lubusang naiintindihan kung anong klaseng paghahari ang gagawin ni Hesus sa mundo. Maghahari si Hesus sa mundo sa pamamagitan ng paglilingkod nang may pagpapakumbaba. Mag-aalay siya ng kanyang buhay alang-alang sa kapakanan ng kanyang pinaglilingkuran. Ang tunay na paglilingkod ay may pagsasakripisyo ng sarili alang-alang sa ikabubuti ng iba. Minsan kailangan nating pag-isapan ang mga praktikal na katanungan gaya ng: Hindi kaya magaling, may kakayanan, at mas naka-aangat ako sa buhay ay dahil mas malaki ang responsibilidad kong tumulong at maglingkod sa iba? Hindi kaya mas maraming biyaya ang aking natatanggap dahil mas malaki ang aking oportunidad at responsibilidad na tumulong sa mga nangangailangan? — Ito marahil ang ibig sabihin ni Hesus sa ating Gospel: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat matutong maglingkod sa inyo.” Sa huling yugto ng ating buhay, walang paunahan sa Muling Pagkabuhay. Diyos ang huhusga sa atin, kung nararapat tayong magkamit ng biyaya ng Muling Pagkabuhay. Ang sukatan ng Diyos ay kung gaano tayo nagmahal—ibig sabihin kung gaano natin pinahalagahan ang isa't isa, at hindi kung gaano kadami ang nalalaman natin at nakamit nating tagumpay sa buhay. Ganyan tayo nakikiisa sa plano ng Diyos kooperasyon, hindi kompetisyon. Manalangin tayo: O Hesus, inalay mo ang iyong sarili upang ako'y maligtas mula sa kasalanan. Turuan mo akong makapaglingkod din sa iba nang may pagpapakumbaba. Amen.
Mabuting Balita l Mayo 28, 2024 – Martes Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10,28-31 Nagsalita si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat upang sumunod sa iyo.” Sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama'y makakamit n'ya ang buhay na walang hanggan. May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.” Pagninilay: Narinig natin ang sinabi ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.” Mukhang may hugot ang binitawang salita ni Pedro. Totoong may kalakip na pag-uusig, sa bawat panawagan na sumunod sa yapak ng ating Panginoon. Ito ang great challenge. Noong nagsisimula akong tumugon sa calling ng pagmamadre, exciting para sa akin. Dahil nananabik ako noon na manahan sa kumbento. At sa formation na natanggap ko, doon ko lang napagtanto na ang kamangha-manghang panawagan ay ang ugnayan ko sa Diyos. Sa initial formation, dahan-dahan kong nauunawaan kung sino ako. Unti-unti, natutuhan ko ring mahalin ang sarili ko. Kasabay nito, little by little, ang nakilala kong Hesus, hindi ko lang nakikilala sa pangalan kundi, ang tunay na kahulugan ng Kanyang pangalan sa aking buhay. Kay tamis pagnilayan: Aking Tagapagligtas. Hindi lang din Siya bilang aking Hesus Maestro na nagtuturo sa akin, kundi isang Maestro na mas nakakaalam pa ng aking pagkatao kaysa sa akin. Nang tumatagal na ako sa pagtugon sa paghuhubog sa akin, natagpuan ko ang aking strengths and weaknesses, talents and incompetencies. Mayroon na ring requirement na i-let go ang maraming bagay na natutuhan kong i-treasure. Higit pa roon, mas natatanggap ko na, ang panawagan ng pag-uusig. Yun bang kahit na malinis ang iyong intensyon, at iba ang kanilang interpretasyon, kaya ko nang tiisin. May tukso rin na pilit sinusungkit ang pagmamahal ko sa aking Hesus Maestro at ipagpalit sa yamang material, at sa inaalok na pag-ibig ng isa ring nilalang, pero nakakayanan ko Siyang ipaglaban. Sa mga pag-uusig na ito, hindi ito dapat ikabahala dahil kailangan ko ito sa paglago ng aking pagmamahal at pananampalataya sa Kanya.
Mabuting Balita l Mayo 27, 2024 – Lunes Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10,17-27 Isang tao ang patakbong sumalubong kay Hesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, wag makiapid, wag magnakaw, wag manirang puri sa kanyang kapwa, wag mandaya, igalang ang iyong ama't ina. Sinabi sa kanya ng tao: Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Hesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Hesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Hesus: “Mga anak, napakahirap ang pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.” Pagninilay: Anuman ang imposible sa tao, sa Diyos, lahat ay maaaring mangyari. Ito ang nais kung bigyang-diin sa aking pagninilay. Ipinapaalaala sa atin na lahat ng nangyayari dito sa mundo ay nakikita ng Diyos. Totoong anumang gawin natin ay makakaapekto sa ating relasyon sa bawat isa, at sa lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil sa ating kalayaan, maaari tayong pumili ng ating desisyon. Harinawa ay isipin natin ang kapakanan ng higit na nakararami, kaysa sa pansariling kapakinabangan. Nalungkot ang taong nagtanong kay Hesus kung ano ang dapat pa niyang gawin upang makamtan ang buhay na walang hanggan noong marinig ang sagot niya. Winika kasi ni Hesus na ipagbili nito ang lahat niyang ari-arian at ipamigay sa mga dukha. Tayo po kaya, mga kapanalig, saan nakasalalay ang ating kaligayahan at kahulugan ng ating buhay? Sa kayamanang bumibilanggo ng kalayaan? O sa karukhaan sa materyal na bagay pero maayos ang relasyon sa Diyos at sa kapwa?
Mabuting Balita l Mayo 26, 2024 – Linggo Dakilang Kapistahan ng Talong persona sa isang Diyos Ebanghelyo: Mateo 28,16-20 Pumunta sa Galilea ang Labing-isang alagad, sa bundok na itinakda ni Hesus. Pagkakita nila sa kanya, sumamba sila, ngunit may nag-aalinlangan pa. At nilapitan sila ni Hesus at sinabi: “Ibinigay sa akin ang buong kapangyarihan sa Langit at sa lupa. Kaya humayo kayo at gawing mga alagad ang lahat ng bansa. Binyagan sila sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan sila na sundin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa wakas ng panahon.” Pagninilay: Ngayong araw, ipinagdiriwang natin ang kapistahan ng Santisima Trinidad, ang Banal na Santatlo, ang pinakasentro ng ating pananampalataya. Naniniwala tayo na ang Diyos ay may tatlong Persona - Ama, Anak at Espiritu Santo, pero iisa lamang ang Diyos. Paano nating pinararangalan ang Banal na Santatlo? Sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ni Hesus na gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Ito ang tinatawag na Dakilang Komisyon na binasa natin sa Mabuting Balita. Ito ang ating misyon bilang mga Kristiyano: na ibahagi ang ating pananampalataya sa Banal na Santatlo sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa, sa pamamagitan ng ating pagpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa, sa pamamagitan ng ating pagsaksi sa buhay na banal, sa pamamagitan ng ating pakikilahok sa buhay ng Simbahan. Mga kapanalig, ngayong kapistahan ng Banal na Santatlo, magpasalamat tayo sa Diyos sa kanyang dakilang pag-ibig. Tumugon tayo sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating pag-ibig. At ipagdiwang natin ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng ating buhay. -Fr. Rolly Garcia
Mabuting Balita l Mayo 25, 2024 – Sabado Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10,13-16 May nagdala kay Hesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Hesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n'yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Hesus, ipinatong niya sa kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila. Pagninilay: ‘Di ba attracted tayo at natutuwa sa mga bata, lalo na kung ang mga ito ay cute at maraming antics na talagang nakakataba ng puso. Natural na simple, mapagkumbaba at prangka magsalita ang mga bata. They are naturally truthful, they say what they see and hear. Sabi nga, kung gusto mong mag ask ng opinion about something or someone, ask a child. Sasabihin nila sa iyo ang katotohanan, no holds barred. Tayong mga adults, maraming inhibitions. Very conscious sa ating mga sinasabi o ginagawa dahil ayaw nating sumama ang loob o magalit sa atin ang ibang tao. Gusto nating magpa-impress, ang ipakita sa iba ang ating best side. Kalimitan, ito ay nagdadala ng disappointments, discouragement and negative reactions. Pero ‘di ganito ang mga bata. Children are our best teachers. Marami tayong matututuhan sa kanila lalong lalo na in regards with our relationship with God. Inaanyayahan tayo ni Hesus na tularan ang mga bata at isabuhay ang kanilang mga katangian, at lumapit sa kanya ng may pagpapakumbaba. Like a little child, we are totally dependent on God. Only God can fill the emptiness in our hearts, and without him we are nothing. - Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 24, 2024 – Biyernes Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10:1-12 Nagpunta si Hesus sa probinsiya ng Judea, sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan. At napakaraming tao naman ang nagdatingan. At muli niya silang tinuruan gaya nang dati. At lumapit ang ilang Pariseo na gusto siyang subukan at tinanong nila siya: “Pinahihintulutan bang diborsiyuhin ng lalaki ang kanyang asawa sa anumang dahilan?” Itinanong naman niya: “Ano ang iniutos ni Moises” At sinabi nila: “Ipinahintulot ni Moises na paalisin ang babae pagkabigay sa kanya ng kasulatan ng diborsiyo.” Sinabi naman ni Hesus sa kanila: “Alam ni Moises na matigas ang inyong puso kaya sinulat niya ang kautusang ito. Ngunit sa simula'y ginawa sila ng Maykapal na lalaki at babae, at dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at magigigng iisang katawan ang dalawa. Kung gayo'y hindi na sila dalawa kundi iisang katawan lamang kaya huwag paghiwalayin ng tao ang pinagbuklod ng Diyos.” Nang nasa bahay na sila, tinanong siyang muli ng mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Kung may lalaking magpaalis sa kanyang asawa at saka magpakasal sa iba, nakiapid siya. At kung ang babae naman ang magpaalis sa lalaki at magpakasal sa iba, nakikiapid din siya. Pagninilay: Gaano katigas ang Puso ng tao. Mahirap kalaban ang puso ng tao. Lalo na kung katakut-takot ang galit at poot, at nagsusumiksik ang tampo at pagwawalang kibo. Dito nakaugat ang maraming suliranin at pagkakasala. Sa pusong nagmamatigas madalas nagmumula ang paghihiwalay, pag-aaway at pagkakawatak-watak ng pagkakaibigan, ng pamilya, ng mag-asawa. Kapag nagmatigas ang puso – wala itong nadarama, walang nauunawa, walang nakikita, ga-pader at ga-bato. Sa pagmamatigas ng puso – yabang, taas ng tingin sa sarili, at kawalang-awa ang pinamamayani. Talo ng nagmamatigas na puso ang kahit na anong maso o bato; hindi ito mapalalambot o madudurog ng kahit na ano. Maliban sa isa – ang pagmamahal ng Diyos na hindi sumusuko. Kung makikinig lamang tayo sa patuloy na pagtawag ng Diyos, layon Niya na makaisa natin ang lahat, makasundo, makadaupang palad – makaisang puso at diwa. Mangyayari lamang ito kung tumitibok ang ating mga puso nang sabay sabay – tulad ng isang koro na ang mga tinig ay sabay sabay na umaawit. Walang pusong matigas sa grasya na patuloy na ibinubuhos ng Diyos. Walang pusong bato sa kapatawaran na laging iniaalay ng Diyos. Hamon ng Mabuting balita sa ating lahat na hayaang lumambot ang ating mga puso – sa tulong ng pagmamahal, kapatawaran, pagkalinga at awa na nagmumula sa grasya ng Diyos. Huwag nating hayaang ang yabang, kasinungalingan at pagkamakasarili ang bumalot sa puso natin, upang patuloy na maramdaman ang presensya at pag-ibig ng Diyos; pag-ibig na dapat ibahagi at ibigay din sa lahat – lalung-lalo na sa inyu-inyong asawa at sa ating pamilya. Amen. - Fr. Buen Cruz , SSP l Society of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 23, 2024 – Huwebes Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 14:22-25 Habang sila ay kumakain kinuha niya ang tinapay at matapos mag puri sa Diyos ipinaghatihati niya yon at ibinigay sa kanyang mga alagad habang sinasabi : “Kunin ninyo ito and aking katawan”, pagkatapos ay kinuha niya ang kalis, nagpasalamat siya at ibinigay sa kanila at uminom ang lahat at sinabi niya sa kanila “ Ito ang aking dugo, ang dugo ng bagong tipan na ibinubuhos para sa marami. Sinasabi ko rin sa inyo hindi na ako iinum pa ng galing sa ubas hanggang sa araw na inumin ko ang bagong alak sa kaharian ng Diyos”. At pagkaawit ng mga salmo, pumunta sila sa bundok ng mga olivo. Pagninilay: Ang buwan ng Mayo ang may pinakamaraming fiesta dito sa ating bansa. Siyempre, hindi kumpleto ang fiesta kung walang handaan. Ito'y patunay na mahilig tayo sa pagkain. Ano mang okasyon, hindi talaga mawawala sa atin ang kainan. Indeed, food is life. Hindi tayo mabubuhay kung di tayo kakain. Pagkain ang nagbibigay sa atin ng lakas sa pang araw-araw nating pamumuhay. Kaya naman ginamit ng ating Panginoong Hesukristo ang pagkahilig natin sa pagkain upang makapasok siya hindi lang sa espiritwal na aspeto ng ating buhay, kundi pati na rin sa literal nating katawan. Ginamit niya ang tinapay upang maging TUNAY niyang presensya at HINDI SIMBOLO lamang. Narinig natin sa Mabuting Balita na dumampot ng tinapay si Hesus, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa mga alagad: “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” Ibinigay ng Panginoong Hesukristo ang Eukaristiya sa atin bilang patunay na hindi niya tayo iniwan. Nasa Eukaristiya ang tunay na presensya ng ating Panginoong Hesukristo. Gusto tayong makasama ng ating Panginoon hindi lang sa espiritwal na aspeto, kundi gusto niya tayong makasama nang litera. Mga kapanalig, tuwing tinatanggap natin ang Panginoong Hesukristo sa Eukaristiya, hindi lang laman at dugo ang tinatanggap o kinakain natin. Kasama sa kinakain natin ang persona ng ating Panginoong Hesukristo o ang kanyang life style: ang kanyang pagiging maawain, mahabagin, at mapagmahal. Kaya't inaanyayahan din tayo na gawing Eukaristiya ang buhay natin. Tulad ng nangyayari sa Eukaristiya, hayaan nawa nating maging tinapay ang ating sarili upang makapagbigay buhay - taken, blessed, broken, and shared.
Mabuting Balita l Mayo 22, 2024 – Miyerkules Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 9,38-40 Sinabi ni Juan kay Hesus: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.” At sinabi ni Hesus: “Huwag n'yo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Kakampi natin ang di natin kalaban.” Pagninilay: Empowered na ang mga alagad ng ating Hesus Maestro na magpalayas ng mga demonyo mula sa kanilang binibiktima. Sa kakayanan nilang magpalabas ng masamang Espiritu, ginagawa nila ito sa Ngalan ng ating Panginoong Hesus, pananalangin nang taimtim at may buong pananampalataya. Mukhang kampante na sila sa kanilang bokasyon at misyon. Kaya nang may nakita silang nagpapalayas ng demonyo, binawalan nila. Sila lang ang may ministry credentials. Parang buhay na naririnig ko na sinasabi nila na “O, eto ang aming certificate!” Kami lang ang authorized, well-trained kami dyan.” Mukhang hindi tayo nalalayo sa ganitong asal. Bilang Pilipino, by social orientation may tinatawag tayong “tayo-tayo” culture. Tayo lang ang may pribilehiyo na gumawa nito o pumasok doon. Halimbawa, kung ano ang ating expertise, tayo lang ang pwedeng mag-execute. Secure na tayo at hindi pwedeng ipagkatiwala sa iba. Pwedeng i-consider ito na makasarili, o self-serving. Ang nagiging masama pa rito, nauuwi sa pagkainggit at pakikipagpaligsahan sa iba. Nangyayari ito kapag binigyan natin ng kahulugan ang umaangat na status o karangalan ng iba. Nakakaligtaan na kung ano ang para sa kabutihan ng lahat. Pero alam ko na marami pa rin sa atin ang nagsusumikap na hindi humabol sa special privilege ng tayo-tayo culture. May mga samahan na nagpupunyaging gawing motibasyon ng kanilang kakayanan ang malalim na panawagan na paglingkuran ang ating Panginoon. At di ba, maganda ring isipin na pagkakataon na para sa atin ang tanggapin ang Mabuting Balita ngayon. Chance ito na harapin din natin ang tukso ng masamang espiritu. Madala skung babad tayo sa paglilingkod at masaya tayong gumagawa para sa ikabubuti ng lahat, doon tayo binubulungan ng pagmamataas, paghahanap ng kung ano ang mapapakinabangan o pagsasantabi sa kakayanan ng iba. Challenging at mahiwaga ang empowered servants of God. Kaya sa tendency nating mag-‘tayo-tayo', gawin nating ‘tayong lahat-lahat'! Sa Ngalan ng ating Hesus Maestro ibandila natin ang handog ng paglilingkod, pagkakaisa, pagkilala sa kakayanan ng bawat isa, at kabanalan para puksain ang tukso ng pagkakahiwa-hiwalay. - Sr. Gemmaria Dela Cruz l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 21, 2024 – Martes Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 9:30-37 Umalis sa bundok si Hesus at ang kanyang mga alagad at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.” Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan n'yo sa daan?” At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.” At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Tinatanggap ako ng sinumang tumatanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan. At kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin.” Pagninilay: Bahagi na ng buhay pamilya ang pag-aaway ng mga magkakapatid o sibling rivalry. Ang nakakagulat ay madalas, nagmumula ito sa pinakamaliliit na dahilan. Isa sa mga laging pinag-aawayan ng magkapatid ay kung sino ang nakatokang maghugas ng pinggan. Minsan, humahantong ito sa tampuhan dahil tila naaalila ang isa sa kanila at ‘di nila nakikita ito bilang pagkakataong makatulong at makapaglingkod sa pamilya. Tulad ng mga bata, nagtalo ang mga alagad kung sino ang pinakadakila sa kanila. Hindi nila lubos na naunawaan na ang tunay na kadakilaan ay makikita sa kahandaang maglingkod, katulad ng kahandaan ni Hesus na yakapin ang kamatayan at muling pagkabuhay para sa ating kaligtasan. Ganyan ang kadakilaan sa mata ng Diyos: ang paglalaan ng sarili sa kapwa alang-alang sa pag-ibig. Mga kapanalig, hindi tayo dapat maging isip-bata sa ating pagpiling magmahal. Sa katunayan, inaanyayahan tayo ni Hesus na buksan ang ating mga bisig sa paglilingkod, katulad ng kanyang ginawa sa krus – mga kamay at bisig na bukas at handing yakapin ang lahat, lalo na ang hindi kaibig-ibig sa atin. Sa mga pagkakataong hindi natin mapiling magmahal at maglingkod, lagi tayong bumalik sa mukha ng pag-ibig: si Kristo Hesus na nakabayubay sa krus.
Mabuting Balita l Mayo 20, 2024 – Lunes Ikapitong Linggo ng Karaniwang Panahon Paggunita ng Mahal na Birheng Maria , Ina ng Sambayanan Ebanghelyo: Juan 19, 25: 34 Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Hesus sa ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo'y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Hesus na natupad na ang lahat ngunit kailangang maganap ang isa pang kasulatan at sinabi n'ya: “Nauuhaw ako.” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak kaya ikinabit nila sa isang isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniiti nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Hesus ng alak, sinabi n'ya: “Natupad na.” At pagkayuko ng ulo, ibinigay n'ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Hesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma'y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Pagninilay: Naroon si Maria sa paanan ng Krus, nakiramay siya sa sidhi ng pagdurusa ng kanyang Anak. Habang nakikiisa siya sa matinding sákit, lalong naging marubdob ang kanyang pakikinig sa bawat binibigkas ng Kanyang Anak. “Ginang, narito ang iyong anak… Narito ang iyong ina.” Isang pag-atas ang narinig niya. Atas ng paglingap. Sa paglingap ni Maria sa mga apostol, debosyon naman sa kanya ang inaasahan sa kanila. Doon nagsimula ang special bond ng mga apostol sa ating Inang Maria. Noon at ngayon, tapat na nakikiramay at nakikilakbay siya sa atin. Tayo naman na hinirang bilang Katawan ng kanyang Anak, sino tayo para hindi maging tapat sa kanya? Sa pahayag ni Pope Francis ngayong Taon ng Panalangin, inaanyayahan tayong manahimik tulad ni Maria at pagnilayan ang kahulugan ng kasaysayan ng kaligtasan. Sa ganitong paraan, lalalim at lalawak ang pagtanggap natin sa ating misyon bilang Simbahan sa tulong at panalangin ng ating Banal na Ina. - Sr. Gemmaria Dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 19, 2024 Linggo ng Pentekostes Ebanghelyo: Juan 20,19-23 Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Hesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang Kapayapaan!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang Kapayapaan!” Gaya ng pag kakasugo sa akin ng Ama, Gayon ko rn kayo ipadadala.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.” Pagninilay: Isang araw may batang lumapit sa akin at nagtanong. “Sir, ano po ang kulay ng Holy Spirit?” Nagulat ako sa kanyang tanong. Naisip ko na sabihing pula, pero nahamon ako na pagnilayan: May kulay nga ba ang Espiritu Santo? Kung mayroon, ano kaya ito? Isang mapagpalang araw ng linggo mga kapanalig. Sa araw na ito ginugunita natin ang Dakilang kapistahan ng Pentekostes, ang pagdating ng Espiritu Santo sa mga apostol, at araw rin ng kapanganakan ng ating simbahan. Bagama't sa simula pa lamang ng binyag tinanggap na natin ang Espiritu Santo, mas pinagtitibay sa kumpil o Confirmation ang tinanggap na nating Banal na Espiritu. Tinatawag din siyang Parakletos, ang tagapagbigay-lakas, ang Tagapagpabanal, ang hininga ng Diyos (ruah) at ang Pag-ibig sa pagitan ang Ama at Anak. Marami pang mababanggit tungkol sa Espiritu Santo pero walang sinasabing kulay. Kung titingnan sa malikhaing mga mata, ang katapangan at katatagan na mga bunga ng Espiritu Santo ay kulay pula; makikita naman ang Chrisma at Biyaya ng Buhay na kulay luntian o berde; pwede ring kulay puti ng kalinisan o kabanalan, tulad ng kalapati na madalas na larawang ginagamit para sa Espiritu Santo. Mga kapatid/kapanalig, marahil tulad ng liwanag na dumaraan sa isang prism at nagbubunga ng isang buháy na hanay ng iba't ibang kulay, masasabi nating walang iisang kulay ang Espiritu Santo. Higit sa pula o sa puti, higit pa sa bahag-hari. Ang bawat kulay at bawat biyaya na aakma sa taong tumatanggap sa apoy ng espiritu ang magbibigay kulay sa buhay ng mundong ating ginagalawan. Higit sa anupamang kulay, sa ating pagtanggap sa Espiritu Santo, pinag-aalab niya ang marubdob nating adhika na makagawa at makapagbigay-patotoo bilang isang Simbahan na buháy ang ating Panginoong Hesukristo sa ating isip, sa bawat salita, lalo na sa ating mga gawa. Amen.
Mabuting Balita l Mayo 18, 2024 – Sabado Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 21,20-25 Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Hesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Hesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Hesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako'y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito'y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Hesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Hesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko'y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat. Pagninilay: "Sumunod ka sa akin." Lumingon si Pedro habang sumusunod kay Jesus at nakita niya ang alagad na minamahal na sumusunod din. Kaya't tinanong niya si Jesus, "Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?" Kahit pala Santo ay usisero din si Pedro! Hindi ba madalas, ganyan tayo? Gusto nating malaman kung ano ang meron sa iba. Kahit na alam nating marami tayong biyayang natatanggap, hindi pa rin tayo nakukuntento dahil inihahambing natin ang sarili sa ibang tao. "Eh, bakit siya may ganito at ganoon?" Minsan naman, dahil sa tinitingnan natin ang iba, hindi na natin napapansin ang mga biyaya at grasya na meron na tayo. Kaya hindi na tayo nakapagpapasalamat! Sinabihan ni Jesus si Pedro na gawin kung ano ang kanyang dapat gampanan at huwag nang intindihin pa ang kapalaran o mangyayari kay Juan. Pinaaalalahanan din tayo, na may papel na dapat gampanan ang bawat isa sa atin. Ang mahalaga'y magawa natin iyon nang lubos, sa abot ng ating makakaya. Ikaw ba ang pastol at tagapamuno katulad ni Pedro? O katulad ka ba ng minamahal na alagad na si Juan na nagsulat ng ebanghelyo at nagpatotoo kay Jesus sa pamamagitan ng buhay niya? Anuman ang iyong papel, ang mahalaga'y magawa mo ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Tinatawag ka rin ni Jesus, kapatid/kapanalig. Handa ka na bang sumunod sa tawag niya tulad ni Pedro at Juan?
Mabuting Balita l Mayo 17, 2024 – Biyernes Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 21:15-19 Nag pahayag si Hesus sa Kanyang mga Alagad: Nang makapag-almusal sila, sinabi ni Hesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” “Pakanin ang aking mga kordero.” “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Akayin mo ang aking mga tupa.” “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” iniibig mo ba ako?”: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” “Pakanin mo ang aking mga tupa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo'y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.” Tinukoy naman ito ni Hesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!” Pagninilay: Sa ating Mabuting Balita ngayon, tinanong ni Hesus si Pedro ng makaikatlong beses kung iniibig Siya ni Pedro. Narinig natin na ang pagtatanong ng Panginoong Hesus ay may progreso. Sa una, winika Niya na pakanin ni Pedro ang Kanyang maliliit na tupa, na sa aking personal na pagkaunawa ay yaong mga bata at balo. Ang ikalawa at ikatlo ay winika ng Panginoong Hesus na pakanin ang malalaking tupa na maaaring yaong mga naunang taga sunod ni Hesus. Subalit sa pangkalahatan, ang maliliit na tinutukoy ay yaong mga sumasampalataya at nanalig sa ating Panginoong Hesus. Mga kapanalig, ipinapakita lamang sa pagbasa na kay Pedro ipapaubaya ni Hesus ang pangangalaga ng Simbahang itinatag Niya. Bilang kauna-unahang Santo Papa, ipinagkatiwala kay Pedro ang mga susi ng kaharian ng langit. Napakalaki ng responsabilidad ng mga sumunod sa kanya, na ngayon ay sa katauhan ni Santo Papa Francisco. Ipanalangin natin siya at ang mga obispo, pari, diyakono na mga lingkod ng ating Simbahan. Amen. - Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 16, 2024 – Huwebes Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: JUAN 17, 20-26 Tumingala si Hesus sa Langit at nagsalita: “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako'y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahahayag ko sa kanila ang Pangalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.” Pagninilay: Sa ilang taon ko bilang conductor ng isang parish choir, ang isa sa mga pinakamahalagang kasanayang dapat matutunan ng bawat miyembro ay ang unison singing o ang pagkakanta ng sabay-sabay ng iisang himig. Iba ang ganda at kilabot-effect ng isang grupo ng magkakaibang mga tao at tinig ay nagkakaisa. Ayon pa nga sa mga siyentipikong pag-aaral, kapag ang koro ay kumakanta, maging ang kanilang paghinga at pagtibok ng puso ay nagiging isa! Iisang himig, iisang tinig, iisang pusong pumipintig! Ito mismo ang panalangin ni Hesus para sa lahat ng nananampalataya sa Kanya: ang pagkakaisa na nakaugat sa pagmamahalan nila at ng Ama. Walang ibang hangarin ang umiibig kundi ang laging makapiling ang iniibig, kaya isinugo ni Hesus ang Espiritu Santo, ang pag-ibig ng Ama at ng Anak, upang kahit ngayon ay maransanan natin ang mamuhay sa pagmamahal. Kung gayon, iisa lamang pala ang tibok ng puso natin at ng puso ng Diyos! Mga kapanalig, maraming pagkakataong susubukin ang pagkakaisang pinapangarap ni Hesus para sa atin. Sa tuwing natutukso tayong makita lamang ang kahinaan ng isa't isa, nawa'y hilingin nating mapalalim ang ating pananatili sa puso ng Diyos upang mapanibago ang ating pananaw at lumawak ang ating pag-unawa. Kapag kay Hesus tayo naka-focus, hindi magwawagi ang pag-aaway; pagkakaisa ang bonus basta't pag-ibig ay tunay.
Mabuting Balita l Mayo 15, 2024 – Miyerkules Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: JUAN 17:11b-19 Tumingala si Hesus sa Langit at nagsalita: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako'y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila'y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila'y pakabanalin sa katotohanan.” Pagninilay: Kapanalig, ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ni San Isidro Labrador, isang magsasaka at patron ng mga magsasaka. Bago pumunta si Isidro sa kanyang sinasaka ay nagsisimba muna sya kaya tanghali na syang dumarating sa farm. Dahil dito isinumbong sya ng kanyang kapwa manggagawa sa kanilang landlord. Nagsurprise visit ang landlord sa farm upang alamin ang katotohanan. Wala nga si Isidro pero may anghel na nag-aararo habang nagsisimba si Isidro. Kaya po makikita natin sa imahen ni San Isidro ang anghel at kalabaw. Kapanalig, ito ang sinasabi ni Hesus sa ating Mabuting Balita ngayon. Hindi dahil tagasunod nya, ligtas na sa mapang-usig na mundo. Darating pa rin ang mga problema at pagtitiis sa buhay natin subalit kung tayoý na kay Cristo pupunuin Nya tayo ng grasya na makayanan at malagpasan ang mga ito. Usigin man tayo ng mundo dahil sa pagsunod sa Kanyang mga utos, ang kapayapaan at galak sa ating mga puso ay hindi maglalaho. Hingin natin ang panalangin ni San Isidro na manatili rin tayong tapat kay Hesus. -Sr. Lourdes Ranara, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 14, 2024 – Martes Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 15, 9-17 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin Kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.” Pagninilay: "Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo, at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo." Katulad ng labindalawang apostol na nauna sa kanya, pinili din at hinirang ng Diyos si San Matias na maging malapit na tagasunod ni Kristo. Sa apostolic exhortation ni Pope Francis na pinamagatang Gaudete et Exsultate (Magsaya at Magalak) sinabi niya, na hindi kailangang maging obispo, pari o madre para maging banal. Madalas kasi, iniisip natin na ang kabanalan ay para lang sa mga taong lumalayo sa mundo para magdasal nang buong araw. Hindi po! Tinatawag tayong maging banal sa pamamagitan ng pamumuhay na punung-puno ng pagmamahal, at sa pagpatotoo sa mga aral ni Kristo saan man tayo naroroon. May asawa ka ba? Maging banal ka sa pagmamahal at pag-aaruga sa iyong asawa gaya ng pagmamahal ni Kristo sa simbahan. Nagtatrabaho ka ba? Maging banal ka sa pagsisikap na magawa ang trabaho mo nang may katapatan at buong galing, bilang serbisyo mo sa buong mundo. Isa ka bang magulang? Maging banal ka sa pagmamahal mo at pagtuturo sa mga anak mo kung paano sumunod kay Jesus. Nasa posisyon ka ba ng kapangyarihan? Maging banal ka sa pagtataguyod ng ikabubuti ng mas nakararami, at sa pagtalikod sa anumang bagay na makasarili. Digital creator ka ba o social media user? Gamitin mo ang kakayahan mo sa pag-spread ng katotohanan at pag-asa, hindi ng tsismis at puro nega. Sundan natin ang halimbawa ni San Matias na nagpalaganap ng salita ni Kristo hanggang sa maging martir siya para sa Panginoon. San Matias, ipanalangin mo kami.
Mabuting Balita l Mayo 13, 2024 – Lunes Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16: 29-33 Sinabi ng mga alagad kay Hesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na naming ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito't parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili-at ako naman ay iiwan n'yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n'yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.” Pagninilay: Maraming uri ng pagsubok ang dumarating sa ating buhay. Marami tayong mga balita na nababasa at naririnig tungkol sa maraming klase ng violence na nangyayari sa iba't ibang panig ng mundo. Minsan ito ay nagaganap rin mismo sa sariling pamilya, sa komunidad, o sa ating lipunan. Sa ngayon, may mga bansang katulad ng Ukraine at Russia, Israel at Hamas na patuloy pa rin ang giyera. Marami nang tao ang namatay, nasugatan, mga pamilyang nagkawatak-watak, mga infrastructures at important landmarks na nasira, dahil lamang sa walang saysay na giyerang ito. Kapanalig, ang kapayapaan ay matatamo lamang natin kung ang ating puso at kalooban ay malapit na kaisa ni Hesus. Ang kawalan ng kapayapaan ay di lamang nangyayari kung may mga physical violence na nagaganap sa buhay. Pero puede rin tayong mawalan ng kapayapaan kapag ang ating puso ay puno ng poot sa ibang tao at wala nang puwang ang pag-ibig ng Diyos. Ang negative na gamit ng social media ay nagiging hadlang rin para manahan ang kapayapaan sa ating puso. Sa kabila ng mga kaguluhan at mga pagsubok na dumarating sa buhay natin, sikapin nating maging kaisa ni Hesus sa bawat sandali para Manahan sa ating puso at kalooban ang tunay na kapayapaan na tanging siya lamang ang makapagbibigay.
Mabuting Balita l Mayo 12, 2024 Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ng Panginoon Araw ng Pandaigdigang Pakikipagtalastasan Ebanghelyo: Marcos 16,15-20 Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Hesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila. Pagninilay Sa ating Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin kung papaano kinatagpo ni Hesus ang kanyang mga alagad sa Galilea at inatasan sila: “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao.” Sa Galilea sila unang tinawag, sa Galilea din sila isinusugo. Ang tawag ng Simbahan ngayon ay ang “New Evangelization”. Sabi ni Papa San Juan Pablo II, sa kanyang liham ensiklikal na Redemptoris Missio, may tatlong katangian daw ang Bagong Ebanghelisasyon: bagong paraan, bagong pagpapahayag, at bagong sigla. Sabi naman ni Papa Francisco, ang Bagong Ebanghelisasyon ay nangangailangan ng personal na pakikilahok ng bawat isa sa mga binyagan. Tayong lahat ay mga disipulong isinusugo, mga missionary disciples. Ang bawat Kristiyano na nakaranas ng pag-ibig ng Diyos kay Hesukristo ay misyonero. Mga kapanalig, tandaan natin, katulad ng mga alagad na kinatagpo ni Hesus sa Galilea bago siya umakyat sa langit, tayo rin ay kanyang isinusugo upang ipangaral ang Magandang Balita”. - Fr. Rolly Garcia
Mabuting Balita l Mayo 11, 2024 – Sabado Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16:23-28 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin, sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n'yo sa Ama sa Ngalan ko, ay ipagkakaloob n'ya sa inyo. Wala pa kayong nahiling sa Ngalan ko. Humiling kayo ngayon at tatanggap kayo at malulubos ang kagalakan ninyo. Sa paghahambing ko lamang ipinahayag sa inyo ang mga ito. Ngunit palapit na ang oras na hindi ako gagamit ng paghahambing kundi tahasan ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa ngalan ko kayo hihiling sa araw na 'yon; hindi ko ibig sabihin na hihingi ako sa Ama alang-alang sa inyo, ngunit mismong ang Ama ang umiibig sa inyo dahil umiibig kayo sa akin at naniniwala na mula ako sa Diyos. Galing ako mula sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.” Pagninilay: Aalis na ako sa sanlibutan at babalik sa Ama. Nagpapaalam na ang ating Hesus Maestro sa Kanyang mga alagad. Nag-heart-to-heart Siya sa kanila sa nalalapit na pagwakas ng Kanyang “divine earthly mission”. Para sa Kanya, napapanahon nang ibunyag na “Nagmula Siya sa Diyos at naparito Siya sa sanlibutan, para sa pag-akò sa kasalanang hindi Niya ginawa, at harapin ang kahiya-hiyang kamatayan, para handugan tayo ng panibagong-buhay at ng muling pagkabuhay. Ikalawa, sa Kanyang pagbabalik-anyong Espiritu, namaalam Siya sa mga alagad at umakyat sa Diyos Ama. Ito ang i-cecelebrate natin bukas. Bago siya umalis, ipinagkatiwala Niya sa mga alagad ang misyon ng pagpapahayag ng Magandang Balita sa buong mundo. Ito ang Missio ad gentes. Bilang Simbahan, tinatawag natin ito na World Communications Day na pinasinayaan ni Pope Paul VI noong 1967. Ngayong taon, makahulugan ang pahayag ni Pope Francis tungkol sa kahalagahan ng “karunungan ng puso”. Kailangan daw natin ito sa pang-araw-araw nating pakikipag-usap at pakikipagtalastasan. Nakakamit natin ang karunungan sa mga natututuhan natin sa mga karanasan, pagpulot ng aral sa mga maling nagawa, at sa pagsasaliksik ng kung ano ang tama. Samantalang ang puso naman ay ang tahanan ng katotohanan at pagpapasya. Sinisimbulo nito ang integridad at pagkakaisa. Higit sa lahat, ang puso ang panloob na tagpuan natin sa Diyos. Kaya't pagsikapan nating taglayin ang karunungan ng puso dahil malaki ang pananagutan natin sa bawat nabibitawan nating salita. - Sr. Gemmaria Dela cruz, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 9, 2024 – Huwebes Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16,16-20 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sandali pa at hindi n'yo na ako muling makikita, at sandali pa at makikita n'yo rin ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa't isa: “Ano ba itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n'yo na ako makikita, at sandali pa at makikita n'yo rin ako' at ‘Papunta ako sa Ama'?” Kaya sinabi nila: “Ano ba itong ‘sandali'? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi n'ya.” Alam ni Hesus na niloloob nilang tanungin s'ya at sinabi n'ya sa kanila: “Itinatanong n'yo sa isa't-isa ang ibig kong sabihin, ‘Sa sandali pa at hindi n'yo na ako makikita, at sandali lamang at makikita n'yo ako.' Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy, ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Pagninilay: Sandali lang po! Madalas ito ang sagot kapag may inuutos si Mamang o si Papang sa aming magkakapatid. Kahit na may mga toka na kami sa mga gawaing bahay at alam naman na walang ibang gagawa ng naka-atas sa amin, laging “Sandali lang” ang sagot kapag ipinaalala yon. Minsan, tatlong beses nang sinabi na maghugas na ng pinagkanan, at naka-tatlong sandali lang na sagot. Nagalit na ang Papang: “Ano, tatakpan ko na lang ba ng banig ang lamesa? At dito na rin tayo kakain bukas?” Saka pa lang nagkumaripas at nagtulung-tulong kami sa pagliligpit. Sa Mabuting Balita ngayon, walong beses inulit ang sandali na lang. Sa Griego po, ito ay micron, pero dalawang sandali ang tinutukoy ni Jesus: “Sandali pa at hindi nyo na ako makikita, at sandali pa at makikita nyo rin ako.” Una, sandali na lang at magdurusa na at mamamatay si Kristo sa Krus – kaya't hindi na siya makikita ng mga alagad. Ang ikalawang sandali na lang ay ang kanyang pagkabuhay na mag-uli, ang pagtatagumpay niya laban sa kasalanan at kamatayan. Sinabi niya ito sa kanila para maging handa sila sa mga paghihirap ni Jesus na masasaksihan nila, at nang hindi sila mawalan ng pag-asa. Magbubunyi at magagalak ang mga nagpapatay sa Kanya at mapupuno ng pighati ang kanyang mga alagad. Pero pagkatapos ng tatlong araw, sila ang magdiriwang kay Kristong muling nabuhay. Kapatid/ kapanalig, sandali lang ang mga paghihirap na pinagdaraanan natin dito sa lupa. Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Roma: “Ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw.” Kaya't tibayan natin ang ating loob, at huwag tayong padaig sa kawalan ng pag-asa.
Mabuting Balita l Mayo 10, 2024 – Biyernes Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16,20-23 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan. Namimighati ang babaeng malapit nang manganak sapagkat sumapit na ang oras niya. Ngunit pagkasilang sa sanggol, hindi na niya naaalaala ang dalamhati dahil sa galak: pumasok sa mundo ang isang tao! “Gayundin kayo namimighati ngayon. Ngunit muli ko kayong makikita at magagalak ang inyong kalooban, at walang makaaagaw sa galak ninyo. At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang sinasabi ko sa inyo na anumang hilingin n'yo sa Ama sa Ngalan ko ay ipagkakaloob niya sa inyo.” Pagninilay: "Tatangis kayo at tataghoy ngunit magagalak naman ang mundo. Malulungkot kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong kalungkutan." Ang dalamhati ng mga alagad sa paglisan ni Hesusay mapapalitan ng kagalakang walang makaaagaw sa kanila. Hindi ito mapapawi ninuman dahil nakaugat ito sa espiritwal na pananatili na hindi kailanman mawawala, gaya ng katawan niya habang nabubuhay sa mundo. Mas malalim at ganap ang presensiya ni Kristo dahil hindi ito natatapos. Kaya naman ang kaligayahang walang 'makakaagaw sa inyo' ang kapupunan ng 'kapayapaang hindi maibibigay ng mundo.' Napakaganda ng larawan ng inang malapit nang magluwal ng kanyang sanggol. Halu-halo ang emosyon niya: takot, pangamba, pighati, galit, agam-agam, pisikal na paghihirap at pagkabalisa. Kahit na marami nang pag-unlad sa medisina tulad ng caesarean operation, hindi nabubura nito ang katotohanang agaw-buhay lagi ang ina sa pagluwal ng kanyang sanggol. Pero lahat ng ito'y napapawing parang ulap kapag narinig na ng ina ang 'uha' ng kanyang anak at mayakap ito sa kanyang dibdib. Oo, mahirap ang buhay sa mundo. At hindi biro ang maging alagad ni Kristo dahil kasama lagi dito ang pagpapasan ng krus. Pero napapalitan ng kagalakan ang pamimighati, dahil may bagong Buhay na iluluwal sa bawat pasakit at sakripisyo, kung iuugnay natin ito sa krus ng Panginoong Jesus. Tanging sa krus lamang magkakaroon ng bagong buhay ang mundo – at hindi natin mararanasan ang lubos na kaganapan kung magtitiis lang tayo na malayo kay Kristo. Sapagkat sa krus lamang ni Kristo masusumpungan ang kaligtasan, ang kaligayahan at ang buhay.
Mabuting Balita l Mayo 8, 2024 – Miyerkules Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: JUAN 16,12–15 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili, kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo, ibabalita niya sa inyo ang tatanggapin niya mula sa akin at sa gayon niya ako luluwalhatiin, ang tanang sa ama ay akin dahilan dito kaya ko sinabing mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo” Pagninilay: Nakakita na ba kayo ng bagong silang na sanggol na kumain na ng tapsilog? Wala di ba? Gatas lang ang ibinibigay sa kanya dahil yon pa lamang ang kayang tanggapin ng kanyang katawan. Kapag lumalaki na ang bata saka pa lamang sya pakakainin ng malambot na solid food na kaya nang tanggapin ng kanyang katawan, hanggang sa makaya na niyang kumain ng kanin. Kapanalig, ganito rin sa buhay pananampalataya. Unti-unti ang pagpapakilala sa atin ng Diyos depende sa ating kakayahang tanggapin at unawain ang kanyang mensahe. Sabi ni Hesussa verse 12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, datapwat hindi ninyo matitiis ngayon”. Ito ang gampanin ng Spiritu Santo sa ating buhay pananampalataya- ang tulungan at gabayan tayong unawain at tanggapin ang mahihirap na turo at pahayag ni Jesus. Our knowledge and relationship with God must progress as we grow in age and wisdom. Naalala ko noong bata pa ako, halos lahat yata ng hiniling ko sa Diyos ay ibinigay Nya. Minsan nga iniisip ko pa lang binibigay nya na. Nang madre na ako, hindi nya na binibigay lahat. Sabi ng isang classmate ko, kasi noon, nililigawan ka pa lang ng Diyos, ngayong sinagot mo na sya hindi nya na ibibigay lahat. Sometimes, our faith is tested. Mamahalin at susundin pa ba natin ang Diyos kung hindi nya ibigay ang ating kahilingan? O magtatampo tayo at lalayo na sa Kanya? Kapanalig, habang lalo nating nakikilala ang Diyos, lalo ring lalalim ang ating pananampalata at relasyon sa Kanya. Patuloy nating hingin sa banal na Spiritu na patuloy tayong gabayan sa ating buhay pananampalataya nang ito ay lalo pang lumago at lumalim.
Mabuting Balita l Mayo 7, 2024 – Martes Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16: 5-11 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad “Ngayon nama'y papunta ako sa nagpadala sa akin at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako papunta. Kundi tigib ng lungkot ang iyong puso sa pag sasabi ko nito sa inyo. Ngunit sinasabi ko ang katotohanan. Makabubuti sa inyo'y ako'y umalis, sapagkat kong hindi ako aalis hindi makararating sa inyo ang tagapag tanggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko sa inyo at pagdating niya, hihiyain niya ang mundo sa pag lalantad sa kasal-anan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. Ito ang kasal-anan, hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagka matuwid. Sa Ama ako papunta, samantalang hindi n'yo na ako makikita at hinatulad na ang pinuno ng mundong ito. Ito ang pag hatol.” Pagninilay: Bilang bunsong anak sa aming pamilya, malapít ako sa aking mga magulang, lalo na sa aking ina. Sa katunayan, tuwing umaalis siya dati para pumasok sa trabaho, minsan ay iniiyakan ko ang kanyang pag-alis, kahit na alam ko na babalik siya sa hapon. Ang mabilisang magpapatahan sa akin ay ang pangako ng pasalubong mula sa aking paboritong fastfood chain at mga yakap at halik pag-uwi. Ang pait ng minsang paglisan ang siya palang nagpapatamis ng muling pagkikita. Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, halatang-halatang nagpapaalam na si Hesus sa kanyang mga alagad. Sa katunayan, ilang araw na lang ay ipagdiriwang natin ang pag-akyat niya sa langit. Pinapapanatag tayo ni Hesus na may kaunting pait man ang sandalling paglisan, mananatili Siya sa ating piling sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang siyang papatnubay sa atin upang muli nating makadaupang-palad si Hesus na muling nabuhay sa mga karaniwang kaganapan ng ating buhay. Mga kapanalig, kapatid, marahil ay nasanay tayong makatagpo si Hesus sa mga kakaibang kaganapan, katulad ng mga alagad. Hilingin natin ang kanyang Espiritu upang mas madali natin siyang makita sa mga “mumunting milagro” ng araw-araw. Sa ganitong paraan, muling mag-aalab ang ating mga puso upang mapag-alab ang puso ng ating kapwang uhaw sa pag-ibig ng Diyos. Ang Espiritu Santo ang siyang papatnubay sa atin upang muli nating makadaupang-palad si Hesus na muling nabuhay sa mga karaniwang kaganapan ng ating buhay.
Mabuting Balita l Mayo 6, 2024 – Lunes Ikaanim na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 15,26-16:4 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapag dumating ang Tagapagtanggol na aking ipadadala sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmula sa Ama, iyon ang magpapatotoo tungkol sa akin. At Magpatotoo rin kayo sapagkat kasama ko rin kayo mula sa simula. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang huwag kayog matisod o mahulog. Palalayasin nila kayo sa kanilang Komunidad. At Parating na ang mga oras na wari nag aalay ng handog sa Diyos ang sinumang papatay sa inyo. Gagawin nila ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama ni Ako. Kaya naman Sinasabi ko sa Inyo ang lahat ng Ito upang Pag dating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko ito sa inyo. Pagninilay: Si Hesus mismo ang nagsabi na totoo ang Paraklito, ang Espiritu ng Diyos na nagmula sa Ama. Hindi agad natanggap ng mga alagad ang Espiritu sapagkat kasama pa nila ang ating Panginoong Hesus. Ang Espiritu ang saksi ni Hesus, at ang mga alagad ni Hesus naman ang magiging saksi Niya kapag si Hesus ay pumaroon na sa langit kapiling ng Ama. Mahalaga sa mga alagad ni Hesus ang presensya at gabay ng Espiritu sa kanilang pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Ang bunga ng panahon ng kanilang pagkilala kay Hesus ay nakasalalay sa kanilang katatagan sa pagpapatunay na ang Panginoong Hesus ay tunay sa Anak ng Diyos Ama. Magiging matatag din tayo sa ating pagsunod at pagsasabuhay ng aral ni Hesus sa tulong at gabay ng Banal na Espiritu. Sa sakramento ng kumpil tinanggap natin ang bunga na dulot ng Banal na Espiritu: pag-ibig, kasiyahan, kapayapaan, pagtitiis, kagandahang-loob, kabaitan, pagtitiwala, kaamuan at pagtitimpi. Mga kapanalig, harinawang manatili tayong matatag at walang takot na sumaksi sa ating Panginoong Hesus. Makita nawa sa ating buhay ang larawan ng pag-ibig ng Diyos sa buong sangkatauhan at sangnilikha. Amen. - Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 5, 2024 Ikaanim na Linggo ng Muling Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 15, 9-17 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo. Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa kaysa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan sapagkat hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan sapagkat ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga ninyo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin ninyo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.” Pagninilay: Meron ka bang matalik na kaibigan? O sa tawag ng mga kabataan ngayon, BFF? Kilala ka ng BFF mo – ang lakas at kahinaan mo, ang mga paborito mo at ayaw mo. Alam niya ang lahat ng mahalaga sa iyo, ang mga problema at mga sikreto mo. At BFF mo siya dahil kahit alam niyang lahat ito, alam mo na tanggap ka niya kahit ano ka pa at mahal ka niya. Kapanalig, Alam mo ba na ito ang sinasabi ni Jesus sa ebanghelyo ngayon: BFF kita kasi sinabi ko sa iyo lahat ng sikreto ko! Sa katunayan po, ang salitang Griyegong ginamit dito ay mas angkop na isaling 'minamahal' o 'beloved' sa halip na kaibigan. Itinuturing tayong beloved, minamahal ni Jesus. Huminto tayong sumandali at hayaan nating pumasok ang katotohanang ito hindi lang sa ating isipan kundi sa ating puso at kalooban. MINAMAHAL! Hindi na tayo nag-iisa. Meron na tayong takbuhan sa panahon ng kagipitan at pagdurusa. May kasama tayo anuman ang mangyari, at hindi niya tayo pababayaan. Pinadarama at pinaaalaala niya sa atin na mayroon tayong Ama sa langit: Amang mapagkalinga at mapagmahal. Kapanalig tumingin ka sa paligid mo at balikan mo ang karanasan mo sa mga nakaraang araw. Naranasan mo ba ang pagkalinga at pagmamahal ng Diyos? Nagpasalamat ka ba? Naging BFF ka din ba sa Kanya? Naibahagi mo ba ang pagmamahal niya sa iba? Lalo na sa mga taong nalulungkot o yung aburido at puno ng galit? Baka kailangan din nilang marinig ang mga sikretong ipinahayag sa iyo ni Jesus – pwede bang i-share mo ito sa kanila?
Mabuting Balita l Mayo 4, 2024 - Sabado Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 15: 18-21 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin ninyo na ako muna bago kayo ang kinapootan. Kung kayo'y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.' Hindi ba't inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.” Pagninilay: May mga taong ang tiwala at pag-asa ng kanilang buhay ay nakasalalay lamang sa kanilang kapangyarihan at kayamanan. Nabubuhos ang buong kalooban sa pag-tatamo ng mga materyal na bagay, hindi ma-satisfy kahit napakayaman na, patuloy pa rin ang pagnanasa na magkamal nang mas marami pang kayamanan. Ang mga materyal na bagay ba, kapangyarihan at katanyagan ay makapagbibigay ng kaligayahan sa atin? Siguro marami sa atin, ang isasagot ay oo, pero anong klaseng kaligayahan? Panandalian lamang. Dahil ang mga ito ay ang kaligayahang ibinibigay ng mundo. Hindi nakaugat sa pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Ang sabi nga ni Hesus sa Mabuting Balita na narinig natin: “kung tayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nito tayo…” Kapanalig, napakalaking temptation talaga na ilaan natin ang buong puso at kalooban sa materialistic pursuits, to the point na nakalimutan na natin kung bakit narito tayo sa mundong ibabaw. Ani Hesus, “kung ‘di tayo taga-sanlibutan, kapopootan nito tayo.” Ang ibig sabihin, kung ibibigay natin ang buong puso at kalooban sa pagsunod sa mga yapak ni Hesus dito natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan, pero maging handa tayo kung makaranas tayo ng persecution at kapootan ng mundo. Maraming uri ng persecution ang nangyayari sa iba't ibang sektor ng lipunan sa ating panahon ngayon. Merong mga taong hina-harass at binu-bully ng mga matataas at ng may kapangyarihan sa lipunan dahil sa kanilang pagtulong sa mga mahihirap at inaapi. Marami ding mga Christians ang pine-persecute dahil sa pagsasabuhay nila ng kanilang pananampalataya. Talamak din ang pambu-bully na nagaganap sa social media lalo na kung ang ating prinsipyo at paniniwala ay taliwas sa kalakaran ng mundo. May mga taong ayaw ng katotohanan, mas gugustuhin pa ang mamuhay sa kadiliman at kasinungalingan. Pero sabi ni Hesus, huwag matakot kung tayo man ay makaranas ng mga panlalait at pag-uusig, dahil ganoon din ang ginawa sa kanya. - Sr. Pinky Barrientos, fsp l Daughter's of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 3, 2024 – Biyernes Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 14:6-14 Sinabi ni Hesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata't matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Ngalan ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki'y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.” Pagninilay: Kamakailan, nakasalubong ko ang isang babae na humingi ng blessing. Pagka-bless niya, nangilid ang luha. “O bakit? Anong nangyari?” tanong ko. “Pwede po ba kayong makausap sandali?” sabi niya… Tumango ako at pinakinggan ang kanyang kwento. Galing pala siya sa isang simbahan para humingi ng payo sa pari, pero wala daw itong panahon dahil abalang-abala. Sinubukan din ng babae na kausapin ang isang madre, pero hindi rin siya pinakingan. Kaya sabi niya, “Salamat, sister, dahil ikaw ang naging mukha ng Diyos para sa akin ngayon.” Sa Mabuting Balitang narinig natin, hiniling ni Felipe kay Hesus na ipakita sa kanya ang mukha ng Diyos Ama, at masisiyahan na siya. Kahit matagal na nilang kasama si Hesusay hindi pa rin nila siya nakikilala – na kaisa niya ang Diyos Ama. kapanalig, nilikha tayong lahat sa wangis ng Diyos. Pinalalalim mo ba ang pagkilala mo sa Panginoon sa panalangin at pag-aaral ng kanyang Salita? Nagtataglay ang bawat isa sa atin ng natatanging katangian ng Diyos. Ano ang katangiang ipinagkaloob niya sa iyo? Paano mo maipapakita ang mukha ng Diyos sa iba sa araw na ito? Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughter's of St. Paul
Mabuting Balita l Mayo 2, 2024 – Huwebes Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 15: 9-11 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, gayundin naman ang pagmamahal ko sa inyo. Manatili kayo sa pagmamahal ko. Kung tutuparin ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa pagmamahal ko katulad ng pagtupad ko sa mga utos ng aking Ama at ng pananatili ko sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang kagalakan ko, at maging ganap ang galak ninyo.” Pagninilay: Isa sa mga favorite flowers ko ang Everlasting. Kahit matagal mo nang pinitas, nananatili pa rin ang pagkacolorful at shiny ng petals. Higit sa lahat, gustong-gusto ko ito noong iniaalay sa aming altar ng Kristong hari. Nananatili ito at nagtatagal sa altar ng aming bahay. Pananatili. Ito ang paanyaya ni Hesus Maestro sa atin. Pananatili sa kanyang pagmamahal. Paano nga ba mapapanatiling sariwa ang pagmamahal? Alam natin na ang pagmamahal ay isang handog na galing sa ating Diyos Ama. Nakakintal ito sa ating puso at diwa. Paano naman tayo mananatiling nagmamahal? Ano ang susi? Katapatan. Sa kabila ng tukso na tumanggi, tumiwalag, tumakas, manatiling tapat. Di ba't tapat ang ating Panginoon sa atin? Pinatunayan Niya ito nang Muli Siyang nabuhay! Matapos ang tatlong araw sa puntod, nagtagumpay siyang dala ang panibagong buhay para sa atin. Binigyan din Niya ng kahulugan ang ating buhay sa kahalagahan ng paglilingkod sa kapwa. Sinimulan Niya ito bago Siya umakyat sa luklukan ng Diyos Ama. Kay gandang pagnilayan kung paano'ng tayo na inalayan Niya ng Kanyang katapatan, ay nais din Niyang maging bahagi ng Kanyang plano ng kaligtasan para sa lahat. Ito nga ang pakikibahagi sa kagalakan ng ating Panginoon. Sundin natin ang Kanyang payo na tumahak sa landas ng pananatili, tulad ng taimtim na panalangin, at laging handang magparaya ng oras, lakas at kakayanan. Ikalawa, tumalima sa kalooban ng Ama na maglingkod nang hindi naghihintay ng kapalit. Ngayong buwan ng ating Inang Maria, matuto sana tayo sa kanyang matimtiman at tapat na puso. Siya ang dakilang halimbawa ng tunay na pananatili. Siya rin para sa akin ang buhay na larawan ng everlasting flower. Matulad sana tayo sa kanya, sa tulong ng biyaya at awa ng ating Panginoon.
Mabuting Balita l Mayo 1, 2024 - Miyerkules San Jose Manggagawa Ebanghelyo: MATEO 13, 54-58 Pumunta si Hesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba't siya ang anak ng karpintero? Hindi ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Hesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya. Pagninilay: Nagtatakang nagtanong ang mga taga-Nasaret: “Saan kumuha ng karunungan at mga makapangyarihang gawa ang taong ito? Hindi ba ito ang anak ng karpintero?” At ayaw nilang kilalanin siya. Sa iba pong salin, ang mga makapangyarihang gawa ay tinawag na kababalaghan, milagro at himala. Ano ba ang inihahayag ng mga makapangyarihang gawa ng Diyos? Gaya ng narinig natin sa Ebanghelyo, ang presensiya ng Diyos kay Jesukristo ay nagpapagaling at nagpapalaya sa anumang sitwasyon ng karamdaman, kahirapan o kasamaan. Kaya nga hindi makapaniwala ang mga taga-Nasaret. Kasi, anak “lang” naman si Hesus ng karpintero, at kilala nila siya. kapanalig, alam mo ba na ang mga makapangyarihan gawa ng Diyos ay nangyayari pa rin hanggang ngayon? Oo, maraming milagrong nagaganap, at iyong iba pa nga ay sa pamamagitan ng ating mga kamay! Sapagkat anumang trabaho o hanapbuhay kapag ginawa nang may dangal, katotohanan, at mapagmahal na layunin ay nagpapabanal. Tuwing tayo'y nagpapatawad, nagmamahal, nagpaparaya, at ginaganap nang may responsibilidad ang ating tungkulin, hinahayaan nating maging daluyan tayo ng makapangyarihang gawa ng Diyos. Oo, kapanalig. Katulad ni San Joseng karpintero, tayo rin ay binigyan ng misyon ng Panginoon na itaguyod at akayin ang kapwa tungo kay Kristo. Huwag tayong manghinawa kung hindi tayo paniniwalaan ng iba, o pinahihirapan tayo sa ating trabaho; bagkus ay magpatuloy tayong makiisa sa mga makapangyarihan gawa ng Diyos. Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughter's of St. Paul
Mabuting Balita l Abril 30, 2024 – Martes sa Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:27-31a Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako subalit pabalik ako sa inyo.' Kung minhal ninyo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama. “Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito. Hindi ko na kayo kakausapin nang mahaba sapagkat parating na ang pinuno ng mundo. Wala siyang inaari sa akin, ngunit dapat malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, at kung anong iniutos sa akin ng Ama, ito mismo ang aking ginagawa.” Pagninilay: Isinulat ni Cl. Eugene Leano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Payapa ka ba? Maaaring hindi. Maaaring punong-puno ang isip mo ng mga kailangan mong gawin, o di kaya ng mga alalahanin, o di kaya naman ng mga problema. Normal po ito. Sa ebanghelyo natin ngayong araw, sinabi ni Kristo na tayo'y binibigyan niya ng kapayapaan; pero sinabi rin niya na ang kapayapaang binibigay niya, ay iba sa kapayapaang binibigay ng mundo. Ano ba yung kapayapaang binibigay ng mundo? Ito yung kadalasang iniisip natin na ibig sabihin ng kapayapaan – yung para kang nakabakasyon, walang iniintindi at walang iniisip, nakahanda na ang kakainin, at kakain ka na lang. Hindi na kailangang isipin ang mga bayarin at kung anupaman. Yan ang kapayapaan ng mundo. Pero hindi iyan ang kapayapaang kaloob ni Kristo. Ang kapayapaang kaloob niya, yung kapanatagan ng puso at isip, kahit na puno tayo ng problema at alalahanin. Ang kapayapaang kaloob ni Kristo, yung kapayapaang dulot ng ating pagtitiwala na kasama natin ang Diyos, at anuman ang pinagdadaanan natin, mapagtatagumpayan natin ito sa huli, kung kasama natin siya. Kaya nga, pinapa alalahanan tayo ng ating ebanghelyo ngayon, na huwag tayong matakot o mabalisa. I-correct din natin ang maling pag-iisip, na kung tayo'y madasalin at panay ang lapit sa Diyos, hindi na tayo magkaka problema at magiging komportable na ang buhay natin. Dahil ang mga problema at suliranin sa buhay ay nandidyan at hindi maiiwasan habang tayo'y nabubuhay. Pero, kayang-kaya natin itong harapin at malagpasan kung kasama natin ang Panginoong Hesukristo, na siyang bukal ng ating buhay at tunay na kapayapaan. Amen.
Mabuting Balita l Abril 29, 2024 - Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:21-26 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.” Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Hesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at ituturo niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.” Pagninilay: Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong bagong pasok ako sa kumbento, ang madalas na pumapasok sa aking isipan ay ang mga sandali na nag-uusap kami ni Tatay. Dahil dalawang taon akong nahinto sa pag-aaral, sa kakulangan ng pera matapos ang high school, madalas sa gabi ay nag-uusap kami ni Tatay. Doon ko nakita ang lalim ng karunungang meron si Tatay. Marami siyang words of wisdom, lalo na, kung tungkol sa hirap ng buhay ang pag-uusapan. Madalas sabihin ng Tatay, walang krus na hindi kayang dalhin. Mahalin ang taong nagkasala, dahil ang kabuuan ng tao ay mabuti. Ibig sabihin, hate the sin, not the sinner. Ipinakikita sa Mabuting Balita na ang ugnayan ng Diyos Ama at Anak ay lubhang malapit sa isa't isa. Sa pagbasa, narinig nating sinabi ni Hesus, “Ang sino mang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y sasakanya at mananahan sa kanya.” Mga kapanalig, ang karanasan, mga pangyayari, mga taong nakakasalamuha natin ay mga instrumento ng Diyos upang magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya. Idalangin natin, na sa tulong ng mga aral at turo ng Panginoong Hesus, makaisa nila tayo sa buhay natin dito sa lupa, at sa langit na pangarap. Manalangin tayo: Panginoon, kulang na kulang ang aming kakayahan upang sumunod sa iyo at manalig. Ang tawag ng kabanalan ay hindi madali. Pero sa tulong ng Banal na Espiritu na laging gumagabay, kami ay makasusunod sa inyo. Nawa'y lagi po ninyo kaming gabayan. Amen.
Mabuting Balita l Abril 28, 2024 – Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B) Ebanghelyo: Jn 15:1-8 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol niya ang bawat sangang hindi namumunga sa akin; at pinupungusan naman niya't nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga. “Malinis na kayo dahil sa wikang bingkas ko sa inyo. Manatili kayo sa akin, ako naman sa inyo. “Hindi makapamumunga ang sanga mula sa ganang sarili, malibang manatili ito sa puno ng ubas; gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. Ako ang punong ubas, kayo ang mga sanga. Kung may nananatili sa akin at ako naman sa kanya, namumunga siya ng sagana; ngunit kung hiwalay sa akin ay hindi ninyo kayang gumawa ng anuman. Kung may di nananatili sa akin, itatapon siya sa labas gaya ng sangang natuyo, na tinitipon at iginagatong sa apoy at nagliliyab. “Kung mananatili kayo sa akin at mananatili naman sa inyo ang aking mga salita, hilingin ninyo ang anumang loobin Ninyo at gagawin ko para sa inyo. Sa ganito pararangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.” Pagninilay: Sa Ebanghelyong ating narinig, tinukoy ni Hesus ang Kanyang sarili bilang tunay na puno ng ubas. Sinabi Niya, “Ako ang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka.” Ayon kay Hesus, matamis at sagana ang Kanyang bunga at tayo ang Kanyang mga sanga. Mga kapatid, habang patuloy tayong nagninilay sa Muling Pagkabuhay ni Hesu-Kristo, inaanyayahan tayo ni Hesus na manatili sa Kanyang piling. Sa ganitong paraan, tataglayin natin ang matamis at saganang buhay sa piling ng Espiritu Santo. Kailangan lamang tayong manatili kay Hesus dahil kung hiwalay tayo sa Kanya, mamumuhay tayong walang-sigla, malungkot, madaling mawalan ng pag-asa, at puro negatibong pananaw at pananalita ang mananaig sa atin. At kapag nasa ganito tayong sitwasyon, magiging mabigat ang buhay at nawawalan ng saysay ang ating pag-iral sa mundo. Ito marahil ang isa sa mga dahilan ng mga taong nauuwi sa depression at nawawalan na ng ganang mabuhay. Kaya pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon, na kung nagnanais tayong mabuhay nang ganap, kasiya-siya at tunay na may kapayapaan ang puso't isip, manatili tayo sa Panginoong Hesus. Maglaan tayo ng panahong makipag-usap sa Kanya sa isang taimtim na panalangin. Siya ang bukal ng ating buhay, ang ating pinagmulan at ang ating uuwian pagkatapos ng maikling buhay na pinahiram Niya sa atin sa mundo. Hilingin nating manatili sa Kanyang piling hanggang sa katapusan ng ating buhay. Amen.
Mabuting Balita l Abril 27, 2024 – Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:7-14 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala n'yo rin ang aking Ama. Ngunit kilala n'yo siya at nakita n'yo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot naman sa kanya si Hesus: “Diyata't matagal na panahon n'yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Ngalan ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki'y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.” Pagninilay: Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. In Jesus name, “hinihiling namin ito sa pangalan ni Hesus.” Madalas ganito tayo manalangin, at maging sa Misa ay maririnig natin ang mga salitang ito. Marahil hango ito sa ating Ebanghelyo ngayon araw, kung saan sinasabi ni Hesus, na kung anuman ang hihilingin natin sa Ama sa pamamagitan nya ay tiyak na ipagkakaloob. Pero may iba sa atin na ginagamit ang pangalan ni Hesus na parang magic. Na kapag babanggitin nila ang mga salitang ito na kahit walang pananampalataya, ay matutupad ang kanilang ninanais. Parang Hocus Pocus. Pero eto nga ba ang ibig sabihin ni Hesus? Mga kapanalig, mahalaga ang pangalan, makapangyarihan ang pangalan, maging sa konteksto ng mga Hudyo. Nagkakaroon tayo ng kapangyarihan sa mga taong nakikilala natin. Pero, ang kapangyarihang ito ay nagmumula sa pakikipag- ugnayan natin kay Hesus, sa ating personal na relasyon sa kanya at sa Ama. Dito, ipinapakita din ni Hesus ang kanyang malalim na ugnayan sa Ama, dahil ang Ama at siya ay iisa. Sa pagkakakilala natin kay Hesus, nakikilala din natin ang Ama. Kaya sa pagsasabi natin ng in Jesus' name, o sa pangalan ni Hesus, nagpapahayag tayo na tayo ay kaisa niya, at nabibilang sa kanya, sa kanyang kapangyarihan at pagmamahal. Tayo ay pinaghaharian niya, at doon nagmumula ang ating tiwala na humiling sa Ama.
Mabuting Balita l Abril 26, 2024 – Biyernes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:1-6 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manalig kayo sa Diyos, at manalig din kayo sa akin. Maraming silid sa bahay ng aking Ama. Kung hindi'y hindi ko sana sinabi sa inyong: ‘Pupunta ako upang ipaghanda kayo ng lugar.' At kapag nakapunta na ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, muli akong darating at isasama ko kayo para sa aking upang kung saan ako naroon, gayon din naman kayo. “At alam n'yo ang daan sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Papaano namin malalaman ang daan?” Sinabi sa kanya ni Hesus: “Ako siyang daan, ang katotohanan, at ang Buhay. Walang nakalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” Pagninilay: Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Dumarating sa buhay natin ang mga pagkakataong nababalisa tayo o natatakot, dahil sa mga problemang nararanasan natin sa buhay. Maraming uri ng problema na pwedeng magdala ng takot sa ating puso. Problemang pinansyal, problema sa relationship, problema sa pag-aaral, sa health, sa work, problema sa pamilya, at iba pa, na pwedeng pagmulan ng takot at pagkabalisa, na makaka apekto sa ating pagkatao at sa ating pananampalataya sa Poong Maykapal. Mga kapatid, alalahanin nating, tanging si Hesus lamang ang ating makakapitan, sa panahon ng kagipitan. Tumawag lamang tayo sa Panginoon nang buong kababaang loob, tiyak na hindi niya tayo bibiguin. Diringgin niya ang ating panalangin, at nababatid niya ang hinaing ng ating puso. Kaya pinapa alalahanan niya tayo sa Mabuting Balita ngayon, na panaigin ang ating pagtitiwala sa kanya, at payabungin ang ating pananalig sa kanyang walang hanggang pagmamahal at pagkalinga sa atin. (Naalala ko ang kuwento ni Jonathan Roumie, yung star na gumaganap na Jesus sa “The Chosen.” Bago siya naging lead actor sa “The Chosen” at sumikat dahil dito, he was a struggling actor. Down na down siya, walang perang panggastos at pambayad sa rent. Pakiramdam niya talaga, nasa dead-end na siya. Sa puntong iyong ng kanyang buhay, tanging ang pananalig niya sa Diyos ang kanyang pinanghawakan. Nanalangin siya ng mataimtim at sinurrender niya sa Diyos ang kanyang buhay. To make the long story short, nakatanggap nga siya ng offer na gampanan ang the lead role ng “The Chosen.” Mga kapatid, huwag matakot, huwag mabalisa. Si Hesus ang ating daan, ang katotohanan, at ang buhay…
Mabuting Balita l Abril 25, 2024 - Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Mk 16:15-20 Sinabi ni Hesus sa mga alagad: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.” Matapos silang kausapin ng Panginoong Hesus, iniakyat siya sa Langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At umalis sila at nangaral sa lahat ng lugar. Kasama nilang gumagawa ang Panginoon at pinatatatag ang Salita sa tulong ng mga tandang kasama nila. Pagninilay: Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebangheyo. Ngayon ay Kapistahan ni San Markos, isang ebanghelista. Ang kanyang tanda ay isang leon na may pakpak. Bakit nga ba leon na may pakpak ang kanyang tanda? Unang-una, ayon sa aklat ng Ezekiel at Pahayag, ito ay tanda ni Hesus na makapangyarihan at muling nabuhay. Pangalawa, kung babasahin at pag-aaralan ang ebanghelyo, nagsisimula ito sa pamamagitan ni Juan Bautista, na may dumadagundong na panawagan (like the roaring of a lion) na may pakpak (na tanda ng kapangyarihan at tagadala ng mabuting balita), “Ihanda ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas… Ipangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (cf. Mark 1:314). (Ang ebanghelyo ayon kay San Markos ay hindi tulad ng tatlong ebanghelyo na “tahimik” at may mahabang panimula pa. Ang kay San Marcos, wala nang pasikot-sikot, direct to the point. Kapansin-pansin din na hindi niya tinatawag si Hesus na Anak ng Tao, kundi Anak ng Diyos. Ito rin ang pinakamaikli sa lahat ng ebanghelyo.) Sino nga ba si San Markos? Hindi siya kasama sa labindalawang alagad ni Hesus. Gayunpaman, pinapaniwalaan na isa siya sa mga unang kristiyano; at ang tawag sa kanya ni San Pedro ay anak, dahil marahil, si San Pedro ang nagbinyag sa kanya. Kung kayat sabi sa unang sulat ni San Pedro, “Kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya” (1 Pedro 5:13-14). Dagdag pa dito, siya ang namuno upang maitayo ang simbahan sa Egipto. Mga kapatid, malaki ang ambag ni San Markos sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Ito ang umalingawngaw na mensahe ni San Pablo noong nakulong siya sa Roma. Sabi nga niya, “Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain” (2 Timothy 4,11). // Sa ating pagdiriwang ng kapistahan ni San Markos, sana tularan natin siya na ipahayag si Hesus sa salita at gawa. Ito din ang hamon ng ating Ebanghelyo ngayon, “Humayo kayo at ipahayag ang Mabuting Balita. Amen.
Mabuting Balita l Abril 24, 2024 - Miyerkules sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 12:44-50 Malakas na sinabi ni Hesus: “Ang naniniwala sa akin ay hindi sa akin naniniwala Kundi sa nagsugo sa akin. Ang nakakasaksi sa akin ay nakakasaksi sa nagsugo sa akin. “Dumating ako sa mundo bilang liwanag upang hindi sa dilim manatili ang bawat naniniwala sa akin. Kung may nakakarinig sa aking mga salita at hindi ito iingatan, hindi ako ang humahatol sa kanya, sapagkat hindi ako dumating upang hukuman ang mundo kundi upang iligtas ang mundo. “May huhukom sa bumabalewala sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita. Ang salitang binigkas ko ang huhukom sa kanya sa huling araw. Sapagkat hindi ako nangusap sa ganang sarili; ang nagsugo sa akin, ang Ama, siya mismo ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin ko at paano ako magsasalita. Alam ko na buhay na walang hanggan ang utos niya. Kaya lahat ng binibigkas ko'y binibigkas ko gaya ng sinabi sa akin ng Ama.” Pagninilay: Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Si Hesus Maestro ang ilaw ng sanlibutan at hindi mananatili sa kadiliman ang nananalig sa Kanya. Isa sa mga tanda ng Liwanag na dulot ng ating Hesus Maestro ay ang ating “conscience” o budhi. Ang konsensya, handog ni Lord sa atin. Siya ang kislap ng inner voice na nag-uudyok sa atin na gumawa ng mabuti at maiwasan ang masama by all means. Kapag sinabi natin na “it is against my conscience.” Para na rin nating sinasabi na “Hindi ko ito kayang gawin sa harap ng Liwanag ng aking Tagapaglikha.” Kung tutuusin, ang sinumang hindi nakikinig sa sariling budhi, lumalabag sa dignidad natin bilang tao at bilang anak ng Diyos. Kaya't nararapat lang na hulmahin ang ating budhi at kamalayan. Sa tulong ng liwanag ng ating Hesus Maestro, i-wewelcome niya tayo sa School of Conscience. Ito ang magbibigay ng direksyon sa ating buhay. Una, ang self-criticism, pansinin at aminin kung namamali na ang ating iniisip, sinasabi at ginagawa, at ibalik sa tama. Gawin nating reference ang Liwanag ng Salita ng Diyos at ang Liwanag ng mga Turo ng ating Simbahan. Ikalawa ay ang reorientation. Kung ano ang narinig, natutuhan at nakasanayan natin mula nang bata pa tayo, ito ang basehan ng ating mga decisions at actions. Kung hindi naging tama ang orientation sa atin, kaya pa nating i-restore. Kaya't lagi tayong magbabad sa liwanag ng ating Banal na Tagapagturo. Sa self-criticism at reorientation, liliwanag din tayo sa loob at labas ng ating pagkatao.
Mabuting Balita l Abril 23, 2024 – Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 10:22-30 Piyesta ng pagtatalaga sa Jerusalem, at taglamig noon. Palakad-lakad si Hesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang tahasan.” Isinagot sa kanila ni Hesus: “Sinabi ko na inyo subalit ayaw ninyong maniwala. Nagpapatotoo sa akin ang mga gawang ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama. Subalit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. “Naririnig ng aking mga tupa ang aking tinig, at nakikilala ko naman sila, at susunod sila sa akin. Buhay na walang hanggan ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila kaysa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami ng aking Ama.” Pagninilay: Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mahirap pong pagsabihan ang mga taong mas marunong pa sayo. Kadalasan nga ay nagmamarunong lang naman talaga. Mahirap ding kumbinsihin ang taong papilit pa. Yun bang wala naman talaga siyang intension maniwala. Gusto lang ng bangayan. Mga kapanalig, ganun po ang nangyari kay Hesus at sa mga Judio sa ating mabuting balita. Marahil sila man ay naguguluhan na din kung sino ba itong si Hesus? Kinikilala namin ang kanyang mabuting gawa, pero ang kanyang pagkatao o pagka-Diyos hindi namin kikilalanin… Kung kilala mo ang iyong sarili, hindi mo na kailangang ipagpilitan pa ito sa iba. Hayaan mong ang iyong salita at gawa ang magbunyag ng iyong pagkakakilanlan. Tulad ng ating Panginoong Hesus, magkaroon din nawa tayo ng malinaw na pananaw sa sarili, paninindigan, upang tayo rin maipahayag na Siya'y ating tunay na Diyos. Manalangin tayo: Panginoon, bigyan Mo po ako ng kababaang-loob na makilala ang aking sarili. Maging bukas nawa ako sa iyong grasya ng paghilom. Tulungan Mo po akong baguhin ang pag-uugali kong taliwas sa'yong mahal na kalooban, Amen.
Mabuting Balita l Abril 22, 2024 – Lunes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 10:1-10 Sinabi ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, ang hindi dumadaan sa pintuan sa pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumulukso sa ibang dako ay magnanakaw at mandarambong. Ang pastol ng mga tupa naman ay pumapasok sa pintuan. Binubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig; at tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kanilang ngalan at inilalabas niya sila. Kapag nailabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang tinig niya. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan, kundi tatakasan nila siya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng dayuhan.” Ito ang talinhagang sinabi sa kanila ni Hesus. Ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang gusto niyang sabihin sa kanila. Kaya sinabi uli ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako ang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw lamang at mandarambong ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan; kung may pumapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya at papasok at lalabas, at makatatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay hindi dumarating kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.” Pagninilay: Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. (Napakaganda ng ating ebanghelyo sa araw na ito. Sinabi ni Hesus: “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa… naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.”) Abundant life! Yan daw ang dahilan sa pagparito ni Hesus. Ano ba ang lubos na masaganang buhay para sa iyo? Sagana ka ba o kapos? Kapatid, ang kasaganaan ay hindi isang bagay na nakukuha natin. Itoý isang handog, isang paraan ng pamumuhay at pag-iral. Ang masaganang buhay ay hindi tungkol sa dami ng kayamanan, ng tagumpay, ng pagiging sikat sa social media, ng seguridad, o pagiging number one sa alinmang larangan. Hindi ito mga bagay na madalas nating iniisip. Ilang beses mo na bang nakuha ang gusto mo, natupad ang iyong pangarap, o nagawa ang pinararangalan ng lipunan? Para lamang matuklasan ang iyong sariling kahungkagan at kahirapan? Nasa iyo ang lahat pero hindi ka sagana. Hindi, ang masaganang buhay ay pakikiisa sa buhay na banal. Tungkol ito sa kalidad ng buhay, hindi sa dami. Buhay na makahulugan, may integridad at layunin, malikhain, may mabuting mga relasyon, at kaganapan. Ang masaganang buhay ay nagbibigay-buhay din sa iba at sa mundo. Buhay na puno ng pag-ibig, ng kagalakan, ng pag-asa, ng kabaitan, ng pagkabukas-palad, ng kagandahan, at pasasalamat. Hindi ba ito talaga ang gusto natin? para sa ating sarili at para sa isa't isa? (Manalangin tayo: Panginoong Hesus, aming Mabuting Pastol, gusto naming sundan ka sa pastulan ng kasaganaan. Tulungan mo kaming makinig sa iyong tinig sa araw-araw. Amen.)
Mabuting Balita l Abril 21, 2024 – Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay (B) Ebanghelyo: Jn 10:11-18 Sinabi ni Hesus: “Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay alang-alang sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, na hindi naman kanyang sarili ang mga tupa, pagkakita niya sa asong-gubat na dumarating, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakas. Kaya inaagaw ng asong-gubat ang mga ito at ipinangangalat. “Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang mga akin at kilala ako ng mga akin, gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at nakikilala ko ang Ama. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.” “Mayroon akong ibang mga tupa na di naman mula sa kulungang ito. Sila may kailangan kong gabayan, at makikinig sila sa tinig ko at magkakaroon ng iisang kawan at ng iisang pastol. “Mahal nga ako ng Ama sapagkat hinuhubad ko ang aking buhay at muli ko itong kukunin. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi ako ang naghuhubad nito nang kusa. May kapangyarihan ako upang hubarin ito, at may kapangyarihan din ako upang kunin itong muli. Ito ang utos na tinanggap ko mula sa aking Ama.” Pagninilay: Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr. ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang talinghaga ng Mabuting Pastol ay makikita lamang sa Ebanghelyo ni Juan at ito ang tanging talinghaga sa kanyang Ebanghelyo. Ayon sa talinghaga, kilala ng mabuting pastol ang kanyang mga tupa. Si Hesus ang mabuting pastol. Kilala ni Hesus ang lahat ng kanyang mga tupa at handa siyang ialay ang kanyang buhay upang sila'y iligtas. Tayong lahat ay tinatawag na maging mga pastol sa iba't ibang paraan at may iba't ibang antas ng pananagutan: mga pari, madre, magulang, guro, mga amo, at marami pang iba. Upang maging mabuting mga pastol, kailangan nating laging tumingin sa halimbawa ni Hesus. Ang pagiging isang lider na ayon sa larawan ni Hesus ay nangangailangan ng patuloy na pagbabago at paglilinis ng ating mga hangarin. Hindi dapat inuuna ng lider ang kanyang sarili, laging kapakanan ng kanyang mga nasasakupan ang pangunahing binibigyan ng pansin. Ngayon ay “Linggo ng Mabuting Pastol”. Manalangin tayo na marami sa ating mga kabataan ang piliing maging mabuting pastol at tumugon sa tawag ng buhay paglilingkod: bilang mga pari, mga relihiyoso, o maging mabuting mga magulang.
Mabuting Balita l Abril 20, 2024 – Sabado Sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 6:60-69 Sinabi ng mga alagad ni Hesus: “Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Hesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Hesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Hesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis Pedro?” “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” Pagninilay: Isinulat ni Amiel Mercado Ilandag, isang Pauline cooperator, ang pagninilay sa ebanghelyo. Tatalikuran ba natin si Hesus dahil hindi natin maunawaan ang mga turo ng simbahan? O tatalikod ba tayo, dahil hindi tayo sang-ayon sa ilan dito? // Marahil hindi pa ganun katibay ang ating paniniwala, kaya sa kakaunting pagsubok pa lamang, agad na nating lilisanin ang pag-ibig niya. Oo, pag-ibig. Dahil si Hesus ay naparito upang tayong lahat ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. // Paano ka tumutugon sa tawag nya? Ano ang iyong ginagawa sa Kanyang mga salitang nagbibigay buhay? Mga kapanalig, sa pamamagitan ng araw-araw na pakikinig at pagbabasa ng kanyang salita, nabibigyan tayo ng grasya upang si Hesus ay makilala. Napakahalaga ng bawat sandali na ating ginugugol upang maunawaan natin siya ng lubos. Pagbabasa ng Bibliya, pag attend ng Misa, at panonood ng mga spiritual na mga programa, ang ilan lamang sa mga paraan upang makilala natin si Hesus. Maliban dyan, may isa pang sikreto upang makapiling si Hesus sa bawat araw. Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo. (Dahil, maliban sa mga disipulo niya, ang ating Mahal na Ina, ang Birheng Maria ang higit na nakakaalam kung ano nga ba ng nasa puso ni Hesus. Sa ating pagninilay ng bawat misteryo ng Santo Rosaryo, ating nakakasama si Hesus sa bawat parte ng kanyang buhay. Sa pamamagitan nito, atin siyang masasabayan at mas mauunawaan. Si Maria ang kanyang instrumento upang tayo ay mapalapit sa kanya. Sa pamamagitan ni Maria, hindi natin iiwanan si Hesus. Sa bawat Ave Maria ay makikita natin ang pag-ibig niya. Tayo ay lalago sa ating buhay Kristiyano at sa kalaunan ay magiging banal.) “To Jesus, through Mary.” Isang tiyak na daan upang masambit ang mga salitang “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Manalangin tayo. Ama, sa tulong ni Maria, nawa'y aming maunawan ang Iyong mga salitang nagbibigay buhay na walang hanggan. Amen.)
Mabuting Balita l Abril 19, 2024 – Biyernes Sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 6:52-59 Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Papaano tayo mabibigyan ng taong ito ng karne para kainin?” Kaya sinabi ni Hesus sa kanila, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong kalooban. May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw. “Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin. “Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi para kainin at mamatay tulad sa inyong mga ninuno. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.” Sinabi ni Hesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum. Pagninilay: Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Binigyang diin sa Mabuting Balita ngayon, ang kahalagahan ng pagtanggap natin sa katawan at dugo ng ating Panginoong Hesus, sa Banal na komunyon. Sinabi Niya, na ang sinumang hindi kakain ng laman ng Anak ng Tao, at hindi iinom ng kanyang dugo, hindi magkakaroon ng buhay. Mga kapanalig, sa ating buhay pananampalataya may mga bagay na hindi kayang maunawaan ng ating isipan, pero kayang damhin ng ating puso. Sa pagtanggap natin sa banal na katawan at dugo ng ating Panginoong Hesus, matapos ang isang maayos na pagbabalik loob sa Diyos sa kumpisal, mapapansin natin na lumalakas tayo sa lahat ng bagay, lalo na sa pisikal at espiritwal na aspeto ng ating buhay. Ugaliin nawa natin ang regular na pagkukumpisal, upang may malinis na puso tayong tanggapin ang ating Panginoong Hesus. Kung malapit tayo sa ating Panginoong Hesus, at may maayos na pakikipag-ugnayan sa Kanya, madarama ito ng ating mga kasama sa tahanan, pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Malay mo, sila din ay mahikayat na magkaroon ng mabuting ugnayan sa ating Panginoong Hesus, dahil sa'yong pagsaksi sa buhay na pananatili ng Diyos sa'yong salita at gawa. Maging daluyan nawa tayo ng biyaya ng Diyos sa ating kapwa, at maging kamanlalakbay tungo sa walang hanggang buhay. Manalangin tayo: Panginoon Hesus, salamat po sa pagkakaloob Mo sa amin ng Iyong katawan at dugo sa Banal na Eukaristiya. Manatili nawa kaming matatag sa aming pananampalataya. Maging larawan nawa kami at gabay ng pagsunod sa Iyo ng aming kapwa sa tulong ng iyong mga biyaya. Amen
Mabuting Balita l Mayo 18, 2024 – Sabado Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 21, 20-25 Paglingon ni Pedro, nakita niya na sumusunod ang alagad na mahal ni Hesus, ang humilig sa dibdib niya noong hapunan at nagtanong: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Hesus: “Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?” Sinabi ni Hesus: “Kung loobin ko siyang manatili hanggang ako'y pumarito, anong pakialam mo? Sumunod ka sa akin!” Dahil dito'y may lumalaganap na paniwala sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinabi ni Hesus: “Hindi mamamatay” kundi “kung loobin ko siyang manatili hanggang sa aking pagdating.” Ito ang alagad na nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at sumulat ng mga ito. Alam namin na totoo ang kanyang pagpapatunay. Marami pang ibang ginawa si Hesus, na kung masusulat ang mga iyon nang isa-isa, sa tantiya ko'y di magkakasya sa mundo ang mga isusulat na mga aklat. Pagninilay: "Sumunod ka sa akin." Lumingon si Pedro habang sumusunod kay Jesus at nakita niya ang alagad na minamahal na sumusunod din. Kaya't tinanong niya si Jesus, "Panginoon, ano naman ang mangyayari sa kanya?" Kahit pala Santo ay usisero din si Pedro! Hindi ba madalas, ganyan tayo? Gusto nating malaman kung ano ang meron sa iba. Kahit na alam nating marami tayong biyayang natatanggap, hindi pa rin tayo nakukuntento dahil inihahambing natin ang sarili sa ibang tao. "Eh, bakit siya may ganito at ganoon?" Minsan naman, dahil sa tinitingnan natin ang iba, hindi na natin napapansin ang mga biyaya at grasya na meron na tayo. Kaya hindi na tayo nakapagpapasalamat! Sinabihan ni Jesus si Pedro na gawin kung ano ang kanyang dapat gampanan at huwag nang intindihin pa ang kapalaran o mangyayari kay Juan. Pinaaalalahanan din tayo, na may papel na dapat gampanan ang bawat isa sa atin. Ang mahalaga'y magawa natin iyon nang lubos, sa abot ng ating makakaya. Ikaw ba ang pastol at tagapamuno katulad ni Pedro? O katulad ka ba ng minamahal na alagad na si Juan na nagsulat ng ebanghelyo at nagpatotoo kay Jesus sa pamamagitan ng buhay niya? Anuman ang iyong papel, ang mahalaga'y magawa mo ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Tinatawag ka rin ni Jesus, kapatid/kapanalig. Handa ka na bang sumunod sa tawag niya tulad ni Pedro at Juan?
Mabuting Balita l Abril 18, 2024 - Huwebes Sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 6:44-51 Sinabi ni Hesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.' Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. “Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.” Pagninilay: Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Isa sa mga paratang sa mga unang taga-sunod ni Kristo, ay ang krimen ng kanibalismo. Ito ay ang pagkain ng laman ng kapwa tao. Kaya ikinukulong o ipinapapatay ang sinumang matagpuan na miyembro ng samahang ito. Ayon sa mga kumakalat na usap-usapan o tsismis sa emperyo noon, ang mga unang Kristiyano ay nagtitipon upang kainin ang laman ng kanilang Diyos at inumin ang kanyang dugo. Ganito din marahil ang iskandalong naranasan ng mga Hudyo na nakikinig kay Hesus, noong sabihin niyang ang pagkain na ibibigay niya, ang pagkaing magbibigay buhay ay ang kanyang laman. Batid ng mga Hudyo ang tinutukoy ni Hesus na manna, o yung tinapay na nagsustena sa kanilang mga ninuno noong naglalakbay sila sa Disyerto sa loob ng apatnapung taon. At kung paano ito nagbigay buhay at nagsustena sa kanila, ganito din sinasabi ni Hesus sa mga nakikinig sa kanya, kung paano ang kanyang katawan ay magbibigay buhay. Pero, hindi ba't ito ang nangyayari sa bawat pagtanggap natin ng komunyon? Literal na tinatanggap natin ang buhay na katawan at dugo ng ating Panginoon. At ito ang paraan ng ating pakikipagkaisa kay Hesus. Ganoon kalapit, ganoon ka-personal. Kaya nga komunyon ang tawag natin dito, communion, pakikipagkaisa. Tayo ay nagiging kaisa ni Kristo at sa pamamagitan nito, nagkakaroon tayo ng ugnayan sa Ama. Nawa sa bawat komunyon na ating tinatanggap, magpatibay nawa ito sa ating pakikipagkaisa kay Kristo at tunay na magbigay buhay sa atin.
Ipagdiwang ang Mabuting Balita! Si Hesus ay muling nabuhay! Ang Kanyang muling pagkabuhay ay isang katotohanan na siyang magpapabago sa ating buhay. Kaya naman, hindi lamang ito dapat ipagdiwang sa iisang okasyon lamang, kundi ito ay inaalala sa araw-araw. Speaker: Ptr. Bong Saquing Series: Work Matters