Podcasts about sumagot

  • 11PODCASTS
  • 224EPISODES
  • 8mAVG DURATION
  • ?INFREQUENT EPISODES
  • Nov 7, 2024LATEST

POPULARITY

20172018201920202021202220232024


Best podcasts about sumagot

Latest podcast episodes about sumagot

SBS Filipino - SBS Filipino
Labor binabatikos dahil sa lumalaking utang ng mga mag-aaral sa kanilang edukasyon

SBS Filipino - SBS Filipino

Play Episode Listen Later Nov 7, 2024 9:49


Nanawagan ang Greens sa pederal na pamahalaan na ipagpatuloy ang plano nitong bawasan ang student debt ng 20%. Sumagot naman ang Labor sa mungkahing ito na umani ng iba't ibang reaksyon.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Mayo 27, 2024 – Lunes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later May 26, 2024 4:10


Mabuting Balita l Mayo 27, 2024 – Lunes Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: MARCOS 10,17-27 Isang tao ang patakbong sumalubong kay Hesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos: Huwag papatay, wag makiapid, wag magnakaw, wag manirang puri sa kanyang kapwa, wag mandaya, igalang ang iyong ama't ina. Sinabi sa kanya ng tao: Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Hesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Hesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Hesus: “Mga anak, napakahirap ang pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”   Pagninilay: Anuman ang imposible sa tao, sa Diyos, lahat ay maaaring mangyari. Ito ang nais kung bigyang-diin sa aking pagninilay. Ipinapaalaala sa atin na lahat ng nangyayari dito sa mundo ay nakikita ng Diyos. Totoong anumang gawin natin ay makakaapekto sa ating relasyon sa bawat isa, at sa lahat ng nilikha ng Diyos. Dahil sa ating kalayaan, maaari tayong pumili ng ating desisyon. Harinawa ay isipin natin ang kapakanan ng higit na nakararami, kaysa sa pansariling kapakinabangan. Nalungkot ang taong nagtanong kay Hesus kung ano ang dapat pa niyang gawin upang makamtan ang buhay na walang hanggan noong marinig ang sagot niya. Winika kasi ni Hesus na ipagbili nito ang lahat niyang ari-arian at ipamigay sa mga dukha. Tayo po kaya, mga kapanalig, saan nakasalalay ang ating kaligayahan at kahulugan ng ating buhay? Sa kayamanang bumibilanggo ng kalayaan? O sa karukhaan sa materyal na bagay pero maayos ang relasyon sa Diyos at sa kapwa?    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Mayo 13, 2024 – Lunes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later May 12, 2024 3:42


Mabuting Balita l Mayo 13, 2024 – Lunes Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Juan 16: 29-33 Sinabi ng mga alagad kay Hesus: “Talaga, tahasan ka nang nangungusap ngayon, at hindi na sa paghahambing nagsasalita. Alam na naming ngayon na alam mo ang lahat at hindi mo kailangang may magtanong pa sa iyo. Dahil dito kaya kami naniniwala na sa Diyos ka galing.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Naniniwala ba kayo ngayon? Narito't parating ang oras at sumapit na upang mangalat kayo—ang bawat isa sa kanya-kanyang sarili-at ako naman ay iiwan n'yong nag-iisa. Ngunit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Nagdadalamhati kayo sa mundo subalit lakasan n'yo ang loob, nagtagumpay ako sa mundo.”     Pagninilay: Maraming uri ng pagsubok ang dumarating sa ating buhay. Marami tayong mga balita na nababasa at naririnig tungkol sa maraming klase ng violence na nangyayari sa iba't ibang panig ng mundo. Minsan ito ay nagaganap rin mismo sa sariling pamilya, sa komunidad, o sa ating lipunan. Sa ngayon, may mga bansang katulad ng Ukraine at Russia, Israel at Hamas na patuloy pa rin ang giyera. Marami nang tao ang namatay, nasugatan, mga pamilyang nagkawatak-watak, mga infrastructures at important landmarks na nasira, dahil lamang sa walang saysay na giyerang ito. Kapanalig, ang kapayapaan ay matatamo lamang natin kung ang ating puso at kalooban ay malapit na kaisa ni Hesus. Ang kawalan ng kapayapaan ay di lamang nangyayari kung may mga physical violence na nagaganap sa buhay. Pero puede rin tayong mawalan ng kapayapaan kapag ang ating puso ay puno ng poot sa ibang tao at wala nang puwang ang pag-ibig ng Diyos. Ang negative na gamit ng social media ay nagiging hadlang rin para manahan ang kapayapaan sa ating puso. Sa kabila ng mga kaguluhan at mga pagsubok na dumarating sa buhay natin, sikapin nating maging kaisa ni Hesus sa bawat sandali para Manahan sa ating puso at kalooban ang tunay na kapayapaan na tanging siya lamang ang makapagbibigay.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Mayo 3, 2024 – Biyernes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later May 2, 2024 3:57


Mabuting Balita l Mayo 3, 2024 – Biyernes Ikalimang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay            Ebanghelyo: Juan 14:6-14 Sinabi ni Hesus kay Tomas: “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang sinumang nakalalapit sa Ama liban sa pamamagitan ko. Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala rin ninyo ang aking Ama. Ngunit kilala na ninyo siya at nakita ninyo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Hesus: “Diyata't matagal na panahon na ninyo akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Papaano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Ngalan ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki'y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”    Pagninilay: Kamakailan, nakasalubong ko ang isang babae na humingi ng blessing. Pagka-bless niya, nangilid ang luha. “O bakit? Anong nangyari?” tanong ko. “Pwede po ba kayong makausap sandali?” sabi niya… Tumango ako at pinakinggan ang kanyang kwento. Galing pala siya sa isang simbahan para humingi ng payo sa pari, pero wala daw itong panahon dahil abalang-abala. Sinubukan din ng babae na kausapin ang isang madre, pero hindi rin siya pinakingan. Kaya sabi niya, “Salamat, sister, dahil ikaw ang naging mukha ng Diyos para sa akin ngayon.” Sa Mabuting Balitang narinig natin, hiniling ni Felipe kay Hesus na ipakita sa kanya ang mukha ng Diyos Ama, at masisiyahan na siya. Kahit matagal na nilang kasama si Hesusay hindi pa rin nila siya nakikilala – na kaisa niya ang Diyos Ama. kapanalig, nilikha tayong lahat sa wangis ng Diyos. Pinalalalim mo ba ang pagkilala mo sa Panginoon sa panalangin at pag-aaral ng kanyang Salita? Nagtataglay ang bawat isa sa atin ng natatanging katangian ng Diyos. Ano ang katangiang ipinagkaloob niya sa iyo? Paano mo maipapakita ang mukha ng Diyos sa iba sa araw na ito?   Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughter's of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Abril 29, 2024 - Lunes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Apr 28, 2024 4:41


Mabuting Balita l Abril 29, 2024 - Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 14:21-26 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang tumutupad sa tinanggap niyang mga kautusan ko, siya ang nagmamahal sa akin. Mamahalin ng aking Ama ang nagmamahal sa akin, at mamahalin ko rin siya at ipakikita ko sa kanya ang aking sarili.”  Sinabi sa kanya ni Judas, hindi ang Iskariote: “Panginoon, paano mangyayaring sa amin mo ipapakita ang iyong sarili at hindi sa mundo?” Sumagot si Hesus at nagwika sa kanya: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan namin siya at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin. “Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo naman sa inyo ng Tagapagtanggol ang lahat. Siya ang Espiritu Santong ipadadala ng Ama sa ngalan ko, at ituturo niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.” Pagninilay: Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Noong bagong pasok ako sa kumbento, ang madalas na pumapasok sa aking isipan ay ang mga sandali na nag-uusap kami ni Tatay. Dahil dalawang taon akong nahinto sa pag-aaral, sa kakulangan ng pera matapos ang high school, madalas sa gabi ay nag-uusap kami ni Tatay. Doon ko nakita ang lalim ng karunungang meron si Tatay. Marami siyang words of wisdom, lalo na, kung tungkol sa hirap ng buhay ang pag-uusapan. Madalas sabihin ng Tatay, walang krus na hindi kayang dalhin. Mahalin ang taong nagkasala, dahil ang kabuuan ng tao ay mabuti. Ibig sabihin, hate the sin, not the sinner.  Ipinakikita sa Mabuting Balita na ang ugnayan ng Diyos Ama at Anak ay lubhang malapit sa isa't isa. Sa pagbasa, narinig nating sinabi ni Hesus, “Ang sino mang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y sasakanya at mananahan sa kanya.” Mga kapanalig, ang karanasan, mga pangyayari, mga taong nakakasalamuha natin ay mga instrumento ng Diyos upang magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya. Idalangin natin, na sa tulong ng mga aral at turo ng Panginoong Hesus, makaisa nila tayo sa buhay natin dito sa lupa, at sa langit na pangarap. Manalangin tayo:  Panginoon, kulang na kulang ang aming kakayahan upang sumunod sa iyo at manalig. Ang tawag ng kabanalan ay hindi madali. Pero sa tulong ng Banal na Espiritu na laging gumagabay, kami ay makasusunod sa inyo. Nawa'y lagi po ninyo kaming gabayan. Amen.    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Abril 27, 2024 – Sabado

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Apr 26, 2024 4:36


Mabuting Balita l Abril 27, 2024 – Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay         Ebanghelyo: Jn 14:7-14 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Kung nakilala sana ninyo ako, nakilala n'yo rin ang aking Ama. Ngunit kilala n'yo siya at nakita n'yo siya.” Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot naman sa kanya si Hesus: “Diyata't matagal na panahon n'yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama'? Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n'yo sa Ngalan ko'y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki'y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”    Pagninilay: Isinulat ni Fr. Keiv Aires Dimatatac ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  In Jesus name, “hinihiling namin ito sa pangalan ni Hesus.” Madalas ganito tayo manalangin, at maging sa Misa ay maririnig natin ang mga salitang ito. Marahil hango ito sa ating Ebanghelyo ngayon araw, kung saan sinasabi ni Hesus, na kung anuman ang hihilingin natin sa Ama sa pamamagitan nya ay tiyak na ipagkakaloob.  Pero may iba sa atin na ginagamit ang pangalan ni Hesus na parang magic. Na kapag babanggitin nila ang mga salitang ito na kahit walang pananampalataya, ay matutupad ang kanilang ninanais. Parang Hocus Pocus. Pero eto nga ba ang ibig sabihin ni Hesus?  Mga kapanalig, mahalaga ang pangalan, makapangyarihan ang pangalan, maging sa konteksto ng mga Hudyo. Nagkakaroon tayo ng kapangyarihan sa mga taong nakikilala natin.  Pero, ang kapangyarihang ito ay nagmumula sa pakikipag- ugnayan natin kay Hesus, sa ating personal na relasyon sa kanya at sa Ama. Dito, ipinapakita din ni Hesus ang kanyang malalim na ugnayan sa Ama, dahil ang Ama at siya ay iisa. Sa pagkakakilala natin kay Hesus, nakikilala din natin ang Ama.  Kaya sa pagsasabi natin ng in Jesus' name, o sa pangalan ni Hesus, nagpapahayag tayo na tayo ay kaisa niya, at nabibilang sa kanya, sa kanyang kapangyarihan at pagmamahal. Tayo ay pinaghaharian niya, at doon nagmumula ang ating tiwala na humiling sa Ama.    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Abril 12, 2024 - Biyernes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Apr 11, 2024 4:17


Mabuting Balita l Abril 12, 2024 - Biyernes Sa Ika-2 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay  Ebanghelyo:  Jn 6:1-15 Nagpunta si Hesus sa iba pang aplaya ng lawa ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng maraming tao sapagkat nasaksihan nila ang mga tandang ginawa niya sa mga maysakit. Umahon si Hesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad niya; malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio. Kaya pagkatingala ni Hesus, nakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, at sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga ito? Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya, sapagkat alam na niya kung ano ang gagawin nito. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila upang makatanggap ng tigkakaunti ang bawat isa.” At sinabi naman sa kanya ng isa sa mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?” Kaya sinabi ni Hesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila; halos limanlibong katao. Kaya kumuha ng mga tinapay si Hesus at nagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda, gaano man ang gustuhin nila. Nang mabusog na sila, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tipunin n'yo ang mga natirang piraso upang walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira at labindalawang basket ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa ni Hesus, sinabi nila: “Ito ngang talaga ang Propeta na hinihintay na dumating sa mundo.” At alam ni Hesus na siguradong darating sila upang kunin siya at gawing hari; kaya muli siyang umalis, at mag-isang nagpunta sa bulubundukin. Pagninilay: Isinulat ni Fr. Mikhael Sandoval ng Archdiocese ng Lipa ang pagninilay sa ebanghelyo.  Tayong lahat ay makakapagpatunay na may himala kapag tayo ay tumatanggap ng pagpapala. Mangyayari ang himala, kapag nagsama ang Kanyang Pagpapala at ang ating pagtitiwala. Kaya nga ang paanyaya ng Mabuting Balita, hindi na mahalaga na tayo ang makilala, kundi ang Diyos dapat ang makilala. Ibinibigay niyang halimbawa sa Mabuting Balita ang isang bata, na may dalang tinapay at isda na pinakain sa madla. Kaya hindi natin pwedeng sabihing tayo ay walang-wala, dahil sa simula't simula pa, nag-uumapaw na ang kanyang biyaya at pagpapala. Gayundin naman, hindi rin dapat natin binabale-wala ang kakayanang sa atin ay ipinagkatiwala. Kaya pagsumikapan nating pagyamanin ito, at manalig na lahat ay makakatanggap ng gantimpala mula sa Diyos na Dakila, kung bawat isa ay makikita ang Kaligtasang dala ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Isang napakagandang Biyaya at Pagpapala na sa kanya lagi magtitiwala.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Abril 5, 2024 – Biyernes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Apr 4, 2024 4:37


Mabuting Balita l Abril 5, 2024 – Biyernes Sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo: Jn 21:1-14 Muling ibinunyag ni Hesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas...at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Nang madaling-araw na, nakatayo si Hesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Hesus iyon. Tinatawag sila ni Hesus: “Mga bata, may kaunti kaya kayong makakain?” Sumagot sila sa kanila: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n'yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya sinabi ni Pedro sa alagad na yon, na Mahal ni Hesus: Ang Panginoon siya. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Halikayo't mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba'y sino?” dahil alam nilang si Hesus iyon. Lumapit si Hesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Hesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay. Pagninilay: Isinulat ni Sr. Gemmaria De la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nabubuhay ka pa ba sa kahapon? Dahil ba nabigo ka? Do you have come face to face sa questions of pain, suffering, o kaya, loneliness? Ngayon, naggoodbye ka na sa nasimulan na malalim na ugnayan sa iyo ni Lord, at di mo nakayanan ang mabigat na challenge. Feeling mo, talagang iniwan ka Niya. Kaya back to normal way ka na.  Sa tagpo na narinig natin, bumalik si Pedro sa dati niyang ginagawa. Ang mangisda. Sumama rin si Tomas at dalawa pang alagad. Back to normal way sila, na sa bandang kaliwa ng bangka sila naghuhulog ng lambat. Nasa kultura ito ng mangingisda, at normal nila itong paraan, para ang kanang kamay ang hihila pataas kapag may huli na. Kaso magbubukang-liwayway na, wala pa silang huli. Kaya nang marinig nila ang tinig, bago pa nila makilala na si Hesus Maestro ‘yon, tumalima sila na ihulog sa kanan. Noon din, napuno ang kanilang lambat! Ngayong Easter, narito sa atin ang Muling Nabuhay na Panginoon. Inaalalayan tayong maka-recover sa ating pag-asa, lakas-loob, at direction in life. Let us remember na tayo ang dahilan ng pagbangon Niya mula sa puntod. Kaya't sumama tayo sa Kanya na lumukso sa Liwanag!

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Abril 3, 2024 – Miyerkules

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Apr 2, 2024 4:18


Mabuting Balita l Abril 3, 2024 – Miyerkules Sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay Ebanghelyo:  Lk 24:13-35 Nang araw ng Linggo, dalawa sa mga alagad ang naglalakad pa-Emmaus. Sa kanilang pag-uusap at pagtatalakayan, lumapit si Hesus at nakisabay sa paglakad nila pero parang may kung anong hadlang sa kanilang mga mata at hindi nila siya nakilala. Tinanong niya sila: “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” Sumagot ang isa sa kanila: “Tungkol kay Hesus na taga-Nazaret. Sa paningin ng Diyos at ng buong baya'y isa siyang propetang makapangyarihan sa gawa at salita. Ngunit ipinako siya sa krus. Umaasa pa naman kaming siya ang tutubos sa Israel ngunit ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ang lahat ng ito. Hindi ba't kailangang magdusa nang ganito ang Mesiyas bago pumasok sa kanyang luwalhati?” At sinimulan niyang ipaliwanag sa kanila ang lahat ng sinabi ng Kasulatan tungkol sa kanya. Nang malapit na sila sa nayong pupuntahan nila, parang magpapatuloy pa siya ng paglakad. Pero pinilit nila siya: “Manatili kang kasama namin dahil dapithapon na at lumulubog na ang araw.” Kaya pumasok siya at sumama sa kanila. Nang nasa hapag na siyang kasalo nila, kumuha siya ng tinapay, nagpuri at piniraso ito at ibinigay sa kanila. At noo'y nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila siya, at nawala siya sa kanilang paningin. Nag-usap sila: “Hindi ba't nag-aalab ang ating puso nang kinakausap niya tayo sa daan at ipinaliliwanag sa atin ang mga Kasulatan?” Noon di'y tumayo sila at nagbalik sa Jerusalem. Pagninilay: Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Sa lahat ng kwento ng Resurrection, ang kwento ng dalawang alagad sa daan patungong Emaus ang paborito ko. Para kasing nakikipaglaro si Hesus ng hide and seek sa kanila. Malungkot silang naglalakad nang lumapit si Hesus, pero hindi nila siya nakilala. Ipinaliwanag niya sa kanila ang Banal na Kasulatan tungkol sa kanya, pero wala pa rin. Di pa rin nila gets. Noong makarating sila sa pupuntahan, inanyayahan nila si Hesus na “Tumuloy ka muna rito sa amin.” Kaya't nagpaunlak si Hesus. Nabuksan lang ang kanilang mga mata noong kumakain na sila – pero bigla namang naglaho si Hesus!  Kapatid, nagpapakita sa atin si Hesus kung kailan hindi inaasahan. Kahit hindi natin siya nakikilala, kasama natin siya; ginagabayan niya tayo at itinuturo niya ang tamang daan. Katulad nitong lumang Icon of Christ and his Friend, yakap ng kanyang kanang kamay ang kanyang kaibigan. Gaano man kagulo o kalungkot ng buhay, laging may pag-asa. Kahit hindi natin naiintindihan kung ano ang nangyayari, pwede tayong magtiwala na may plano ang Diyos para sa atin. Mahal tayo ni Hesus at kasama natin siya sa bawat hakbang ng ating buhay. Manalangin tayo: Panginoon, tulungan mo kaming makilala kang lagi upang mamuhay kami nang may saya at pag-asa. Amen.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 28, 2024 – Huwebes Santo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 27, 2024 4:31


Mabuting Balita l Marso 28, 2024 – Huwebes Santo Ebanghelyo:  Jn 13:1-15 Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Hesus na dumating na ang kanyang oras. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Hesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Nang lumapit siya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya. Hinding hindi mo huhugasan ang aking mga paa magpakailanman. Sumagot si Hesus sa kanya “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin. Sinabi sa kanya ni simon Pedro. “Panginoon hindi lamang ang mga paa ko kundi pati na ang mga kamay at ulo ko.Sinabi sa kanya ni Heus “Mga paa lamang ang kailangan hugasan ng naligo  na dahil malinis na ang buo niyang sarili, malinis na nga kayo subalit hindi lahat”. Kilala n ani Hesus kung sino ang magkakanulo sa kanya. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo'y tumatawag sa aking 'Guro' at 'Panginoon.' Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa't isa.”   “Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”    Pagninilay: Naalala pa ba ninyo ang pagbisita sa bansa natin ni Pope Francis? Noong taong 2015, habang nandito si Pope Francis sa bansa natin, binisita siya ng kanyang mga kapatid na Heswita sa kanyang tinutuluyang bahay.  Bago umuwi ang mga Heswitang Pilipino,  meron silang inihandog na kanta para sa mahal na santo papa, ang Amare et Servire, “To love and Serve the Lord”.  Simple, pero malalim ang mensahe ng kanta, at ito rin ang ipinahahayag ni Hesus sa araw na ito: In everything, love and serve the Lord. Ito ang nagbigay ng mahabang pasensya kay Hesus, sa kahinaan ng pag-unawa ng mga alagad sa Kanyang mga salita, habang itinatag niya ang Banal na Eukaristiya. Gayundin, pagmamahal at paglilingkod ang dahilan, kaya hindi inalintana ng Panginoon ang marumi at mabahong paa ng Kanyang mga alagad na buong kababaang-loob niyang hinuhugasan. Sadyang mas malakas ang pag-ibig ng Diyos sa kabila ng ating mga kahinaan dahil sa kasalanan. Kaya, katulad ni Hesus, kung ninanais natin na palaging masaya, malakas at hindi mapagod gumawa ng kabutihan, gawin natin ito nang may buong-pusong pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at kapwa. Amen.     

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 27, 2024 – Miyerkules Santo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 26, 2024 5:05


Mabuting Balita l Marso 27, 2024 – Miyerkules Santo Ebanghelyo: Mt 26:14-25 Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo?  Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya.   Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Hesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?”  Sumagot si Hesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya:  'Sinabi ng Guro:  malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.'” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Hesus at inihanda ang Paskuwa.  Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Hesus kasama ng Labindalawa.  Habang kumakain sila, sinabi ni Hesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo:  ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”  Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin.  Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.”  Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?”  Sumagot si Hesus: “Ikaw na ang nagsabi.”     Pagninilay: Si Hesus ay nakatakdang mamatay sa krus para tubusin ang ating mga kasalanan. Ito ang kalooban ng Diyos Ama, at ang pangunahing dahilan ng pagparito Niya sa daigdig. Pero, para maisakatuparan ito at mapagtibay pa ang akusasyon ng mga Pariseo laban kay Hesus, kailangang may magtakwil sa kanya - isang taong malapit sa kanya. Kahit sino naman sa labindalawang apostol ay pwedeng magkanulo kay Hesus; pero si Judas Iscariote ang pinakamalapit sa tukso, dahil siya ang may hawak ng pondo ng kanilang samahan.  Bilang ingat-yaman o treasurer, natural lang na pera ang kanyang pangunahing alalahanin. Si Hesus, para sa kanya ay isang investment, na itinaya niya sa halagang tatlumpung pirasong pilak. Si Hesus para kay Judas ay matalino at makapangyarihan. Naniniwala siyang, kayang-kayang lusutan ni Hesus ang mga Pariseo, pero alam naman natin na iba ang nangyari.  Hindi lubos na naunawaan ni Judas ang totoong misyon ni Hesus, at ang plano ng Diyos, kaya siya ang naging “kontrabida” sa kasaysayan ng Kaligtasan. Alam ni Hesus na mangyayari ito kay Judas, at nais sana niyang bigyan pa ito ng pagkakataong magbago ng isip. Binigyan Niya ng babala si Judas, nang sabihin niyang “kahabag-habag ang taong magkakanulo sa Anak ng Tao. Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” Kapanalig, huwag nating tularan si Judas. Unawain natin ang sinasabi ni Hesus. Pakinggan ang bulong ng Espiritu Santo sa ating mga puso. Manalangin tayo. Halina, Espiritung Banal, bigyang liwanag ang mga isipang naguguluhan. Patahimikin ang mga pusong nangangamba, at ihanda kaming papasukin si Hesus sa aming buhay. Amen.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 26, 2024 – Martes Santo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 25, 2024 5:03


Mabuting Balita l Marso 26, 2024 – Martes Santo Ebanghelyo: Jn 13:21-33, 36-38 Nabagabag sa kalooban si Hesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Hesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Hesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Hesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Hesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Hesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibingay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Hesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo. Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Hesus: “Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,' sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Hesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking Buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Hesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”     Pagninilay:    Ang paraan ng ating pagkakanulo sa Diyos ay hindi sa pera lamang.  Kundi anumang bagay, maging tao, na mas binibigyan natin ng priyoridad o importansya kaysa sa Diyos.  Maaring ito ay ang ating trabaho o careers, ang ating ambisyon, ang ating mga tagumpay, materyal na pag-aari at iba pa.  Pero sa kabila ng maraming pagkakataong ipinagkanulo natin ang Panginoon sa ating buhay – hindi tayo tinatalikuran ng Diyos.  Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong matunton ang landas pabalik sa kanya.   Sa Mabuting Balita, alam ni Hesus na ipagkakanulo siya ni Judas.  Pero hindi niya lubusan ibinunyag sa harap ng kanyang mga alagad kung sino sa kanila ang magkakanulo sa kanya.  Marahil ayaw niyang mapahiya si Judas sa harapan nila.  Ganun na lamang ang pagkahabag ni Hesus sa mga makasalanan, maging kay Judas na magbubulid sa kanya sa kapahamakan.  Kung inimbitahan ni Hesus si Judas na maging bahagi ng kanyang piging, maaring iniimbitahan ka rin niya ngayon na maging bahagi ng kanyang iniaalok na kaligtasan.  Ano ang tugon mo sa kanyang paanyaya? Ngayong Martes Santo, samahan natin ang Panginoon sa kanyang pagkabagabag at kalungkutan dahil ipagkakanulo siya ng tinuturing niyang isang alagad at kaibigan.  Ipagkaisa natin sa kanya, ang mga karanasan natin ng kalungkutan, poot at galit, dahil sa mga pagkanulo at pagtataksil na naranasan natin, mula sa ating mahal sa buhay at kaibigan.  Hilingin natin sa Panginoon na hilumin tayo, sa sobrang sakit na naranasan natin, at turuan tayong magpatawad, Amen.   -       Fr. Edward Dantis, SSP l Society of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 22, 2024 – Biyernes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 21, 2024 4:51


Mabuting Balita l Marso 22, 2024 – Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Ebanghelyo: Jn 10:31-42 Dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin si Hesus. Sinabi sa kanila ni Hesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung baki't n'yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Hesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: 'Aking sinabi,” mga Diyos kayo” '? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n'yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n'yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Hesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo'y marami ang naniwala sa kanya.   Pagninilay: Lagi nating nababasa ang bahaging ito ng Mabuting Balita, na tinangka ng mga taong batuhin si Hesus, dahil para sa kanila ipinapantay niya ‘di umano, ang kanyang sarili sa Diyos. Mauunawaan natin ito nang mas malinaw, kung titignan natin ang kultura ng mga Hudyo. Isang napakalaking pagkakasala para sa kanila ang angkinin ang pagiging Diyos, dahil iisa lamang ang Diyos. Ang pambabato ang isa sa mga paraan ng kaparusahan sa kanilang panahon. Kaya nga kung may mga ganitong pagkakataon, binabato nila ang mga may pagkakasala.  Pero alam nating lahat na hindi nagpapanggap si Hesus. Alam natin na siya at ang Ama ay iisa. Na siya ang Anak ng Diyos. Marahil mayroon ding ganitong pakiramdam ang mga taong muntik nang bumato kay Hesus. Hindi nila maituloy-tuloy dahil nakikilala nila siya, at nakita nila ang mga kagila-gilalas niyang ginawang himala. Naranasan nila ang pagpapagaling sa mga may sakit, ang pagsasalita ng mga pipi, ang pagkakarinig ng bingi at maging pagkakita ng mga bulag. Higit sa lahat, nakita nila mismo ang muling pagkabuhay ng namatay. Alam ng mga Hudyo na mga tanda ito ng Kapangyarihan at Gawa ng Diyos at ng Mesiyas na ipinangako. Handa na silang bumato, pero hindi nila maipukol-pukol dahil natatakot din sila – Hindi nila kayang batuhin ang Diyos. Kaya nga nagpatuloy pa rin siH esus.  Pero kahit batuhin pa nila si Hesus, hindi siya titigil sabihin ang katotohanan at ipahayag ang paghahari ng Diyos sa sanlibutan. Sa ating panahon ngayon, mahilig tayong bumato ng maraming problema at paratang sa Diyos. Minsan grabe tayo pumukol ng kasalanan, na labis na ikinasusugat ng puso ng Diyos. Hindi natin napapansin ang dakila niyang awa at gawa, na nasa paligid natin, mga araw-araw na himala mula sa pagsikat ng bagong araw, hanggang sa paggaling sa mga karamdaman. Hindi natin makita dahil binubulag tayo ng katigasan ng puso, kasalanan at takot. Sa papalapit na mga mahal na araw ipakikita at ipapaalala sa atin ng Diyos na kahit ilang beses natin siyang batuhin, pukulin, lumatay man ang daang latigo sa kanyang katawan, tatanggapin niyang lahat. Dahil kahit kailan, hindi niya iiwan ang kanyang minamaha na sambayanan. Hindi siya titigil, ni hindi mapapagod, lagi niyang ituturo ang daan ng kapatawaran at kapayapaan tungo sa buhay na walang hanggan.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 21, 2024 – Huwebes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 20, 2024 4:55


Mabuting Balita l Marso 21, 2024 – Huwebes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma                  Ebanghelyo: Jn 8:51-59 Sinabi ng mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang Mga Propeta, at sinabi mong 'Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.' Mas dakila ka ba kaysa ninuno namin si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Hesus: “Kung ako ang magmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n'yo na inyong Diyos. Hindi n'yo siya kilala ngunit kilala ko Siya. Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong katulad n'yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ipukol sa kanya. Nagtago naman si Hesus at umalis sa Templo.     Pagninilay: Ang mamuhay ayon sa Salita ng ating Hesus Maestro, may forever. Ligtas siya mula sa kamatayan. Si Hesus na ating Guro at ang Kanyang Salita, iisa.  Di ba, sa simula pa lang ng Mabuting Balita ni Juan nasusulat na “Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos”? Nakasulat din ang pagpapatunay nito sa Aklat ng Pahayag. Nasasaad: “Suot Niya ang balabal na winisikan ng dugo at ang pangalan Niya ay Salita ng Diyos”. Siya na Tagapagligtas, nagdudulot ng walang hanggang buhay. Sa cyberspace, kapansin-pansin ang information overload, nakaka-overwhelm. Hahanga ka sa creativity ng mga communication scientists and technologists.  Innovative at progressive ang kanilang inventions tulad sa Artificial Intelligence. Ask anything, anywhere. Ask Chatbot assistant, free ka nang magresearch. Save ang time mo, save na rin sa effort. Pero hanggang doon na lang ba ang kailangan natin? Kung may information overload sa communication technology, sa ating Hesus Maestro, hindi information overload kundi Word of God overflowing. Siya ang Perfect Communicator at abundant life ang dulot Niya. Tatlong araw na lang, Holy Week na. Dadalhin tayo ng Salita ng Diyos, na nag-cocommunicate ng great offering of life ng ating Hesus Maestro. Kaya't pagnilayan nating mabuti at maging buhay na saksi tayo ng Kanyang Banal na Salita.  Totoong may forever ang Salita ng Diyos. Hindi lang itonagdudulot ng pagbabagong-loob, kalinisan ng budhi, at katiwasayan ng kaluluwa. Kundi nagbibigay sa atin ng pag-asa na makakapiling natin ang ating Panginoon sa buhay na ganap at kasiya-siya.       

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 20, 2024 – Miyerkules

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 19, 2024 4:55


Mabuting Balita l Marso 20, 2024 –  Miyerkules sa Ikalimang Linggo ng Ebanghelyo:  Juan 8:31-42 Sinabi ni Hesus sa mga Judiong naniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman Ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi ni Abraham kami at hindin-hindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing magiging malaya kayo?' Sumagot sa kanila si Hesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nanatili ang alipin sa pamamahay magpakailan man. Ang anak ay mananatli magpakailanman. Kaya kung Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.”   Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Hesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon ay hangad ninyo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham, mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami--ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Hesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako'y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”     Pagninilay: May isa akong kaibigan na nagreveal sa akin ng lihim, ng kanyang tunay na estado sa buhay. Hindi ito alam ng iba naming kaibigan. Minsan, nasukol sya, sa dami ng tanong ng isa pa naming kaibigan, kaya nagdesisyon siyang sabihin na ang totoo, dahil aniya kapag hindi nya sasabihin ang totoo, marami pa syang kasinungalingang sasabihin. Natuwa ako sa kanyang desisyon, kaya tinawag ko ang isa pa, upang mapakinggan ang kanyang rebelasyon. Kapanalig, ang taong nabubuhay sa kasinungalingan, ay hindi malaya. Kailangan niyang magtagni tagni ng maraming kasinungalingan, upang pagtakpan ang isang kasinungalingan. Samantalang ang pagsasabi ng katotohanan ay nagpapalaya at nagpapagaan ng pakiramdam. Hindi naman masama, at lalong hindi naman kasalanan ang lihim ng kaibigan ko, pero kapag hindi pa nya sinabi ang totoo, kakailanganin nyang magtagni tagni ng maraming kwentong kasinungalingan, upang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang personal na buhay. Sa ating Mabuting Balita ngayon, ipinahayag ni Hesus na ang pagpapanatili sa kanyang salita ang magdadala sa atin tungo sa pagiging tunay Niyang alagad. Kapag babad tayo sa salita ng Diyos, walang puwang ang kasinungalingan sa buhay natin dahil si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Kapanalig, sa panahon ngayon na laganap ang fake news sa social media, higit nating kailangang manindigan sa katotohanan. Kung alam natin ang totoo, magsalita tayo at manindigan gaya ni Hesus kahit hindi siya pinaniwalaan ng mga Hudyo. Maaari tayong ma-bash at usigin ng mga bayarang trolls, pero kung magpapatalo tayo sa takot, higit na mamamayagpag ang mga kampon ng hari ng kasinungalingan. Hahayaan ba natin sila?  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 17, 2024 - Linggo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 16, 2024 4:36


Mabuting Balita l Marso 17, 2024 - Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (B) Ebanghelyo: Jn 12, 20-33 May ilan sa mga Griiyegong umahon upang sumamba sa Piyesta . Kaya Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at ntinanong “Ginoo, gusto  naming makita si Hesus.” Umalis si Felipe at Kinausap si Andres, Lumapit sina Andres at Felipe at kinausap si Hesus.  Sinabi naman ni  Hesus sa kanila  “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Talagang talagang sinasabi ko sa inyo, nanatiling  nag-iisang butil ng trigo kung hindi ito mahuhulog sa lupa. Ngunit kung  mamatay man ito, Maraming bunga ang idinudulot nito . Ngayon nababagabag ang kaluluwa ko, sasabihin ko bang Ama, Iligtas mo ko mula sa hatid ng Oras na ito, Ngunit dahil dito kaya ako dumating sa oras na ito. Ama Luwalhatiin mo ang iyong ngalan” Kaya may tinig na nag mula sa Langit. “ Niluwalhati ko ang muli kong luwalhatiin. Kaya pagkarinig ng mga Tao sinabi nila ‘ Kumulong, Sinabi naman ng iba ‘ Nangusap sa kanya ang isang Angel. Sumagot si Hesus “Hindi dahil sa akin kaya ito ipinarinig, kundi dahil sa inyo. Ngayon Hinukuman ang mundong ito. Ngayon Itataboy sa labas ang Pinuno ng mundong ito at kapag itinaas ako mula sa lupa, hihilain ko sa akin ang lahat. “Sinabi ito ni Hesus upang ipahiwatig ang uri ng kamatayang susunugin niya.     Pagninilay: Ang ating Mabuting Balita ngayon ay bahagi ng mga pangyayari sa buhay ni Hesus bago siya hulihin, hatulan at mamatay. Kanyang ipinahayag” “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Pero kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana.”  Ginamit ni Hesus ang imahe ng isang butil ng trigo na nananatiling nag-iisa kung hindi ito mahulog sa lupa at mamatay. Nasa panganib ang buhay ni Hesus dahil ipinaglaban niya ang katotohanan, at tinanggihan ang mga kasinungalingan ng kanyang mga kaaway. Pero, tulad ng Mabuting Pastol, handa siyang isuko ang kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. Ang “oras ng Anak ng Tao” na kanyang tinutukoy ay oras ng kanyang kamatayan. Masakit, pero kinakailangan at dapat pagdaanan ng binhi ang pagkabulok, bago ito muling mabuhay at magbunga. Mga kapanalig, ang ating paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma ay magiging masagana lamang kung mananatili tayong tapat sa ating pananampalataya kahit na maging panganib ito sa ating buhay. Kadalasan, kasama dito ang pagkamatay sa ating mga personal na kagustuhan, kasarinlan, pagtindig para sa katotohanan, at ang paghahandog ng sarili para sa iba.  Samahan natin ang ating Panginoon sa Kalbaryo, mamatay tayo sa ating mga sarili, upang tulad ni Hesus, tayo rin ay maging mabunga.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 16, 2024 – Sabado

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 15, 2024 4:29


Mabuting Balita l Marso 16, 2024 – Sabado sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo: Jn 7:40-53 May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Hesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba't sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David at galing sa Betlehem na nayon ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n'yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma'y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila'y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Hesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.     Pagninilay: Mukhang hindi lang sa panahon natin uso ang Fake News, kahit sa panahon ni Hesus. Marami ang nakakilala at nakarinig kay Hesus at nagpatotoong “siya ang Propeta at Mesiyas na hinihintay natin!” Pero, pinalabas nilang pekeng Mesiyas si Hesus, dahil galing siya sa bandang hilaga o (North), ng Galilea. Ang lugar ang binabalandra nila, pero ang kanilang paliwanag ay ang “kasulatan na galing ang Mesiyas sa lipi ni David mula sa Timog (South). Baluktot ang pangangatwiran at ikinukubli ang katotohanan. Kung nanaliksik lang sana sila, madidiskubre nilang si Hesus ay mula sa lipi ni Haring David! Buti na lang pinakilala sa atin si Nicodemo, isang iskolar ng Torah o Batas na bukas ang kaisipan at marunong kumilatis sa mga senyales ng kasalukuyang panahon at nagbigay ng ibang opinyon. Pero, pati siya ay kinuwestyon. Tinanong siya kung taga Galilea ba siya. Mga kapanalig, tulad ni Nicodemo, kailangan nating maging matatag sa ating pagpapahayag ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakabatay ito sa ating personal na karanasan sa Panginoon, at pinapalago natin ito sa ating pakikiisa sa mga turo at gawain ng ating Simbahan, kaya nabubuksan ang ating kamalayan sa katotohanan. Sa totoo lang: kung wala si Hesus sa ating buhay, wala itong saysay. Dahil si Hesus ang Katotohanan at Buhay!

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 12, 2024 - Martes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 11, 2024 4:46


Mabuting Balita l Marso 12, 2024 - Martes sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma  Ebanghelyo:    Juan 5:1-16 Pag katapos nito, May piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo'y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong tatlong put taon ng maysakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam miyaa na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang mga maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, lumulusong na ang iba at nauuna na sa akin.”  Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinasabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “ Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ba ang nagsabi sa iyong: ‘Magbuhat ka nito at magklakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ito ginawa.   Pagninilay: Sa panahong ito ng Kuwaresma, isa sa mga paanyaya sa atin ay ang magsisi sa ating mga kasalanan. Iniimbitahan tayong magpunta sa kumpisalan, at mangumpisal. Naglalayon itong mabigyan tayo ng paghihilom ng mga sugat sa ating puso, sa ating kaluluwa bunga ng ating pagkakasala. Pinagagaling ng Diyos sa tulong ng kumpisal ang ating mga sugat mula sa kasalanan. Pero, gaano ba ako kadalas mangungumpisal? Linggo- linggo, buwan-buwan, taon – taon, o araw-araw? Iba-iba ang maaaring sagot dito. Para mo na ring itinanong, gaano ba ako kadalas magkasala? Ilagay na lang natin sa halimbawa ng pagkakasakit.  Madalas kung nagkakasakit tayo, pupunta tayo sa doctor, magpapatingin, bibigyan ng gamot upang gumaling, pagkatapos nito, may mga pagkakataon na sinasabing, may follow up check-up para matiyak ang pagbabalik natin sa ganap na kalusugan ng pangangatawan. Sa iba pa nga, ang check-up ay halos kada tatlong buwan o kaya dalawang beses isang taon. Depende sa pangangailangan ng may sakit o karamdaman. Pero kapag magaling na, sasabihan tayo ng doctor. O magaling ka na ha, alam mo na ang mga bawal, mga dapat iwasan, tsaka ang mga dapat na gamot bilang pananggalang o panlaban. Kaso, dyan tayo madalas sumasablay. Alam naman natin yung ‘di maganda, yung makasasama sa atin, yung nakakasakit sa iba, pero ginagawa pa rin natin. May mga spiritual vitamins at maintenance naman tayo, kaso hindi natin sinusunod. Sa tuwing magagawa natin ang ‘di dapat na nakasasama sa ating kalusugan – katawan man o kaluluwa, lagi tayong pinaaalalahanan – magtungo sa klinika de kumpisalan at lumapit sa ating Banal na Manggagamot – Si Hesus mismo. Humingi ng tawad at awa. At kung magaling ka na, sana laging dinggin ang Kanyang paalala - Magaling ka na, huwag ka na muling magkakasala pa. Amen.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 8, 2024 – Biyernes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 7, 2024 4:23


Mabuting Balita l Marso 8, 2024 – Biyernes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo: Marcos 12:28-34  May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Hesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Hesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Hesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Hesus: “Ito ang una: 'Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buong pag iisip at nang buong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarilui ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Hesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.   PAGNINILAY: Isinulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Ibigin mo ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.” Madaling sabihin pero mahirap gawin. Kasi paano nga ba magmahal ng buong puso, isip at lakas. Bakit napakahirap para sa karamihan sa atin ang gawin ito, samantalang buo naman, at kahit sa umpisa ay minahal na tayo ng Diyos. Hindi natin maitatanggi na may kanya-kanya tayong karanasan sa buhay, lalo't masasakit o sanhi ng pagkadurog ng ating puso at pagkatao, na sa kalaunan, nawawalan tayo ng pag-asa at paniniwala, sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos. At dahil sa mga karanasang ito, nakakalimutan natin ang sukdulang ginawa ng Diyos, dahil sa sobrang pagmamahal niya sa atin. Kaya nga, kung hindi natin maibabalik ang pananampalataya sa pagmamahal ng Diyos, mahirap ding mahalin ang ating kapwa at sarili. Hindi rin ibig sabihin na kailangang buo, at wala na tayong peklat ng mga sugat ng mga masasakit na karanasan sa buhay. Kapatid, kung iisipin, walang mahirap gawin kung ibabalik natin ang lubos na pananampalataya sa Diyos na tanging makakapagpabago ng ating puso, kahit tumigas na ito --- buksan at hayaang gumalaw ang grasya ng Espiritu Santo, para muli tayong mabuo, at maging bukas sa pagmamahal – sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating sarili. Sa panahong ito ng kuwaresma, isa ito sa hilingin natin sa mapagmahal nating Diyos. Manalangin tayo: Panginoong Hesus, hilumin po Ninyo ang mga sugat at sakit na nagiging hadlang sa aming magmahal ng lubos. Sa aming pagninilay sa hirap na dinanas mo para sa amin --- wag po sana naming sayangin ang pagkakataong, mabuksan muli ang aming puso, nang sa gayon ay maging bukas kami na mahalin ka, at ang aming kapwa. Amen.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 5, 2024 – Martes

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 4, 2024 3:26


Mabuting Balita l Marso 5, 2024 – Martes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo: Matthew 18:21-35 Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” “Sumagot si Hesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan.  … Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” At Idinagdag ni Hesus: 'Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”   Pagninilay: Ang saysay natin at buong pagkatao ay maaring mawalan ng halaga, kapag nawalay tayo sa Diyos dahil sa ating kasalanan, tigas ng puso at hindi pagpapatawad. Kaya ang bilin ng Panginoong Hesus sa panalanging Ama Namin, “Patawarin Mo kami sa aming mga sala, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkasala sa amin!” Dito naka-angkla ang pagpapatawad natin sa nagkasala sa atin.  Una tayong pinatawad ng Diyos, kaya marapat lamang na igawad din natin ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.  Tunay ngang mahabagin ang Panginoon, at mapagbigay sa mga taong mapagpatawad. Minsan kasi, mas gusto pa nating manatili sa kinasasadlakang dusa. “Lord, dito na lang muna ako ha. Aayusin ko muna ang buhay ko, wag mo na muna akong puntahan. Ang dumi-dumi ko, punong-puno ako ng kasalanan. Pero alam po ba ninyo, na isang hakbang lamang palapit sa kanya ang kailangan nating gawin? Abot-kamay siya. Lumapit ka lang, siya pa ang tatakbo papalapit sa iyo. Mga kapanalig, sa iyong paghahanap sa Diyos na maawaing tunay, Siya mismo ang nakahanap sa iyo. The one we are looking for to ask forgiveness, was actually the one who found us first, and now gives meaning to the lost-and-finding. Iniaalis niya tayo sa kasalanan at sa dala nitong kalungkutan. At sa paghahanap natin sa kanya, siya ang nakahanap sa atin. Ito naman ang saysay ng Kuwaresma, di ba? Ang Manalangin, Mag-ayuno at Magbigay ng limos sa mga nangangailangan. Sa pamamagitan nito, matatagpuan tayo ng Diyos, at maibabalik tayo sa dati nating pagkatao, kung papaano Niya tayong nilikha sa simula't simula, bago pa tayo magkasala sa kaniya. Ang magpapabanal sa atin ay kababaang loob at pagpapatawad, lalo na sa mga taong, mahirap patawarin. Kapanalig, Magpatawad ka na, dahil una ka nang pinatawad ng Diyos.   -       Fr.  Edward Dantis, SSP l Society of St. PAul  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 3, 2024 – Linggo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Mar 2, 2024 4:22


Mabuting Balita l Marso 3, 2024 l Ikatlong Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo: Juan 2:13- 25 Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa-Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu't anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa mga patay, naalaala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus Pagninilay: Sino ba ang Hesus na pinaniniwalaan mo?  Ito ba ang Hesus na ipinadala sa atin ng Ama, o ang Hesus na ayon sa ating sariling pagtingin?  Iba't-iba ang pagtingin natin kay Hesus, depende sa ating karanasan nang pakikipag-ugnayan sa Kanya.  Meron ang pagtingin kay Hesus, ay isang Ama na mapagkalinga; isang kaibigan na pinagsasabihan ng problema at hinihingan ng tulong; isang kapatid o kaibigan na kasa-kasama sa paglalakbay sa buhay.  Anuman ang relasyon natin kay Hesus ngayon, mahalagang pakaisipin natin, na Siya ang kaganapan ng pangakong pagliligtas ng Ama, ang dakilang pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos Ama sa atin.  Sa Ebanghelyo ngayon, nangungusap sa atin ang Hesus na ipinadala ng Ama.  Hindi kababalaghan o karunungang dikta ng daigdig ang dala Niya, sa halip, ipinapakilala ng Ama sa atin si Hesus na kailangang magbata ng hirap, at mamatay, pero muling mabubuhay.  Mga kapatid, nawa'y maging handa tayong sundan si Hesus sa pagtataboy ng anumang hindi maka-Diyos sa ating buhay tulad ng hindi pagpapatawad, pandaraya sa negosyo, mga maling pakikipag-relasyon, at pagmamalabis sa kapwa at sa kalikasan.  Ang ating katawan ang templo ng Espiritu Santo.  Kaya sikapin sana nating pakalinisin ang ating katawan, sa mga kasalanang nagpaparumi dito nang maging karapatdapat tayong panahanan ng Espiritu Santo.  Manalangin tayo:  Panginoon, pakalinisin Mo po ako sa mga kasalanang nagpaparumi sa akin, upang maging marapat akong panahanan ng Iyong banal na Espiritu.  Amen.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Pebrero 28, 2024 – Miyerkules l Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 27, 2024 4:16


Mabuting Balita l Pebrero 28, 2024 – Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma San Romano Ebanghelyo: Mt 20:17-28 Nang Umakyat si Hesus sa Jerusalem, isinama niya ang Labindalawa, at habang nasa sa daan ay Sinai niya sa kanila; “Papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang Anak ng Tao sa mga Punong-pari at mga guro ng Batas at maghahatol sa kanya nng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano para pagtawanan, hagupitin, at ipako sa krus. Ngunit babangon siya sa Ikatlong araw.” Lumapit noon kay Hesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ang dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Hesus: “Ano ang ibig mo?” At sumagot siya: “Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa s aiyong Kaharian.” Sinabi ni Hesus sa magkapatid: “Hindi niyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom n'yo ba ang kalis na iinumin ko?” Sumagot sila: “Kaya naming.” Sumagot si Hesus: “Totoong iinum din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para iyon sa mga hinirang ng Ama.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Hesus at sinabi: “Alam n'yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ang mga nasa kapangyarihan. Hindi ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n'yo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n'yo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pagtubos sa marami.”    Pagninilay: Kapag umuuwi ako sa amin para bisitahin ang aking Nanay na 86 years old, nalalaman ko sa aming pag-uusap ang kanyang mga hangarin pa sa buhay. Nasabi ng Nanay ko na kahit may edad na sya, patuloy pa din ang kanyang pagdarasal na harinawa, pahabain pa ng Diyos ang kanyang buhay. Ang sabi ko naman, pinagpala na si Nanay dahil sa edad na walumpu't anim, siya'y nakapaglalaba pa, nagluluto, naglilinis ng bahay, at iba pang mga gawain sa bahay. Sabi niya, kaya gusto niyang humaba ang buhay, ay dahil gusto pa nyang matiyak at makita, kung paanong kaming mga anak at mga apo nya ay nabubuhay. Marahil ganito ring saloobin ng isang ina, ang ipinapahiwatig sa narinig nating Mabuting Balita. Ipinakiusap ng ina ng mga anak na lalaki ni Zebedeo sa Panginoong Hesus, na kung maaari, maupo ang kanyang mga anak sa kanyang tabi, isa sa kanan at isa sakaliwa sa kanyang kaharian. Pero, ang bagay na ito ay tanging Diyos Ama lamang ang nakababatid, kung kanino nga ba nakahanda ang kanan at kaliwang pwesto ni Hesus. Mga kapanalig, ang Simbahan at mga namumuno dito sa pangunguna ng Santo Papa, ay nagtuturo at nagbibigay gabay kung paano tayo mamumuhay bilang mga kristiyano. Manatili nawa tayong bukas sa mga turo at gabay ng ating mga lingkod na mga pari upang magabayan tayo patungo sa langit na ating pinapangarap. Amen.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Pebrero 22, 2024 – Huwebes l Unang Linggo ng Kuwaresma

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 21, 2024 4:16


Mabuting Balita l Pebrero 22, 2024 – Huwebes sa Unang Linggo ng Kuwaresma Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro Ebanghelyo: Mt 16:13-19 Pumunta si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?”  Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka, may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga Propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila: “Ngunit sino ako para sa inyo?”  At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.”  Sumagot naman si Hesus: “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”     Pagninilay: Natural sa ating mga Pilipino ang maging solid na fanbase ng iba't ibang sikat na artista, mapa-K-pop group man ‘yan o mga lokal na loveteam. Maituturing na die-hard fans nga ang iba sa atin, dahil handa tayong makipagbunuan, makapunta lang sa concert o sa mga iba't ibang meet-and-greet. Kung tutuusin, mukhang may solid fanbase na rin ang ating Panginoon, sa tagpo ng ating Mabuting Balita ngayon. Kaya siya napatanong, “Sino raw ang Anak ng Tao ayon sa mga tao?” Umani man ito ng mga haka-hakang sagot mula sa mga alagad, tanging si San Pedro lamang ang nakasagot nang tama, hindi dahil nakinig siya sa sabi-sabi, kundi dahil sa kanyang pamamalagi sa piling ni Hesus. Hindi ito sagot na galing sa teolohikal o pilosopikal na pag-iisip, kundi mula sa isang patuloy na pakikipagrelasyon kay Hesus; sa madaling sabi, sagot ito, ng isang tunay na kaibigan ni Hesus. Maging ang pakikipagkaibigan natin sa Diyos ay isang proseso, gaya ng halimbawa ni San Pedro. Hindi man siya laging naging mabuting kaibigan ng Diyos dahil sa kanyang kahinaan, hindi ito naging hadlang sa kanyang pagiging tapat hanggang kamatayan dahil umasa siya sa awa at pag-ibig ni Hesus, ang kanyang guro't kaibigan.  Mga kapanalig, pabaya man tayo minsan sa ating pakikipagkaibigan kay Hesus, ang mahalaga ay ang ating hangaring lumalim ang pagkilala sa Kanya. Gaya ni San Pedro, nawa'y hindi tayo matinag ng ating mga kahinaan, kundi, mas sumampalataya sa lawak ng habag at awa ni Hesus, ang ating kaibigang ‘di nakalilimot kailanman. Amen.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 17, 2024 -Linggo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 16, 2024 4:36


Mabuting Balita l Marso 17, 2024 - Ikalimang Linggo ng Kuwaresma (B) Ebanghelyo: Jn 12, 20-33 May ilan sa mga Griiyegong umahon upang sumamba sa Piyesta . Kaya Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at ntinanong “Ginoo, gusto  nnaming makita si Hesus.” Umalis si Felipe at Kinausap si Andres, Lumapit sina Andres at Felipe at kinausap si Hesus.  Sinabi naman ni  Hesus sa kanila  “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Talagang talagang sinasabi ko sa inyo, nanatiling  nag-iisang butil ng trigo kung hindi ito mahuhulog sa lupa. Ngunit kung  mamatay man ito, Maraming bunga ang idinudulot nito . Ngayon nababagabag ang kaluluwa ko, sasabihin ko bang Ama, Iligtas mo ko mula sa hatid ng Oras na ito, Ngunit dahil dito kaya ako dumating sa oras na ito. Ama Luwalhatiin mo ang iyong ngalan” Kaya may tinig na nag mula sa Langit. “ Niluwalhati ko ang muli kong luwalhatiin. Kaya pagkarinig ng mga Tao sinabi nila ‘ Kumulong, Sinabi naman ng iba ‘ Nangusap sa kanya ang isang Angel. Sumagot si Hesus “Hindi dahil sa akin kaya ito ipinarinig, kundi dahil sa inyo. Ngayon Hinukuman ang mundong ito. Ngayon Itataboy sa labas ang Pinuno ng mundong ito at kapag itinaas ako mula sa lupa, hihilain ko sa akin ang lahat. “Sinabi ito ni Hesus upang ipahiwatig ang uri ng kamatayang susunugin niya.     Pagninilay: Ang ating Mabuting Balita ngayon ay bahagi ng mga pangyayari sa buhay ni Hesus bago siya hulihin, hatulan at mamatay. Kanyang ipinahayag” “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Pero kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana.”  Ginamit ni Hesus ang imahe ng isang butil ng trigo na nananatiling nag-iisa kung hindi ito mahulog sa lupa at mamatay. Nasa panganib ang buhay ni Hesus dahil ipinaglaban niya ang katotohanan, at tinanggihan ang mga kasinungalingan ng kanyang mga kaaway. Pero, tulad ng Mabuting Pastol, handa siyang isuko ang kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. Ang “oras ng Anak ng Tao” na kanyang tinutukoy ay oras ng kanyang kamatayan. Masakit, pero kinakailangan at dapat pagdaanan ng binhi ang pagkabulok, bago ito muling mabuhay at magbunga. Mga kapanalig, ang ating paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma ay magiging masagana lamang kung mananatili tayong tapat sa ating pananampalataya kahit na maging panganib ito sa ating buhay. Kadalasan, kasama dito ang pagkamatay sa ating mga personal na kagustuhan, kasarinlan, pagtindig para sa katotohanan, at ang paghahandog ng sarili para sa iba.  Samahan natin ang ating Panginoon sa Kalbaryo, mamatay tayo sa ating mga sarili, upang tulad ni Hesus, tayo rin ay maging mabunga.      

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Pebrero 17, 2024 -Sabado pagkaraan ng Miyerkules ng Abo

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 16, 2024 4:19


Mabuting Balita l Pebrero 17, 2024 –    Sabado pagkaraan ng Miyerkules ng Abo                      Ang Pitong Tagapagtatag ng Orden ng mga Lingkod ng Mahal na Birheng Maria Ebanghelyo: Lk 5:27-32 Nakita ni Hesus ang isang kolektor ng buwis na nagngangalang Levi na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman ito, iniwan ang lahat at sumunod sa kanya. Naghandog sa kanya si Levi ng isang marangyang handaan sa kanyang bahay at nakisalo ang maraming kolektor ng buwis at iba pang nga tao. Dahil dito'y pabulong na nagreklamo sa ng alagad ni Hesus ang mga Pariseo at ang mga guro ng Batas na panig sa kanila: “Ba't kayo kumakain at umiinom kasama ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Sumagot naman si Hesus at sinabi sa kanila: “Hindi ang mga malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan tungo sa pagbabalik-loob.             Pagninilay: Naranasan mo na bang ma “star struck” sa isang taong sobra mong hinangaan? Katulad ng karanasan ni Levi sa ating Mabuting Balita ngayon na iniwan ang lahat, upang sumunod kay Hesus. Si Levi ay isang kolektor ng buwis na sumunod kay Hesus nang walang pag-aalinlangan, nang marinig niya ang paanyaya ni Hesus na, “Sumunod ka”. Nagpapahiwatig ang tagpong ito na kilala niya si Hesus, at naniwala siyang maliligtas siya ni Hesus mula sa dating niyang buhay. At sa isang iglap, sumunod siya sa daan ng tunay na pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos. Ninais niyang makapiling si Hesus, at dahil dito, nabago ang buhay nya.  Ngayong panahon ng Kuwaresma, tinatawagan tayong lahat, na mag-balik loob sa Diyos, dahil ang kanyang pagliligtas ay para sa lahat ng tao. Nakisalo siya sa mga publikano at makasalanan, at winika sa mga Eskriba at Pariseo, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot kundi ang may sakit. Hindi siya naparito para tawagin ang mga mabubuti, Kundi ang mga makasalanan upang magbalik loob. Hangad ni Hesus na hanapin at iligtas ang nawawalang nilalang ng Diyos. Tayong lahat ay makasalanan, na nangangailangan ng kanyang awa at habag. Ang Diyos mismo ang gumawa ng paraan upang akayin tayo sa matuwid na daan. Sa pamamagitan ng kanyang grasya, nahahandugan tayo araw-araw ng lakas ng loob, upang makatugon sa paanyaya Niyang sumunod sa Kanya. Kung kaya, ang panahon ng Kuwaresma ay isang paanyaya sa hapag ng Diyos, upang makisalo sa Kanyang sakripisyo at pag-aalay ng buhay, para sa kaligtasan ng mundo. Sa pamamagitan ng ating mga panalangin, pag-aayuno at pagkakawang-gawa maganap nawa sa atin ang tunay na pagbabago at pagbabalik loob sa Diyos. Panginoon “ituro mo ang iyong loob, nang matapat ko itong masunod” Amen.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 16, 2024 – Sabado

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 15, 2024 4:29


Mabuting Balita l Marso 16, 2024 – Sabado sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo: Jn 7:40-53 May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Hesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba't sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David at galing sa Betlehem na nayon ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n'yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma'y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila'y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Hesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig para alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”  At umuwi ang bawat isa sa kanila.     Pagninilay: Mukhang hindi lang sa panahon natin uso ang Fake News, kahit sa panahon ni Hesus. Marami ang nakakilala at nakarinig kay Hesus at nagpatotoong “siya ang Propeta at Mesiyas na hinihintay natin!” Pero, pinalabas nilang pekeng Mesiyas si Hesus, dahil galing siya sa bandang hilaga o (North), ng Galilea. Ang lugar ang binabalandra nila, pero ang kanilang paliwanag ay ang “kasulatan na galing ang Mesiyas sa lipi ni David mula sa Timog (South). Baluktot ang pangangatwiran at ikinukubli ang katotohanan. Kung nanaliksik lang sana sila, madidiskubre nilang si Hesus ay mula sa lipi ni Haring David! Buti na lang pinakilala sa atin si Nicodemo, isang iskolar ng Torah o Batas na bukas ang kaisipan at marunong kumilatis sa mga senyales ng kasalukuyang panahon at nagbigay ng ibang opinyon. Pero, pati siya ay kinuwestyon. Tinanong siya kung taga Galilea ba siya. Mga kapanalig, tulad ni Nicodemo, kailangan nating maging matatag sa ating pagpapahayag ng ating paniniwala at pananampalataya. Nakabatay ito sa ating personal na karanasan sa Panginoon, at pinapalago natin ito sa ating pakikiisa sa mga turo at gawain ng ating Simbahan, kaya nabubuksan ang ating kamalayan sa katotohanan. Sa totoo lang: kung wala si Hesus sa ating buhay, wala itong saysay. Dahil si Hesus ang Katotohanan at Buhay!  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Marso 13, 2024 – Miyerkules

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 12, 2024 4:20


Mabuting Balita l Marso 13, 2024 – Miyerkules sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma Ebanghelyo:   Juan 5:17-30   Sumagot si Hesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya't kumikilos din ako.” Kayat lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil nito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Hesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman ang Anak mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya't maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao. Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.     Pagninilay: Uso ang salitang hugot. Mag cocomment tayo na: “Saan mo naman hinugot ‘yan? Ang lalim ng hugot, ah?” Kung hugot ang pag-uusapan, mayroon ding hugot ang ating Hesus Maestro. Malalim ang pinaghuhugutan Niya. Sinabi Niya, na ang lahat ng Kanyang ikinikilos at sinasabi, hugot mula sa Ama. Hindi ang sariling kalooban ang sinusunod Niya, kundi ang kalooban ng Ama na nagsugo sa Kanya. Sabi nga sa Katesismo, inseparable sila “in what they are and what they do”. Ikaw, kapanalig, ano ang iyong mga hugot? At kanino ito naka-angkla? Sabi sa isang hugot line: “Ang luha parang pawis, hindi man galing sa mata pero parehong tumutulo kapag pagod ka na.” Grabe ang hugot, di ba? Humuhugot ito sa diwa ng pagsasakripisyo at pagdurusa. Besides, kahit may hirap, kung para naman sa kabutihan ng lahat, pagbubutihin natin ang pagsusumikap.  Lumuha rin naman ang ating Panginoon noong namuhay Siya sa atin dito sa lupa. Lalo na sa mga matitigas ang kalooban, at binabalewala ang mga concern Niya na ibalik tayo sa Diyos Ama. Naramdaman din Niya ang spiritual emptiness hanggang inihabilin Niya ang Kanyang kaluluwa sa Ama. At dahil malalim ang pinaghuhugutan ng ating Hesus Maestro sa Diyos Ama, ibinalik sa Kanya ng Ama ang maluwalhating Buhay. Kapanalig, kung sakaling ang huni ng ating kalooban ay maging tulad ng tunog ng patay na kabibe; kung sakaling nadidisconnect na tayo sa ating mga mahal sa buhay, at lalo pa sa ating sarili; kung nauubusan na tayo ng lakas at ramdam natin ang spiritual emptiness at wala na tayong makapa na support system, bumaling tayo sa bukal ng lahat ng pinaghuhugutan. Siya ang ating Hesus Maestro na kaisa ng Diyos Ama. Isang hugot lang, pupunan na Niya tayo ng tunay na Buhay.    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Pebrero 10, 2024 – Sabado l Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon      

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 9, 2024 4:16


Mabuting Balita l Pebrero 10, 2024 – Sabado sa Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon           Santa Escolastica, dalaga (Paggunita) Ebanghelyo: Mark 8:1-10 Maraming tao ang sumama kay Hesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay at para sa pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Hesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Hesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Hesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila nabusog at tinipon ang mga natirang pira-piraso-pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Hesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad upang pumunta sa lupain ng Dalmanuta.       Pagninilay: Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  “Ako'y nahahabag sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain.” Nalalaman ni Hesus ang sitwasyon ng mga tao na sumusunod sa Kanya, kaya naman tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ilang tinapay mayroon kayo? At sumagot sila, “Pito” at mayroon din silang maliliit na mga isda. Batid natin na binasbasan ito ni Hesus, at lahat ng tao ay nabusog, at may lumabis pa na pitong bakol na puno. Sa Bibliya ang bilang na Pito o Seven ay perfect number. Sa aking pagninilay, sa lahat ng milagro na galing sa salita ni Hesus ay perfect. Lalo itong naging perfect dahil ang tinapay at isda na nagpa busog sa mga tao, ay galing sa mga alagad. Mga kapatid, ginagamit ng Panginoong Hesus ang ating mga kamay upang makatulong sa kapwa sa kasalukuyang panahon. Hayaan nating patuloy tayong gamitin ng Panginoon na maging daluyan ng Kanyang biyaya at pagpapala, lalo't higit sa mga nangangailangan. Nawa ang biyayang ating natatanggap kay Hesus ay maging daan din upang maging biyaya din tayo para sa ating kapwa. Amen.  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Pebrero 8, 2024 – Huwebes l Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Feb 7, 2024 4:18


Mabuting Balita l Pebrero 8, 2024 – Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mark 7:24-30 Lumayo si Hesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming Espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Hesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak. Sinabi naman niya sa kanya: ”Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang ang tinapay sa mga bata at itapon sa mga tuta.” Sumagot ang babae: ”Totoo nga Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” At sinbi sa kanya ni Hesus: ”Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.     Pagninilay: Sa Pilosopiya, itinuturo sa atin ang principle ng “space and time.”  We, humans, are bounded by time and space.  Tayong mga tao dito sa mundong ibabaw, ay nalilimitahan pa ng espasyo at oras. Kung madalas kang sumakay ng jeepney, may limit lang ang pwedeng isakay nito, ganun din sa elevator; patunay lamang ito na bilang tao, kaya tayong limitahan ng espasyo. Sa kabilang banda, tayong mga tao dito sa mundong ibabaw ay nalilimitahan ng oras at panahon. May nakatakdang panahon kung kelan tayo lilisan dito sa mundo. Totoo nga, na habang andito pa tayo sa mundo, “we are bounded by space and time.”  Pero taliwas ang kaisipang ito, pagdating sa awa at pagmamahal ng Diyos sa atin. Kailanman hindi kayang limitahan ng espasyo at oras, ang pagmamahal ng Diyos sa atin.  “God's love knows no boundary.” Mamahalin ka Niya regardless of your race, age, gender, socio-econonomic conditions, etc. Yan ang naranasan ng babaeng Hentil na tubong Sirofenicia.  Sa ating Mabuting Balita, nakita ng Panginoong Hesukristo ang dakilang pananampalataya ng babaeng Hentil, nang lumapit ito sa kanya upang hilingin ang kagalingan ng kanyang maliit na anak na babae na inaalihan ng demonyo. Dahil sa ipinakitang lakas ng loob, kapakumbabaan at pananalig ng babaeng Hentil, iginawad ng Panginoong Hesukristo, ang kagalingan ng kanyang anak. Kahit naging iskandalo pa ito sa mata ng mga Hudyo na naniniwala, na ang Awa at Pagmamahal ng Diyos ay limitado lamang para sa kanila, na bayang pinili.  Mga kapanalig, huwag sana nating bigyan ng limitasyon ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Huwag nating huhusgahan ang mga taong hindi ka mahal mahal sa ating mga paningin. Tandaan natin, na lahat naman tayo ay may karamdamang pisikal at espiritwal, at nangangailangan ng habag at pagmamahal ng Diyos. I-claim natin na Mahal na Mahal tayo ng Diyos. Tunay nga “God's love knows no boundary.”

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Disyembre 23, 2023 – Sabado l Huling Linggo ng Adbiyento

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Dec 22, 2023 4:16


Mabuting Balita l Disyembre 23, 2023 – Sabado l Huling Linggo ng Adbiyento Ebanghelyo: Lucas 1:57-66 Nang sumapit na ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng mga kapitbahay at mga kamag-anakan n'ya kung gaano nagdadalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila upang tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto niyang itawag dito. Humingi siya ng isang sulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinusulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” dahil sumasakanyang talaga ang kamay ng Panginoon.   Pagninilay: Nakakaaliw ang huling parte ng Mabuting Balita ngayon. Hindi nakaligtas sa mga Marites ang mag-asawang Zacarias at Elizabeth. Naging usap-usapan daw sa buong bulubundukin ng Judea, ang mga nangyari sa buhay nila. Mabilis kumalat ang balita, pinag-isipan pa nga daw ito ng mga nakabalita, takang-taka sila kung ano ang kahihinatnan ng batang si Juan “sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.” Matatandaan, na nang mabalitaan ng kanilang mga kapitbahay at kamag-anak ang pagsilang ni Elizabeth, nagdagsaan ito sa kanilang tahanan. Marahil curious na makakita ng isang lola at lolong naging magulang, for the first time, sa kanilang katandaan. Hindi lang yan, bumalik uli sila sa pagtutuli ng sanggol, para mag suggest ng pangalan ng bata. Mga kapanalig, minsan masyado tayong excited!  Gustong-gusto nating pangunahan ang mga plano ng Panginoon. Hindi tayo makapaghintay, kaya gumagawa tayo ng paraan upang maisakatuparan ang mga nais natin. Kapag sumablay, saka pa lang natin naaalalang ni hindi man lang pala natin naisa alang-alang ang Kanyang kalooban. Isang napakabanal na gawi ng aming Blessed founder, James Alberione, Tagapagtatag ng Pauline Family, ang sumangguni sa Panginoon sa anumang desisyon na kailangan niyang gawin. Inaabot siya ng halos apat na oras sa pananalangin, upang mabatid ang kalooban ng Diyos. Kapanalig, magsumikap tayong magtiwala sa Diyos sa lahat ng pagkakataon. Manalangin. Sumangguni sa Kanya, huwag Siyang pangunahan. Hindi kailangang magmadali. Maghintay. Batid ng Diyos ang tamang oras, para ibigay ang ating hinihiling kung ito'y makakabuti sa atin. God's timing is always perfect. Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya sa atin, ano mang makabubuti sa atin, kahit hindi natin ito hinihiling.   -       Sr. Deedee Alarcon, fsp l Daughter's of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 28, 2023 – Martes l Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 27, 2023 3:56


Mabuting Balita l Nobyembre 28, 2023 – Martes l Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 21:5-11 May ilang nag-uusap tungkol sa Templo, at sinasabi nila na may magagandang bato ito at mamahaling palamuti. Sinabi naman ni Hesus: “Darating ang mga araw na walang matitirang magkapatong na bato sa lahat ng inyong nakikita; iguguho ang lahat.” Nagtanong sila sa kanya: “Guro, kailan ito mangyayari at ano ang tanda na sumapit na ito? Paano namin malalaman?” Sumagot si Hesus: “Mag-ingat kayo at baka kayo madaya. Maraming aangkin sa aking pangalan na magsasabing ‘Ako ang Mesiyas; ako siya,' at ‘Palapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila. Sa pagkabalita n'yo sa digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong maligalig; mangyayari muna ito pero hindi pa ito ang wakas.” At sinabi niya sa kanila: “Magdidigmaan ang mga bayan at naglalaban-laban ang mga kaharian. Magkakaroon din ng malalakas na lindol sa maraming lugar, magkakaroon ng taggutom, magkakaroon ng mga kakila-kilabot na bagay at ng malalaki ring kababalaghan sa Langit.”  Pagninilay: Nothing lasts forever.  May hangganan ang lahat.  Maging ang templo ng Jerusalem, na itinayo sa naglalakihan at magagandang bato at puno ng mga palamuting inihandog ng mga tao ay gumuho at nawasak.  Sa ating Mabuting Balita ngayon, ipinapaalala sa atin ng ating Panginoong Hesus na ang mga bagay sa mundo ay nagmula sa Diyos, at ito'y maari niyang bawiin, anumang oras.  Sa ating buhay, hindi natin alam kung kailan darating ang paghuhukom ng Diyos. Paalala ito sa atin na dapat maging laging handa. Kaya naman tanungin natin ang ating mga sarili: "Handa ba akong humarap sa Diyos sa anumang oras?" Mga kapanalig, ang tunay na paghahanda ay nagmumula sa pagsusuri ng ating buhay, pagsisisi sa mga pagkukulang, at pagtanggap sa biyaya at pagmamahal ng Diyos. Hindi ito sa pag-iipon ng kayamanan na mawawasak din lang naman. Ito ay sa pagiging handa na ibigay ang ating buhay kay Hesus at maging tapat na mga alagad Niya.  Magunaw man ang mundo, ang pagmamahal ng Diyos ay mananatili: His love will last forever.  Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Arch. of Manila  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 22, 2023 – Miyerkules l Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 21, 2023 5:16


Mabuting Balita l Nobyembre 22, 2023 – Miyerkules l Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 19:11-28 Malapit na sa Jerusalem at akala ng mga taong kasama niya'y agad na ipakikita ang Kaharian ng Diyos. Kaya sa kanilang pakikinig ay isa pang talinhaga ang inilahad sa kanila ni Hesus. Sinabi niya: “May isang maharlikang tao na pumunta sa malayong lupain para mahirang na hari at saka siya babalik. Tinawag niya ang sampu niyang katulong at binigyan sila ng tig-iisang baryang ginto at sinabi sa kanila: 'Ipagnegosyo ninyo ito hanggang sa aking pagbalik.'…Gayon pa ma'y bumalik siya pagkahirang bilang hari. Ipinatawag niya ang mga katulong na binigyan niya ng baryang ginto para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Humarap ang una at sinabi: 'Panginooon, tumubo pa ng sampu ang barya mong ginto.' Sumagot siya: 'Magaling, mabuting utusan; dahil naging tapat ka sa maliit na bagay, mapamamahala kita sa sampung lunsod.'…Dumating ang isa pa at sinabi: 'Panginoon, narito ang iyong baryang ginto. Binalot ko ito sa isang panyo at itinago. Natatakot ako sa iyo dahil mapaghanap kang tao, kinukuha mo ang di mo idineposito at inaani ang di mo inihasik.' Sinabi sa kanya ng panginoon: 'Masamang utusan, sa sarili mong mga salita kita hahatulan. Alam mo palang mapaghanap ako, na kinukuha ko ang hindi ko idineposito at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo idineposito sa bangko ang aking baryang ginto? At makukubra ko sana iyon pati na ang interes pagbabalik ko.' At sinabi niya sa naroon: 'Kunin sa kanya ang baryang ginto at ibigay sa may sampu.' …‘Sinasabi ko sa inyo: bibigyan ang meron pero aalisan ang wala, kahit na ang meron siya ay kukunin sa kanya. Ngunit dalhin n'yo rito ang aking mga kaaway na ayaw akong maghari sa kanila at patayin sa harap ko.'” Pagkasabi nito, umuna si Hesus sa kanila pa-Jerusalem.  Pagninilay: Ang isang bagay lalo't hindi pinaghirapan, madalas hindi pinanghihinayangang mawala o maubos. Pero kung ang bagay o ari- arian man ay pinaghirapang makamtan, hindi mo ito basta-basta wawaldasin o itatapon. Ang Mabuting Balita ay usapin tungkol sa pagpupunyagi, pagsisikap at pagtitiwala. Nakita natin na pinagkatiwaan ang mga utusan ng kanya- kanyang bilang ng salaping ginto. Sa una, ang ginto ay nagtubo ng sampu.  Sa ikalawa, lima naman ang tinubo. Sa ikatlo, dahil sa takot sa Panginoon ay itinago ang ginto at wala itong tinubo. Ang tatlong utusan ay pinagkatiwaan, pero iba iba ang kanilang naging sulit sa Panginoon.  Mga kapanalig, kung minsan, ang takot ay nagiging hadlang sa ating paglago at pag- unlad tulad ng nangyari sa ikatlong utusan. Maging matatag nawa tayo sa mga gawaing ipinagkatiwala sa atin. Gamitin nawa natin ang lahat ng talino, husay at angking lakas upang lumago sa ating buhay. Manalangin tayo:  Panginoon tulungan Mo po kaming gamitin ang angking talino at lakas upang magampanan namin ang anumang ipinagkatiwala Mong gawin namin dito sa lupa nang naaayon sa Iyong banal na kalooban. Maging masikap nawa kami sa pag-unlad ng buhay upang makapagbigay kami ng maayos na sulit sa Iyong harapan. Amen   Sr. Edith Ledda, fsp l Daughters of St. Paul  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 21, 2023 – Martes l Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 20, 2023 3:37


Mabuting Balita l Nobyembre 21, 2023 – Martes l Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo12:46-50 Nagsasalita pa si Hesus sa mga tao nang dumating ang kanyang ina at mga kapatid para makipag-usap sa kanya, at naghihintay sila sa labas. Kaya may nagsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; gusto ka nilang makausap.” Sumagot si Hesus: “Sino ang aking ina? Sino ang aking mga kapatid?” At itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Ang nagsasagawa ng kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.” Pagninilay: Ayon sa tradisyon ang pangalan ng mga magulang ng ating Mahal na Birheng Maria ay sina Sts. Joachim at Anne. Kahit na matagal na silang mag-asawa, hindi sila mabiyayaan ng isang anak dahilan sa baog si Sta. Ana. Dahil sa masidhing kagustuhang magka-anak pumunta si San Joaquin sa Templo at humiling na magka-anak. Matapos ay tumungo't nanatili sya sa iisang lugar upang walang tigil na manalangin. Malungkot si Sta. Ana, hindi niya makita ang kanyang asawa. Alam niya ang dahilan. Kaya naman, siya rin ay nanalangin at nangako sa Diyos. “Panginoon, kung ako ma'y bibiyayaan mo ng isang anak, siya'y iaalay ko upang iyong maging lingkod.” Matapos ang kanilang masidhing panalangin, nagpakita ang anghel ng Panginoon sa mag-asawa at binalitang sila'y bibiyayaan ng anak. Masaya sila sa pagdating ni Maria, kaya noong siya'y tatlong taong gulang, si Maria ay inialay sa templo, bilang pagtupad sa pangako ng kanyang Inang si Sta. Ana. Mga kapanalig, sa tuwing tumatanaw tayo ng biyayang buhat sa Diyos, namang iba pang masasabi ang puso kundi magpasalamat. Matuto tayo sa pamilya nina Sta. Ana, Maria at San Joaquin—ang kani-kanilang buhay na kapwa itinalaga para sa Diyos. Dahil, kung tayo rin ay mag-aalay ng buhay tulad nila, walang ibang salitang sasambitin ang ating mga puso kundi—salamat! -       CL. VINZ AURELLANO, SSP l Society of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 19, 2023 – Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 18, 2023 4:35


Mabuting Balita l Nobyembre 19, 2023 – Ika-33 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 25, 14-15. 19-21 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta. Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.' Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnenegosyo. Sana'y dinala mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo pagdating ko. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s'ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.'”   Pagninilay: Ngayong Linggo ay World Day of the Poor. Inaanyayahan tayo ni Pope Francis na ilaan ang araw na ito para sa pananalangin at pagtulong sa mga kapatid nating dukha.  Sa ating Mabuting Balita ngayon, ipinaliwanag ni Hesus ang kahalagahan ng wastong paggamit ng ating mga talento at yaman sa pamamagitan ng isang talinghaga. Tulad ng mga tauhan sa talinghaga, binigyan tayo ng Diyos ng mga biyaya, hindi lamang para sa ating sariling kapakanan, kundi upang maglingkod sa Kanya at sa ating kapwa. Sa pagdiriwang natin ng World Day of the Poor, inaanyayahan tayo na maging mas sensitibo sa mga pangangailangan ng mga maralita sa ating paligid. Ito ay pagkakataon natin na ibahagi ang ating yaman at kakayahan, sa mga taong nangangailangan ng tulong at pagmamahal. Hindi po lahat ay may parehong kakayahan at yaman, pero ang mahalaga ay ang pagiging handa nating mag-ambag sa abot ng ating makakaya. Ang anumang maitutulong natin, gaano man ito kaliit, ay may halaga sa mga mata ng Diyos.     Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Arch. of Manila  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 17, 2023 – Biyernes l Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 16, 2023 5:29


Mabuting Balita l Nobyembre 17, 2023 – Biyernes l Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: LUCAS 17:26-37 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa Langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Mawawalan ng kanyang sarili ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya: “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”   Pagninilay: May isang dalagang nagdi-discern ng kanyang bokasyon na nakipag-usap sa akin. Para daw kasing tinatawag siya ni Hesus na magmadre. Nagtanong siya: “Sister, kapag pumasok ako sa kumbento, pwede pa rin ba akong mag-ayos ng kilay?”  Nabigla ako – akala ko'y mali lang ang dinig ko, kaya't nagtanong ako: “Ha?”  Patuloy niya: “Alam mo naman, Sr. Rose, ‘kilay is life'!!! At sabay kaming nagtawanan.  Magandang pagnilayan natin ngayon kung ano nga ba ang mahalaga sa ating buhay? Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang asawa ni Lot sa Mabuting Balita, at sinabi niya: “Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito.” Noong inililigtas ng anghel ang pamilya ni Lot sa pagkawasak ng Sodom at Gomora, sinabihan sila na huwag lilingon. Lumingon ang asawa ni Lot sa kanilang mga ari-arian at lahat ng nakasanayan niya, at siyaý naging haliging asin! Kapanalig, hangga't hindi tayo maka-usad mula sa mga bagay na ating pinanghahawakan, lahat ng nagbibigay sa atin ng security, hindi natin matitikman ang kalayaan ng mga anak ng Diyos. Mawawala itong lahat na parang bula, at maninigas tayong tulad ng isang estatwang asin. Pero kung tatalikdan nating ang lahat ng ating ari-arian, ang nakasanayang buhay, pati na ang lahat ng galit at sama ng loob, malaya tayong makakaharap sa kinabukasang puno ng pag-asa, pagmamahal at pagkakaisa.  Manalangin tayo: Panginoon, salamat sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob mo sa amin. Maging bukas nawa kaming talikuran ang kahapon upang buong-puso naming tanggapin ang malayang bukas na iniaalay mo sa amin. Amen.      Sr. Rose Agtarap, fsp l Daughters of St. Paul    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 13, 2023 – Lunes l Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 12, 2023 4:30


Mabuting Balita l Nobyembre 13, 2023 – Lunes l Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo:  Lucas 17:1-6 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring walang katitisuran at magpapabagsak sa taong maghahatid nito. Mas makabubuti pa sa kanya na talian ng gilingang bato sa leeg at ihagis sa dagat kaysa tisurin at pabagsakin ang isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo. Kung magkasala ang kapatid mo, pagsabihan mo s'ya at kung magsisi'y patawarin mo. At kung pitong beses s'yang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din s'yang bumalik sa ‘yo na nagsisisi, patawarin mo s'ya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang aming pananampalataya.” Sumagot ang Panginoon, “Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa punong mala-igos na ‘yan, ‘Mabunot ka at sa dagat ka matanim', at susundin kayo nito.” Pagninilay: Alam ni Hesus na may mga pagkakataong tayo'y magkakamali, magkakasala, pipiliin ang mapariwara, tatahakin ang landas papalayo sa Kanya at sa ating kapwa. Kung kaya isa sa mga dakilang handog Niya, ang Sakramento ng Pagbabalik Loob. Isang biyayang nagbibigay sa atin ng kakayahang humingi ng tawad at magpatawad. Opo, sa sakramentong ito, hindi lamang tayo humihingi ng tawad sa mga nagawang kasalanan sa Panginoon at sa ating kapwa, nagpapatawad din tayo, sa mga taong Nakagawa ng hindi mabuti sa atin. Sa panalanging ito na itinuro sa atin ni Hesus, ang mga katagang, “at patawarin mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin,” dito, humihingi tayo ng tawad, at nagpapahayag din na patatawarin ang mga nagkakasala sa atin.  Mga kapanalig, tunay nga bang nagpapatawad tayo sa mga nakasakit sa atin? Isang positibong impluwensya ang gawaing pagpapatawad. Sa panahon ngayong naglipana ang mga samu't-saring impluwensya sa mundo, nawa'y pagsikapan nating maging positibong impluwensiya, sa pamamagitan ng pagtulad kay Hesus, na hindi nagsasawang magpatawad sa atin, paulit-ulit man ang ating pagkakasala. Naway tayo rin, sa ating paghingi ng tawad sa Diyos Ama, maging katulad ni Hesus, magsumikap na maging mapagpatawad sa lahat ng pagkakataon, isulong ang kultura ng pagpapakumbaba at kabutihan sa isa-isa.      

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 12, 2023 – Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 11, 2023 3:53


Mabuting Balita l Nobyembre 12, 2023– Ika-32 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 25:1-13 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!' Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.' Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.' Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!' Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.' Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”   Pagninilay: Isinulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, sa oras na lilisanin na natin ang mundong ito at haharap na tayo sa Panginoon, masasabi kaya natin na puno-punong ang lampara ng ating buhay ng langis? —langis ng pagmamahal, Langis ng pagiging bukas-palad, langis ng pagtitiwala sa Diyos, langis ng pagpapatawad, langis ng pagiging magpagpasalamat, at langis ng mga mabubuting gawa.  Sana maghanda at magsumikap tayong lagyan ng langis ang ating buhay araw-araw upang patuloy itong nagliliwanag.  Nang sa ganoon, pagdating ng panahon na tayo ay kakatok doon sa pintuan sa langit, hindi itatanong sa atin ng Panginoon, “Sino kayo?”, kundi bubuksan niya nang malawak ang pintuan at sasabihing, “Pasok kayo.”

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 10, 2023 – Biyernes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 9, 2023 4:30


Mabuting Balita l Nobyembre 10, 2023 – Biyernes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 16:1-8 Sinasabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “May katiwala ang isang mayaman, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng katiwala ang kanyang kayamanan. Ipinatawag niya ito at sinabi sa kanya: ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magsulit ka sa akin ng iyong pangangasiwa dahil hindi ka na makapangangasiwa.' At inisip ng katiwala: ‘Tatanggalin ako ngayon sa pangangasiwa ng aking panginoon. Ano ang gagawin ko? Kulang ako ng lakas para magbungkal ng lupa, nahihiya naman akong magpalimos. Ah, alam ko na ang gagawin ko. At pagkatanggal sa akin sa pangangasiwa, may mga magpapatuloy sa akin sa kanilang mga bahay.' Kaya tinawag niyang isa-isa ang mga may –utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una: ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?' Sumagot ito: ‘Sandaang galon ng langis.' Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang resibo mo, maupo ka agad at isulat mo: Limampu.' Tinanong naman niya ang ikalawa: ‘At ikaw, magkano ang utang mo?' Sumagot siya: ‘Sanlibong takal ng trigo.' Sinabi ng katiwala: ‘Narito ang iyong resibo at isulat mo: ‘Walundaan.' Hinangaan ng panginoon ang matalinong paggawa ng di matuwid na katiwala. Mas matalino nga ang mga taong makamundo sa pakikitungo sa mga gaya nila kaysa mga tao ng liwanag.”  Pagninilay: Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebangheyo.  Magaling. Magaling ang Katiwala. Nagbigay siya ng discount sa patubo sa mga nangungutang sa kanila. Pinagaan niya ang kanilang utang. Ginawa niya ito dahil nalaman na ng may-ari ang ginagawa niyang pandaraya. Ite-terminate na siya. Mahusay siya, maabilidad.  Bumilib nga ang ating Hesus Maestro sa style niya, dahil advance siyang mag-isip. Take note. Magkaiba ang mahusay, sa mabuti. Naiiba rin ang maabilidad, sa matuwid. Hindi pinupuri ng Diyos ang dishonesty ng katiwala. Hindi rin Niya tayo ini-encourage na gawin iyon. Ang gustong ipaliwanag sa atin ay kailangan tayong maging magaling para na rin sa ating benefit. Hindi dito sa lupa kundi para sa buhay sa kabila. Oo, nagkasala tayo. Nadisplease natin ang ating Panginoon, dahil natuon tayo sa makamundong yaman, makamundong relasyon, makamundong kapangyarihan. Ang mahalaga, at the moment, may plan of action, at constant ang mabubuting strategies para ma-redeem ang nagawa nating mali.  Para hindi na rin natin maulit ang kasalanan nating nagawa. Mag-invest tayo para maging welcome tayo sa eternal home ng ating Ama.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 9, 2023 – Huwebes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 8, 2023 4:09


Mabuting Balita l Nobyembre 9, 2023 – Huwebes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Juan 2:13-22 Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon pa Jerusalem si Hesus. Natagpuan niya sa patyo ng templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Hesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay-kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Hesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu't anim na taon nang itinatayo ang templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Hesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Hesus.   Pagninilay: Mga kapanalig, paano kung pumunta si Hesus ngayon sa Quiapo? Hahambalusin niya rin kaya ang mga nagtitinda ng damit ng Sto. Niño? Titigpasin niya din ba ang mga sampaguitang ibinebenta ng batang maliliit para sa kanilang pagkain sa maghapon? Paano kung sa Baclaran? Itatapon ba ang mga pantalong nasa kariton? Mga batya, tabo at hanger na paninda ng aleng nagsisikap upang may pantustos sa pang araw-araw na kailangan ng kanyang pamilya? Lupit naman nun! Normal po noong panahong iyon na magtinda ng ilang hayop sa labas ng templo. Ito'y iniaalay ng mga tao sa bilang hain sa Diyos. Pero maling kalakaran ang nagaganap. Pinapatungan ng mas malalaking halaga ang hayop na hain. Ang templong dapat nagpapaalala sa atin ng pagkakaisa sa pagmamahal ng Diyos ay naging kuta ng mga MANDARAMBONG at GANID. Kaya ito ang ikinagagalit ng Panginoon, ang kawalan ng paggalang sa Templo ng Diyos bilang bahay-dalanginan.  Nawa'y sa tuwing pumapasok tayo sa Simbahan para magdasal, ibigay natin ang nararapat na paggalang sa templo kung saan katatagpuin natin ang Diyos para manalangin.     -       CL. VIN AURELLANO, SSP l Society of St. Paul    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Nobyembre 7, 2023 – Martes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Nov 6, 2023 4:53


Mabuting Balita l Nobyembre 7, 2023 – Martes l Ika-31 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: LUCAS 14,15-24 Sinabi kay Hesus ng isa sa mga inanyayahan: “Mapalad ang mga makakasalo sa bangkete ng Kaharian ng Diyos!” Sumagot si Hesus: “May isang taong naghanda ng isang malaking bangkete at marami siyang kinumbida. Sa oras ng handaan, pinapunta niya ang kanyang katulong para sabihin sa mga imbitado: ‘Tayo na't handa na ang lahat. Ngunit parang sabay-sabay namang nagdahilan ang lahat. Sinabi ng una. ‘Bumili ako ng bukid at kailangan kong pumunta para tingnan iyon. Pasensya ka na.' Sinabi naman ng isa. ‘Bumili ako ng limang pares na bakang pang-araro at pasusubukan ko ang mga ito. Pasensya ka na.' Sinabi ng isa pa: ‘Bagong kasal ako kaya hindi ako makakapunta.' Pagbalik ng katulong, ibinalita niya ang lahat ng ito sa kanyang panginoon. Galit na galit ang maysambahayanan at sinabi sa kanyang katulong: ‘Pumunta ka agad sa mga liwasan at mga lansangan ng lunsod at papasukin mo rito ang mga dukha, mga balewala, mga bulag at mga pilay.' At pagkatapos ay sinabi ng katulong: ‘Nagawa na ang ipinag-utos mo at may lugar pa rin.' Sumagot sa kanya ang panginoon: ‘Lumabas ka sa mga daan at mga bakuran at pilitin mong pumasok ang mga tao para mapuno ang bahay ko.' Sapagkat sinasabi ko sa inyo: walang sinuman sa mga ginoong iyon na kinumbida ko ang makakatikim ng aking handa.'”   Pagninilay: Napakahilig nating mga Pilipino sa mga handaan. Lahat ng okasyon – kaarawan, binyag, kasal, at libing – tiyak hindi kumpleto, kung walang salo-salo. Pagkatapos ng Misa, mesa! Kaya kung may magkukumbida sa pista o kainan, napakahirap tumanggi, lalo na kung mahalaga o minamahal natin ang nag-anyaya. Sa Mabuting Balita, natunghayan natin kung paanong inihambing ni Hesus ang Kaharian ng Diyos sa isang malaking piging na kung saan ang lahat ay imbitado. Ang nakalulungkot rito, ang maituturing na “mortal sin” sa ganitong okasyon: ang tumanggi! Ang nagpatindi pa rito, may iba't ibang prayoridad ang mga inimbita kaysa makasama at makasalo ang lalaking nagmagandang-loob na anyayahan sila.   Mga kapanalig, araw-araw tayong inaanyayahan ng Diyos na makapiling Siya sa piging ng pagmamahal. Hindi po ito nangangahulugang araw-araw tayong magsisimba! Sa halip, sa tuwing pinipili nating ibigin ang ating makulit na asawa't mga anak, magulong kamag-aral o ang nakakainis at toxic na katrabaho, nakikiisa at nakikisalo tayo sa Diyos, na unang tumatawag at unang umiibig sa atin. Ito ang sikreto ng kabanalan!  Sa araw na ito, hilingin natin sa Diyos na maging sensitibo sa Kanyang mga paanyaya't inspirasyon, upang makatugon tayo nang buong pagmamahal. Huwag nawa natin palampasin ng pagkakataong makasama ang Diyos ngayon; piliing umibig – piliing maging banal.    -Cl. Russel Patolot, SSP l Society of St. Paul    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Oktubre 25, 2023 – Miyerkules l Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Oct 24, 2023 4:23


Mabuting Balita l Oktubre 25, 2023 – Miyerkules l Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 12:39-48 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Isipin ninyo ito: kung nalaman lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi ang dating ng magnanakaw, hindi sana n'ya pababayaang looban ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat dumarating ang Anak ng Tao sa oras na hindi Ninyo inaakala.” Sinabi ni Pedro: “Panginoon, kanino mo ba sinasabi ang talinhagang ito, sa amin ba o sa lahat?” Sumagot ang Panginoon: “Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katiwala na pangangasiwaan ng panginoon sa kanyang tauhan para bigyan sila ng rasyon sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang panginoon ay matagpuan s'ya nitong tumutupad nang gayon, mapalad ang lingkod na iyon. Talagang sinasabi ko sa inyo, pangangasiwain s'ya nito sa lahat nitong ari-arian. Ngunit maaari namang maisip ng lingkod na iyon: ‘Matatagalan pang dumating ang aking panginoon.' At simulang pagmalupitan ang mga utusang lalaki at babae, at kumain, uminom at maglasing. Ngunit darating ang panginoon ng lingkod na iyon sa araw na di inaasahan at sa oras na di n'ya nalalaman. Palalayasin n'ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga di-dapat. Maraming hampas ang tatanggapin ng katulong na nakaaalam sa kalooban ng kanyang panginoon pero hindi naghanda ni sumunod sa kalooban n'ya. Kaunti lang naman ang tatanggapin ng walang nalalaman sa kalooban n'ya ngunit gumawa ng mga bagay na dapat parusahan. Hihingan nga ng marami ang binigyan ng marami at hihingan nang higit ang pinagkatiwalaan nang higit.”   Pagninilay: Ang Mabuting Balita sa araw na ito ay napakahalagang paalala at pagsusuri ng ating sarili, sa kung papano natin ginagawa ang mga bagay na ipinagkakatiwala sa atin. Maganda rin namang masabihan kang napaka-responsable mong tao. Pero hindi lang ang pagiging responsable at magaling ang mahalaga kay Hesus, kundi higit sa lahat, ang pagiging tapat o (faithful). Katapatan na bunga ng buong tiwala, at pagpapahalaga sa malalim na relasyon, ng isang taong nagbibigay ng tiwala sa Kanya. Ang taong tapat ay responsable, hindi lang sa trabaho, kundi may pagpapahalaga din ito sa kapakanan ng mga kasama nito sa anumang gawain – dahil sila rin ay ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Nawawala ang pagiging makasarili sa ganitong disposisyon. Mas katiwa-tiwala at laging handa sa pagdalaw ng Diyos sa ating buhay.  Manalangin tayo:  Panginoong Hesus, gabayan nawa kami ng aming pananampalataya sa iyo para maging tapat at may pagpapahalaga sa lahat ng bagay at mga taong ipinagkakatiwala Ninyo sa amin. Amen.    -  Sr. Reajoy San Luis, fsp l Daughters of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Oktubre 22, 2023 – Ika-29 l Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Oct 21, 2023 4:59


Mabuting Balita l Oktubre 22, 2023 – Ika-29 l Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 22:15-21 Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung papaano nila huhulihin si Hesus sa sarili niyang salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Hesus: “Guro, nalalaman naming na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo, ayon ba sa Batas na magbayad ng Buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Hesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis." Ipinakita nila ng isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Hesus. “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar at sa Diyos ang para sa Diyos.” Pagninilay: Sa ating Mabuting Balita ngayon, tinanong ng mga pinuno ng Israel si Hesus kung tama bang magbayad ng buwis sa Emperador, na isang kontrobersyal na paksa sa panahong iyon. Kung sasabihin ni Hesus na oo, maaari siyang maparatangan ng pagtataksil sa bayan ng Israel at sa Diyos. Kung sasabihin niya na hindi, maaari siyang maparatangan ng paglaban sa kapangyarihan ng Roma. Pero hindi nagpahuli si Hesus sa kanilang patibong. Sinabi ni Hesus: "Ibigay ninyo kay Cesar ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos." Sa ganitong paraan, binibigyang-diin ni Hesus ang mas mahalagang bagay: ang pagbibigay ng karapat-dapat na pagsamba at paggalang sa Diyos. Ang kuwentong ito ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Misyon, na taun-taon, ginaganap tuwing ika-apat na Linggo ng Oktubre. Nagpapaalala ito sa atin na ang bawat binyagang Kristiyano, tinatawag na maging saksi ni Kristo sa buong mundo, at hindi dapat matakot o mahiya na ibahagi ang kanyang pananampalataya. Ang misyon ay hindi lamang tungkol sa pagpapadala ng mga misyonero sa ibang bansa o kultura, kundi pati na rin sa pagpapakita ng halimbawa ng buhay-Kristiyano sa ating sariling lugar at lipunan. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagsasalita o pagtuturo, kundi pati na rin sa pakikinig at pakikipag-ugnayan sa iba. Ang misyon ay hindi rin lamang tungkol sa pagbibigay o pagtulong, kundi pati na rin sa pagtanggap at pagkatuto mula sa iba. Mga kapanalig, sa Pandaigdigang Araw ng Misyon, inaanyayahan tayo ni Hesus na dapat nating gamitin ang mga biyaya at talento na ibinigay sa atin ng Diyos, upang maglingkod sa kanya at sa kanyang bayan. Dapat nating ibahagi ang ating pananampalataya at pag-ibig sa lahat ng tao, lalo na sa mga hindi pa nakakakilala kay Kristo. Dapat nating maging mga saksi ni Kristo, na siyang nagpadala sa atin upang magmisyon.  - Fr. Rolly Garcia Jr. – Director of Biblical Apostolate of the Arch. of Manila  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Oktubre 10, 2023 – Martes l Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Oct 9, 2023 4:09


Mabuting Balita l Oktubre 10, 2023 – Martes l Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Lucas 10:38-42 Pumasok si Hesus sa isang nayon at pinatuloy siya ng isang babaeng nagngangalang Marta. May kapatid siyang babae na tinatawag na Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon at nakikinig sa kanyang salita. Abalang-abala naman si Marta sa mga pagsisilbi kaya lumapit siya at sinabi: “Panginoon, hindi mo ba napapansing pinabayaan ako ng aking kapatid na babae na magsilbing mag-isa? Pakisabi mo naman sa kanya na tulungan ako.” Sumagot sa kanya ang Panginoon: “Marta, Marta, abala ka't balisa sa maraming bagay; isa lang naman ang kailangan. Pinili nga ni Maria ang mainam na bahagi na hindi kukunin sa kanya.”     Pagninilay:  “I feel you Marta, damang dama po kita.” Ito ang nais kong sabihin kay Marta sa kanyang sobrang pagkaligalig at pagiging abalang-abala sa paghahanda, sa Mabuting Balita ngayon. Lahat-lahat ng kanyang pagluluto, paghahanda at pagsisikap, nais niyang gawin para sa Diyos. Alam niyang galing ang Panginoong Hesus sa isang mahabang lakbayin, kaya nais niya itong ipaghanda ng espesyal at masarap na pagkain. Pero, sa kabila ng kanyang sobrang ka busyhan at pagod, sinabihan siya ng Panginoon, na pinili ng kapatid niyang si Maria ang mas mainam at mas mahusay na bahagi. Tunay naming makararamdam si Marta dito ng kabiguan. Mga kapanalig, madalas, abalang-abala rin tayo sa mga gawain natin sa buhay, at hindi tayo mapirmi sa isang tabi. Kapag huminto tayo para magnilay, o magmuni-muni tungkol sa ating buhay, iniisip pa nating nagsasayang lang tayo ng oras, at isa itong katamaran. Pero bilang taga sunod ni Kristo, kailangan din natin maging isang Maria, na mauupo sa paanan ni Hesus upang makinig sa Kanyang salita, to listen to the Word of God. Pagkatapos makinig at makipag-usap sa Diyos sa panalangin, mahalagang isabuhay natin ang bunga ng ating pagdarasal, sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa tao.  May awa ang Diyos sa lahat ng kanyang nilikha. At sa gitna ng ating kalungkutan, at sobrang pag-aalala sa buhay dulot ng samu't saring suliraning kinakaharap natin – kinakaawaan rin niya tayo. Si Hesus ay nagpakita ng awa, pagmamahal at kahinahunan sa waring nabigong si Marta; kaya dapat din nating piliin si Hesus at magpakita ng pagmamahal at awa sa iba.   -  Fr. Edward Dantis, SSP l Society of St. Paul

Open Table MCC Sunday Worship Podcast

Pagpasok ni Jesus sa templo ay lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan. Habang siya'y nagtuturo ay nagtanong sila, “Ano'ng awtoridad mo at ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Mayroon din akong katanungan [...] Read More... The post Kapal Ng Mukha appeared first on Open Table Metropolitan Community Church.

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Oktubre 1, 2023 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Sep 30, 2023 4:24


Mabuting Balita l Oktubre 1, 2023 – Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon Ebanghelyo: Mateo 21:28-32 Nagpatuloy si Hesus: “Ano sa palagay n'yo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.' Sumagot ang anak: ‘Ayoko.' Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.' Pero hindi siya pumunta. At tinanong sila ni Hesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” “Ang una.” “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa Kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan subalit hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita n'yo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.”     Pagninilay: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa kalooban ng Ama?” At kanino ka mas nakaka relate?  sa nagsabi ng “Oo”, pero hindi sumunod? O sa nagsabi ng “Hindi” pero sumunod. Malamang na experience na natin ang malagay sa ganitong sitwasyon noong mga bata pa tayo, nung inutusan tayo ng ating mga magulang. At marahil naalala pa natin ang ginawa nating pagtugon.  Ang talinhaga ng dalawang anak ay nagpapahiwatig sa atin ng malalim na kahulugan ng “free will” o ng kalayaan na ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.  Paano nga ba natin ginagamit ang handog na kalayaan ng Panginoon?  Ginagamit ba natin ito para lumago sa kabutihan, kabanalan at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos?  O ginagamit natin ito para gawin anuman ang maibigan natin, kahit alam nating taliwas ito sa kalooban ng Diyos, at lubhang makakaapekto sa ating kapwa?  Pansinin natin mga kapanalig, kapag gumagawa tayo ng tama at mabuti, at namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos, tunay tayong malaya – panatag ang ating kalooban, masaya ang ating buhay, at wala tayong kinatatakutan saan man tayo magpunta, dahil wala tayong atraso kaninuman.  Samantalang kung namumuhay tayo sa kasalanan – sangkot sa mga illegal na gawain, katulad ng droga, pangungupit sa kaban ng bayan, pandaraya sa negosyo at tuwing Halalan, pang-aabuso sa kapangyarihan, pamumuhay sa kasinungalingan, at hindi pagiging tapat sa asawa o maging sa bokasyon ng pagpapari o pagmamadre na ating sinumpaan – hindi tayo tunay na malaya. Dahil laging may takot sa ating dibdib, nangangamba, na baka may makakita sa atin; na baka bukas o makalawa, mabubunyag ang kasalanan o katiwalian na ginagawa natin ng lihim. Kaya masasabi natin, na sinumang namumuhay sa kasalanan, hindi tunay malaya, lumiliit ang mundo dahil laging nagtatago, at maraming iniiwasan at kinatatakutan. Mga kapanalig, maitago man natin sa mata ng tao ang mga kasalanang ginagawa natin ng lihim, hinding-hindi natin ito maitatago sa mata ng Diyos na nakakakita ng lahat. Isa pa, hindi rin matahimik ang ating budhi sa tuwing namumuhay tayo sa kasalanan, binabagabag tayo ng ating konsensya at hindi makatulog. At ayaw ng Panginoon na masadlak tayo sa ganitong sitwasyon. Kaya nga ang paalala sa atin ng Mabuting Balita, panindigan natin ang bawat pagsagot natin ng “Oo” sa Diyos.  Isa itong desisyon na dapat nating panibaguhin at isabuhay araw-araw.  Kapag pinili nating magmahal at magpakabanal, isa itong desisyon na dapat nating i-renew araw-araw. At kung nagkataon mang humindi tayo sa Diyos, at namuhay ng taliwas sa Kanyang kalooban, may pagkakataon pang baguhin ang ating desisyon at magbalik-loob.  God is God of unending chances.  Ang bawat araw na pinapahiram sa atin ng Diyos, panibagong pagkakataon upang ayusin ang ating sarili, punan ang mga pagkukulang sa nakalipas na araw, magbalik-loob at pagsisihan, ang mga nagawang kasalanan. -  Sr. Lines Salazar, fsp l Daughters of St. Paul    

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Setyembre 26, 2023 – Martes | Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Sep 25, 2023 4:18


Mabuting Balita l Setyembre 26, 2023 – Martes | Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon San Cosme at Damian, mga martir #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH   Ebanghelyo: Lucas 8:19-21 Pinuntahan si Hesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila mangakalapit sa kaniya dahil sa dami ng tao.  May nagsabi sa kanya, Nakatayo sa labas ang iyong ina at imga kapatid, at gusto kang makita ka.  Sumagot siya at sinabi sa kanila. “Ang mga nakikinig sa mga salita ng Diyos at nag sasagawa nito.  Sila ang aking ina at aking mga kapatid.”   Pagninilay:    Kilala tayong mga Filipino para sa ating pagpapahalaga at pagmamahal sa pamilya, lalong-lalo na sa ating mga ina. Sa katunayan, ang pamilya ang kadalasang pangunahing dahilan ng pakikipagsapalaran ng ating mga OFW's sa ibang bansa. Ilang mabubuting ama, ina, at mga anak ang hindi inalintana ang homesickness, pagod at sakripisyo ng pangingibang-bansa, upang mapaginhawa lamang ang Buhay ng kanilang mga pamilya. Ang kanilang pag-uwi ay tiyak na masayang pagsasama-sama muli, kahit na panandalian lamang.   Sa ating Mabuting Balita, narinig natin na bilang mabuting ina, dinalaw ni Maria si Hesus sa gitna ng kanyang pamamahayag ng kaharian ng Diyos. Pero, tila hindi niya binigyang-pansin ang kanyang ina at mga kamag-anak, na marahil naglakbay pa upang makita lamang siya. Hindi tinigil ni Hesus ang kanyang pangangaral, upang tahimik na silipin man lamang si Maria; sa halip, hayagan niyang pinapurihan si Maria hindi dahil siya ang kanyang Ina, kundi dahil siya ang modelo ng tunay na nakikinig at tumutupad sa kanyang mga salita. Dahil dito, itinanghal ni Hesus ang kanyang Ina bilang huwaran natin ng pagtalima at kababaang-loob.  Mga kapanalig, kung gayon ang ating pakikibahagi sa pamilya ng Diyos, mahalaga ang ating buong pusong pagtugon sa araw-araw na paanyaya sa atin ng Diyos, na tupdin ang kanyang kalooban. Tulad ng Inang Maria, hindi natin kailangang laging maunawaan ang plano ng Diyos para sa atin; ang mahalaga ay ang ating buong tiwalang pagsang-ayon at pakikiisa. Kaya sa mga pagkakataong hindi natin lubusang maintindihan ang kalooban ng Diyos, nawa'y lumapit tayo sa ating Mahal na Ina, upang sa kabila ng ating mga pag-aalinlangan, lakas loob din nating masabi tulad niya, “Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.” Amen. - Cl. Russel Matthew Patolot, ssp | Society of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Setyembre 24, 2023 – Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Sep 23, 2023 5:19


Mabuting Balita l Setyembre 24, 2023 – Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH  Ebanghelyo: Mateo 20:1-16 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang pilak isang araw, at pinapunta n'ya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya't sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.' At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya't sinabi niya sa kanila: ‘Bakit kayo nakatayo lamang at maghapong walang ginagawa?' Sumagot sila: ‘Dahil walang umupa sa amin.' ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.' “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.' Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-iisang denaryo. Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila'y tatanggap sila ng mas higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-iisang denaryo. Kaya't pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Ang sabi nila: ‘Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito at ipinapantay mo sila sa amin ngayon na maghapong nagtrabaho sa init ng araw?' “Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa ‘yo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?' “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”  Pagninilay: Sa Mabuting Balita, isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang may-ari ng ubasan. Sa iba't-ibang oras ng araw, siya'y umupa ng mga manggagawa upang magtrabaho sa kanyang ubasan. Pero, kahit sa iba't-ibang oras sila nagtrabaho, lahat sila'y nakatanggap ng bayad na pantay-pantay ang halaga. Ipinakita ng may-ari ng ubasan ang pagiging mapagmahal at marangal sa kanyang mga manggagawa. Bagamat ang ilan ay nagtrabaho ng mas mahaba, at iba naman ay mas maikli, tinuring silang lahat na pantay-pantay. Sa talinghagang ito, tinuturo ng Panginoon ang kahalagahan ng pagiging makatarungan at mapagmahal sa ating kapwa. Hindi tayo dapat maging mapanghusga at maging palalo. Sa halip, tinatawag tayo na maglingkod at magmahalan, nang walang pag-iimbot at paghihinala. Katulad ng pag-ibig ng may-ari ng ubasan sa kanyang mga manggagawa, ganoon din ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Walang pinipili ang kanyang pagmamahal. Sa kabila ng ating mga pagkakamali at kahinaan, tinatawag tayong lahat upang maging bahagi ng kanyang kaharian at tanggapin ang kanyang biyaya. Huwag nating limitahan ang ating pagmamahal sa mga taong kawangis natin o mga pamilyar lamang sa atin. Sa halip, magpakita tayo ng pag-asa, pag-unawa, at kabutihan sa bawat isa. Mga kapanalig, hinihikayat ko kayong isabuhay ang aral ng talinghaga ni Hesus. Maging bukas-palad tayo sa pag-ibig at biyaya ng Diyos, at maging huwaran tayo ng pagmamahal at kabutihan sa ating kapwa. - Fr. Brian Paul Tayag, ssp | Society of St. Paul

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Setyembre 17, 2023 – Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Sep 21, 2023 5:48


Mabuting Balita l Setyembre 17, 2023 – Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH   Ebanghelyo: Mateo 18:21-35 Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Hesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, niharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw: 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapuwa-lingkod ng makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” At idinagdag pa ni Hesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ang bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”   Pagninilay: Sa ating Mabuting Balita ngayon, napakinggan natin ang isang talinghaga tungkol sa pagpapatawad ng Diyos at sa pagpapatawad natin sa ating kapwa. Ang aral na maaari nating matutunan mula sa talinghaga ay ito: Ang Diyos ay napakabuti at napaka maawaing Ama. Pinatatawad niya ang ating mga kasalanan dahil sa kanyang pag-ibig at biyaya. Hindi niya tayo binabayaran ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang habag. Kaya dapat din nating gawin ang gayon sa ating mga kapwa. Hindi tayo dapat magtanim ng galit, poot, o hinanakit sa ating mga puso. Sa halip, dapat nating ibigay ang pagpapatawad na walang kondisyon, walang limitasyon, at walang paghihiganti. Ang pagpapatawad ay hindi lamang para sa kapakanan ng taong nagkasala sa atin, kundi para rin sa ating sariling kapayapaan.  Ang pagpapatawad ay hindi madali, lalo na kung malaki ang pinsala o sakit na idinulot ng kasalanan. Pero, hindi tayo nag-iisa sa pagpapatawad. Maaari nating hingin ang tulong ng Diyos upang magbigay sa atin ng lakas, karunungan, at pag-ibig na makapagpatawad. Si Hesus mismo ay nagpakita ng halimbawa ng pagpapatawad nang siya ay ipako sa krus. Sinabi niya: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.” (Lucas 23:34) Kung si Hesus ay nakapagpatawad sa mga taong pumatay sa kanya, bakit hindi natin magagawa iyon sa mga taong nagkasala sa atin?   Mga kapanalig, ang pagpapatawad ay isang biyaya na ibinibigay ng Diyos sa atin upang makaranas tayo ng kalayaan mula sa galit, sama ng loob, o alipin ng nakaraan. Ang pagpapatawad ay isang paraan upang ipakita ang ating pasasalamat sa Diyos dahil pinatatawad niya ang ating mga kasalanan. Nawa'y maging matapat tayo sa pagtupad ng hamong ito at maging mapagpatawad tulad ni Hesus. Amen. – Fr. Rolly Garcia Jr., Director – Commission on Biblical Apostolate | Archdiocese of Manila  

PAULINES ONLINE RADIO
Mabuting Balita l Setyembre 2, 2023 – Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon

PAULINES ONLINE RADIO

Play Episode Listen Later Sep 3, 2023 4:20


Mabuting Balita l Setyembre 2, 2023 – Sabado ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon #MabutingBalita #DaughtersOfStPaulPhilippines #PaulinesPH   Ebanghelyo: Mateo 25:14-30 Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibambayan ay tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka umalis. Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng limang talento dala ang tinubong lima pang bareta at sinabi: ‘Panginoon ipinagkatiwala mong limang bareta sa akin at tingnan mo, tumubo pa ako ng limang talento.' Sumagot ang amo: ‘Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.' Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi: ‘Panginoon, alam kong mahigpit kang tao, inaani mo ang di mo itinanim at nililikom ang hindi mo ipinagnenegosyo, natakot ako kaya itinago ko yong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.' Ngunit sinagot siya ng kanyang amo: ‘Masama at walang kuwentang katulong. Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat sa sinumang meron, bibigyan pa s'ya at magkakaroon ng sagana, ngunit ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin.'”   Pagninilay: Kapanalig, may isang kanta na ang sabi: “It's not what you got, it's how you use it.” May katotohanan, di ba? “Hindi sa kung ano ang meron ka, kundi kung paano mo'ng ginagamit ang nasa iyo na.” Sa pinagkatiwalang mga talento sa tatlong alipin, maaari natin itong tingnan sa perspektibo ng pagsusulit ng kalooban. May tatlong bagay na dapat isaalang-alang at doon ka makakapasa. Una, Utang na Loob. Sa halagang ibinigay sa iyo, matuto kang tumanaw ng utang na loob. Ikalawa, Kagandahang-loob. Sa nagbigay ng talento, iwasang maging judgmental. Kung mahigpit siya, baka may dahilan siya. Ang mahalaga, nagmamagandang-loob kang tumalima sa niloloob niya.  Ikatlo, Lakas-loob. Isantabi ang takot at mga ligalig. Maging masigasig. I-push mo ang pagiging mapanlikha.  Kapanalig, kung tutuusin, araw-araw mayroon tayong pagsusulit ng kalooban.  Matatawag natin itong examination of conscience. Tinatawag din natin itong pagsusulit ng budhi. Para tayong gumagamit ng flashlight. Halimbawa, sa paano'ng paraan mo ipinahayag ang iyong utang na loob sa Diyos at sa kapwa? Ano'ng kagandahang-loob ang inalay mo ngayon sa iyong pamilya, o sa isang nangangailangan? Sa moment of truth ngayon, sa paano'ng paraan mo ginagamit ang iyong lakas-loob? Kay laking halaga ng kalooban na inihandog sa atin ng ating mapagkaloob na Diyos, Kaya't pakaingatan natin para sa oras na siyasatin ng Diyos ang ating kalooban, busilak na kalooban ang kanyang matutunghayan. - Sr. Gemmaria dela Cruz, fsp l Daughters of St. Paul  

The Jay Aruga Show
S05 E06: We're Winning the Fight Against Gender Ideology but Let's Not Lose the Momentum

The Jay Aruga Show

Play Episode Listen Later May 7, 2023 21:36


Feeling mo ba ay mayroon pa tayong magagawa laban sa Gender Ideology/Same-Sex Union sa DepEd curriculum ngunit hindi mo alam kung ano ito? Pwes! Tama ang feeling mo. Makinig sa bagong episode ng THE JAY ARUGA SHOW kung ano pa ang magagawa natin laban sa tinatawag ni Pope Francis na most dangerous ideological colonization today. Para hindi manghina ang loob ay hayaan mong sabihin ko sa iyo ang good news! Napunta na sa radar ni Bro. Eddie Villanueva of CIBAC Party List ang Gender Ideology lessons sa curriculum ng DepEd. Dahil iyan sa pagtugon mo sa panawagan ng ating munting podcast two weeks ago to email your Catholic school principal, at pagbigay ng feedback sa DepEd curriculum. Sumagot ang Department of Education at Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa issue na ito ngunit epic fail ang mga sagot nila. Bakit? Hayaan niyong ipaliwanag ko sa episode na ito. Here's the news about Bro. Eddie Villanueva's reaction to Gender Ideology in DepEd's curriculum: https://mb.com.ph/2023/5/1/anti-god-bro-eddie-wants-to-probe-inclusion-of-lgbtq-related-topics-in-dep-ed-s-draft-curriculum Here's DepEd and ACT's response: https://mb.com.ph/2023/5/3/dep-ed-defends-inclusion-of-same-sex-unions-in-revised-k-to-10-curriculum Here's the list of email addresses of our Senators: https://legacy.senate.gov.ph/senators/sen19th.asp The DepEd Contacts page can be found here: https://www.deped.gov.ph/contact-us/directory/ Here's the email address of VP Sara Duterte: osec@deped.gov.ph Here's the email address of Usec Gina Gonong: bcd.od@deped.gov.ph You can help SUPPORT THIS PODCAST by buying me a coffee at https://www.buymeacoffee.com/thejayarugashow or through GCASH: 09204848046 Sign up for The Jay Aruga Show Newsletter where you will have direct access to behind the scenes stuff, more detailed stories about an episode, and where we can write to each other as well. -> http://TheJayArugaShow.com Subscribe to The Jay Aruga Show Youtube Channel --> https://bit.ly/3ijo5kp --- Send in a voice message: https://podcasters.spotify.com/pod/show/thejayarugashow/message